Namumula
ba ang mata mo dahil sa sikat ng araw? O puno ba ng kulangot ang ilong mo dahil
sa polusyong binubuga ng mga sasakyan? E kamusta naman yung bibig mo na pagod
na sa kakasalita ng “Bili na po kayo!”?
Sa tingin mo ba kung vendor lang ang trabaho ng magulang mo, mapagtatapos ka
nila? Gaano ba kahirap maging mahirap? Sino ba ang dapat sisihin sa maraming
naghihirap? Gobyerno? Ang Diyos? Sino nga ba?
Mga
katanungang lumilipad sa isipan ko habang ako’y naghahanap ng taong makakapanayam. Isang matandang babae ang
pumukaw at tumuwag ng aking pansin. Siya
ay may katabaan ang pangangatawan, hindi mahaba ang kanyang buhok na halos
parang panglalaki ang gupit, ito ay itim, na para bang pinakulayan sapagkat
tumutubo na ang puti sa ilalim, mga matang namumula ang gilid pero sumasabay pa
rin ang kislap ng mga ito sa pagsinag ng araw, hindi gaanong kapanguan ang
ilong, bilugan ang mukha na may matatabang pisngi at labi na may matatamis na
ngiti.
Ganito
ko mailalarawan si Aling Lucia Bulan, 65 na taong gulang, dalawampung taon na siyang
vendor, nagtitinda ng dyaryo, tinapay, candy at nagpapaload din, basta mga
sari-saring paninda. Natagpuan ko siya sa kahabaan ng overpass ng Edsa sa tapat
ng SM North, sa araw-araw niyang pagbebenta doon mahigit 500 lang ang kinikita
niya sa isang araw, depende pa ito. Kapalit nang pagtititis ni nanay Lucia ang
paglanghap ng makakapal na usok na binubuga ng mga sasakyan, pawis sa maghapong
pagbabantay sa ilalim ng araw at pagod na mga matang gusto nang magpahinga.
Tubong Leyte si nanay Lucia, laking
gulat ko ng sabihan niyang tapos siya ng Tailoring pero mahirap na daw maghanap
ng trabaho sa probinsya noong mga panahon niya, kaya’t nakipagsapalaran siya dito sa Maynila at dito
na lumaki, dito na rin nakapag-asawa. Mahirap ang lagay ko habang nakikipagpanayam
ako kay nanay Lucia sapagkat may problema na ang kanyang tainga, hindi na siya
gaanong nakakadinig ng maayos kung kaya’t tinutulungan ako ng kasama niyang
babae upang lubos kameng magkaunawaan.
Balingkinitan ang katawan, hindi
katangusan ang ilong ‘di rin kapanguan tama lang para sa kanyang mukha,
nakapusod ang buhok, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at maborloloy ang
katawan. Siya si ate Jopay, hindi niya totoong pangalan, pamangkin ni nanay
Lucia, ayaw niyang magpakilala at ayaw niya ring siya ang interbyuhin ko.
Sinabi ko baka mahirapan akong makipagpanayam kay nanay kaya siya na lang, pero
ayaw niya talaga, si nanay Lucia na lang daw at tutulungan na lang niya ako
para lubos kameng magkaunawaan ni nanay Lucia. Nirespeto ko ang desisyon ni ate
Jopay, marahil may rason siya kung bakit ayaw niya.
Wala
ng asawa si nanay Lucia, vendor din ang hanap-buhay ni tatay bago pa ito noon
pumanaw, sabay silang nagtitinda upang makaraos sa pang araw-araw at
makapagtapos ang kanilang anim na anak. Para kay nanay, ito ang pinakamatinding
problemang ikinaharap niya sa buhay, ang mamatay ang asawa dahil nangailangan
sila noon ng malaking pera para sa dayalisis at gamot ni tatay. Lalo akong
bumilib ng malaman kong lahat ng anak ni nanay Lucia ay nakapagtapos na nang
pag-aaral, lahat pa ito ay lalaki. Ang panganay ni nanay ay isa ng ganap na
Pharmacist, dalawa ang nakapagtapos ng Information Technology o I.T., ang isa
ay programmer, ang isa ay titser at ang bunso ay nakatapos ng management
course.
Hindi
ko sukat akalain na sa pagtitinda-tinda ni nanay Lucia ay nakapagpatapos na
siya ng anim na anak, kasabay nito ang
pagtanong ko sa kanya, “Bakit pa po kayo
nagtitinda sa bangketa? Bakit hindi na lang kayo magpahinga sa bahay tutal
lahat ng anak po ninyo, e mga propesyunal na?”, Ang sagot ni nanay Lucia sa
akin, itong pagbebenta sa bangketa ang pinagkaabalahan nila noon pa man kaya
hindi na niya ito maiwan iwanan at pinagbibigyan na lang siya ng mga anak niya
na gawin ito dahil ayaw na ring niyang magpapigil, walang magawa ang mga anak
niya kung kaya’t sinasamahan na lang siya ng kanyang pamangkin at kung minsan
ng kanyang anak. Sabi ni Ate Jopay, dahil nabibingi na rin daw si nanay Lucia
kung kaya’t medyo hirap na siyang magbenta kaya’t sinasamahan na lang nila ito.
Ayon
kay ate Jopay, sobrang bait talaga ni nanay Lucia, palangiti pa ito. Nakita ko
kung gaano kasayahin si nanay Lucia, tinanong ko siya kung ano ang motto niya
sa buhay… Nagtawanan ang dalawa sabay sabing, “To see, is to believe”. Habang nag-uusap napunta na ang
pakikipagpanayam ko kay ate Jopay, marahil dahil pagod na rin si nanay Lucia
kaya halos kame na lang ni ate Jopay ang nagkausap.
Kasalukuyang
Propesor si ate Jopay sa isang pampribadong unibersidad sa maynila, English ang
subject na tinuturo niya, Oo, tapos siya ng Teacher. Magaling at matalinong mag-isip si ate Jopay,
malalaman mo talaga sa isang tao kung paano siya sumagot sa mga tanong. Gaya ni
nanay Lucia, masayahin at mabait si ate Jopay.
Tinanong
ko si ate Jopay kung mayroon pa siyang gustong makamit sa buhay tutal natupad
na niya ang kanyang pangarap na maging isang ganap na guro. Sagot sa akin ni ate
Jopay “Kung sa Propesyon lang ang
pag-uusapan, tapos ko na ang pangarap na gusto kong marating, pero kung sa
estado ng buhay hindi ko pa o namin ng mga kapamilya ko naabot yun. ‘Yun ay ang umangat ang buhay mula
sa kahirapan..”. Natuwa ako sa sagot ni ate Jopay, hindi ko lubos maisip na
ang mga taong dinadaanan ko sa araw-araw na mga nagtitinda sa bangketa o sa
overpass o sa kung saan-saan, e akala ko mga tindera lang talaga, ‘yon pala may
mga kanya kanyang istorya o kwento ang buhay nila.
Dito
napaisip din ako at naalala yung sinabe ng guro ko noong nasa ikatlong baitang
sa hayskul, “Don’t underestimate people,
because they have their own story and they can soar high” Dapat maging
pantay pantay ang pagtingin natin sa mga taong nasa paligid natin, hindi porket
gano’n lang ang trabaho nila, e wala na silang alam.
Tuloy
pa rin ang pag-uusap namin, hanggang sa humantong ako sa tanong na, minsan na
kayang sinisi ni ate Jopay ang Diyos sa pagiging mahirap niya. Natuwa naman ako
sa matapat na sagot ni ate Jopay dahil sabi niya sa akin “Oo naman! Madalas kong nasisisi ang Diyos lalo na kapag walang wala na
ako at yung pamilya ko, tinatanong ko sa kanya kung bakit mahirap lang kame? Kung
bakit buti pa yung iba mayaman at kame mahirap? Kung bakit kame pa yung
mahirap? Gano’n..” Maganda ang
pananaw ni ate Jopay sa buhay, sadyang kahanga-hanga ang mga sagot niya sa
tanong ko. Nakakatuwa dahil siya at si nanay Lucia ang nainterbyu ko.
Sunod
na natanong ko kay ate Jopay, E sino ba ang dapat sisihin sa pagiging mahirap?
Gobyerno ba? O yung Diyos ba? Sino para sa iyo? Mas lalo akong humanga ng
sinabe niyang “Ang tao talaga ang dapat
sisihin, sarili niya dapat ang sisihin niya kung bakit siya mahirap, dahil ang
tao ang may hawak sa kapalaran niya. Nandiyan ang trabaho, maraming
opportunidad jan, nasa tao kung paano siya magsisikap at kung paano niya
gustong makamit yung estado ng buhay na pinapangarap niya” Parang hindi
isang tindera ang nakakausap ko nung mga oras na iyon kaya sobrang dame naming
napag-usapan dahil natuwa akong kausap ang magtiyahin..
Pagkatapos
ng ilang katanungan bumili ako ng mga tinda ni nanay Lucia at ate Jopay para
ito na rin ang kapalit sa pagiinterbyu ko sa kanila. Si ate Jopay na rin ang
nagkuha ng litrato sa amin ni nanay Lucia, nakipaghiwalay ako sa dalawa ng may
ngiti, gayun din naman sila at sabay sabi ko “Nay at ate Jopay, babalik na lang po ako sa inyo kapag napadaan ulet
ako dito o kaya pag napadpad ako sa SM North… Marami pong salamat!” Natuwa
ako sa ginawa ko at natuwa ako sa mga nalaman ko. Marami akong natutunan sa
kanila at malaki rin ang natulong nila sa akin, hindi lang para sa asignatura
ko pero sa pananaw ko na rin sa buhay.
Ikaw?
Paano mo pagkakasyahin ang 500 na kinikita mo sa araw-araw para anim na anak?
Alam mo na ba kung paano maglaro sa kahirapan ng buhay? Alam mo na ba kung sino
ang dapat sisihin sa naghihirap na mga Pilipino? E kamusta naman yung
prayoridad mo bilang tao? Marunong kana ba rumespeto ng kapwa? O isang tanong
na, Gaano ba kahirap ang maging isang mahirap…..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento