Sulatin: Ang
kagila-gilalas na paglalakbay sa St. Pio Chapel
Araw
ng sabado. Napag-isipan kong sumabay sa aking mga kamag-aral sa KOM I na
pumunta ng St.Pio Chapel. Saktong alasdos ng hapon ay umalis na ako ng aming
bahay para hindi ako mahuli, magkikita kita kasi kame sa unibersidad ng 2:30 ng
hapon sa National Institute of Physics. Taas ng sikat ng araw, ang init!
Sabayan pa ito ng maitim na usok na binubuga ng mga sasakyan sa kahabaan ng
commonwealth, nakakainis! Sumakay na ako ng jeep paphilcoa. Sa jeep… ako’y nagmasid
tumingin sa mga pasahero at nagbayad sa driver “Bayad po! Philcoa lang..” tumapat
ang jeep na sinasakyan ko sa St. Peter Parish, bilang isang katoliko ako ay nag
sign of the cross… napansin kong ako
lang ang nag sign of the cross tanong
sa sarili ko “Ako lang ba ang katoliko dito sa jeep?” sabay lingon sa bintana,
hindi na lang pinansin. Ako’y nagmuni-muni, pumasok sa aking isipan na ang jeep
ay replika ng mundong ibabaw, iba’t-ibang tao, ugali, kasuotan, kultura,
relihiyon, may mahirap at may mayaman. Naputol ang aking pagmumuni-muni ng makita
ko na ang naglalakihang mga letra ng U.P
Ayala Technohub, naghanda na ako sa aking pagbaba “Para ho!”
Umakyat
ako sa Footbridge. katulad ng pangkaraniwang araw, nandoon pa rin si Kuyang
hindi nakakakita na may salamin, may mikropono at kumakanta ng OPM Song na may
lata sa tabi at speaker. Hindi na bago sa akin ang mga taong araw-araw na
nandoon dahil sa araw-araw din akong umaakyat ng overpass. Tanong sa sarili “Gaano
kaya kalakas ang pananalig ng mga taong katulad ni Kuya? May Diyos pa kaya
siyang pinaniniwalaan sa kabila ng mga pinagdadaanan niyang unos sa buhay?” Dedma
na lang. nagmadali na akong bumaba sa hagdan dahil papuno na ang UP Ikot. Sumakay
ng jeep at bumaba ng Vinzons Hall. Sa
totoo lang ay hindi ko alam kung saan ang National
Institute of Physics Building kung saan kame magkikita kita ng mga kasama
ko. Sa ilalim ng init ng araw binaybay ko ang
likod ng Math at Chem Building na
turo sa akin ng mga kasama ko upang marating ang NIP. Ilang sandali lang ay
nakita ko na silang dalawa. Sina Lawrence at Danica. Agad-agad kaming dumiretso
na sa paglalakad at lumabas ng unibersidad patungo sa kahabaan ng Katipunan. At
dahil sa pare-parehas kaming hindi alam kung paano pumunta doon,
napagdesisyunan namin na magtaxi na
lang.
Sa loob ng sasakyan, pumasok sa aking isipan na hindi pa ako
gaanong komportable sa mga kasama ko. hindi ko pa talaga sila gaanong kilala.
hindi ko pa alam kung paano sila pakikisamahan pero naisip ko na sa pagtatapos
ng araw na ito ay sinisigurado kong magiging magkakasundo kami. Nagtanungan at
nagpalitan kame ng mga impormasyon sa isa’t-isa hanggang sa unti-unti ko na
silang nakikilala at sa palagay ko
matatapos ang aming paglalakbay na masaya. Binaybay lang ng sasakyan ang
kahabaan ng katipunan hanggang sa makarating sa Eastwood at tinuruan na kami ni
manong driver kung paano makikita ang simbahan na sinasabi namin. Binaba niya
kame sa footbridge at doon namin nakita ang malaking Tarpaulin na may nakasulat
“St. Pio Chapel”.
Wow! Ang linis ng paligid. Ang daming puno’t halaman at
nagliliparang mga kalapati na para bang kame’y nasa paraiso. Sabayan pa ng
hindi makabasag na katahimikan ng lugar. Teka? San nga ba ang papasok ng
kapilya. Kaunti lang kasi ang tao kaya hindi namin alam kung saan maaaring
pumasok, buti na lang may gwardiya at kami ay nagtanong. Bago buksan ang pinto
ay bumungad sa amin ang mga karatulang nagsasaad ng mga bawal at pwede sa loob
ng kapilya. Binuksan ko ang pinto. Dumampi sa akin ang lamig, airconditioned pala ang kapilya. Napakaganda sa loob. Nakaorganisa ang lahat. Sa totoo
lang, hindi siya tulad ng pangkaraniwang kapilyang napupuntahan ko. Sabay basa “God in your goodness. You have made a home
for the poor”. Ito ang nakasaad na sipi sa loob ng kapilya.
Habang nagpapatuloy kaming maglibot, nakatawag pansin sa akin
ang kakaibang pintuan na para bang may hiwaga sa loob, para bang pinto sa mga
palabas na kapag binuksan mo ay dadalhin ka sa ibang lugar. Binasa ko ang
nakasulat “Sacred Place”. Wow!
Mukhang nakakapagtaka kung ano ang nasa loob nito. Pagpasok sa loob. Totoo nga!
Kakaiba siya… madilim ang kwarto, may ilaw, ngunit nakatutok ang mga ito sa
bawat santo na andoon. walang ingay kang maririnig at mararamdaman mo ang kakaibang
kabanalan sa loob ng silid na ito. Lumuhod ako sa Replika ni St. Pio na kung
saan nakahiga siya sa isang salamin na ataul.
Lumuhod ako sa harapan…
Pinagdikit ko ang aking mga palad…
Pinikit ko ang aking mga mata…
At nagdasal ng taimtim…
Sa pagpikit ng aking mga mata, ramdam ko ang yakap sa akin ng
panginoon at pagtanggap sa akin ni St. Pio, dahil ito ang unang beses ko na
makarating sa kapilya niya. Habang nakaluhod humiling ako at nagpasalamat.
Nilubos ko na ang pagkakataon na manalangin dahil sa kataimtiman ng lugar at
para bang dalawa lang kame ng Panginoon na nandoon, magkausap. Ang sarap sa
pakiramdam dahil walang nakakaagaw ng atensyon ko at ramdam ko ang kabanalan ng
lugar na kung saan may hiwagang pumapasok sa aking damdamin.
Paglabas, nilibot muna namin ang kapilya. Kame nila Lawrence
at Danica ay sobrang nagandahan sa lugar, para sa akin kung sakaling bibigyan
ako ng pagkakataon mapadpad ulit sa lugar hindi ko palalagpasin puntahan ang
kapilya ni St. Pio, dadalhin ko ang aking mga kapamilya at mga kaibigan.
Pagkatapos libutin, parang may kakaibang tumutunog sa aking tiyan. Gutom na
ako. Dumiretso kameng tatlo sa Eastwood kung saan malapit lang sa kapilya upang
kumain at maglibot na din. Isang pagkakataon na rin ito para makasama at
makilala pa ng lubusan ang isa’t-isa. Nakakatuwang kasama ang dalawa sapagkat
habang kumakain.. nagkaroon ng kaunting talakayan patungkol sa “Wika at
Lipunan”. Paglabas ng kainan, hindi namin namalayan na gabi na pala at
kailangan na naming umuwi. Sumakay na kaming muli ng taxi papuntang unibersidad
at doon tuluyan na kaming nagpaalam sa isa’t-isa.
Naglakad ako patungong central. Pumara ng jeep na pafairview.
Tumingin ulit sa bintana.
Kataliko. Ito ang aking kinagisnang relihiyon. Naaalala ko pa
na noong bata ako ay pinipilit ako ng aking Ina na uminom ng gamot. Iyong syrup
na gamot na maalat at ang baho ng amoy, tulong pa sila ni Papa para lang
makainom ako sa tamang oras Noong malaki na ako hindi na nila ako kailangan
pang pilitin, kusa na akong umiinom. Parang sa relihiyon, katoliko ang
kinagisnan ko at ito na rin ang itinatak ko sa aking isipan. sa kaugalian at
papanampalataya.
Nasa sa tao kung gaano
kalakas ang kanyang paniniwalang may Diyos. Walang kahit sinoman ang magsasabi
kung ano nga ba ang tama o mali at kung ano nga ba ang masama o mabuti tanging
ang Diyos lang. Ang importante sa buhay
ay may Diyos kang pinaniniwalaan, magkakaiba man ang pananaw ng bawat relihiyon
ang mahalaga ay kung paano ito isinasabuhay sa reyalidad, kung paano makikisama
sa mga tao, kung paano siya magiging isang mabuting mamamayan sa lipunan na
kanyang ginagawalan at sa kung paano niya mahalin ang kanyang kapwa. Iba-iba
man ang pinaniniwalaanm, iisa pa rin ang naman ang hangarin ng bawat tao. Ang
mamuhay ng matiwasay at may magkaroon ng pagkakaisa sa puso, sa diwa at sa
gawa.
Sandali lang.. bababa
na pala ako. “Para ho”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento