Tinanong kami ng aming
propesor sa KAS1 kung ano nga ba ang kasaysayan. Unang pumasok sa isipan ko,
ang kasaysayan ay ang mga makabuluhang pangyayari na nakapaloob sa nakaraan na
nararapat pahalagahan at pag-aralan para sa mga taong namumuhay sa kasalukuyan.
Ibig sabihin, lahat ng napapaloob dito ay mga importanteng pangyayari na may
malaking naiambag sa nakaraan.
Kasabay nito, inatasan
kame ng aming propesor na gumawa ng talambuhay o kasaysayan ng aming buhay.
Nag-isip ako ng ibang istilo kung paano ko ipapakilala ang sarili ko at
magkakaroon ng aral sa huli. Base sa depinisyon ko sa kasaysayan, tinanong ko
ulit ang sarili ko. Ano nga ba ang mga mahahalagang pangyayari na naganap sa
buhay ko na dapat kong pahalagahan at sino-sino ba ang mga taong nagbigay
saysay sa buhay ko.
Ako nga pala si Alvin
de Guzman Santos, isang mag-aaral. Labing walong taong gulang na lumaki sa
Lungsod Quezon. Kame ay limang magkakapatid (Sina Vergel, April, Ryan at
Dennielyn), lahat sila ay may kanya-kanya ng pamilya. Ako na lang ang wala. Isa
ang nakapagtapos ng kolehiyo. Ang aking mga magulang ay sina Dennis Garcia
Santos, ang aking ama at Melisa Gana de Guzman naman ang aking ina, parehas
silang hayskul lang ang natapos. Kasalukuyang nagtatrabaho ang aking ina
sa SM North Edsa bilang service staff samantala wala namang trabaho ang aking
ama dahil kamakailan lang ay natanggal na siya sa trabahong kanyang
pinapasukan.
Bata pa lamang ako,
ang alam ko lang gawin ay ang paglalaro. Ngunit nang pasukin ko na ang
eskwelahan napagtanto ko na kailangan ko din palang tumanda at mag-isip ng
tama. Noong nasa elementarya ako nagkaroon ako ng medalya simula grade 3 (dahil
sa mga kaibigan kong matalino kaya't nagpursige din akong mag-aral ng mabuti )
hanggang grade 5, tapos grumadweyt ako ng may medalya bilang Artist of the
year, Dancer of the Year at 8th honorable mention. Grumadweyt ako sa isang
pampribadong paaralan, Christian Family Centre, 2008. pagkatapos ay lumipat na
ako sa pampublikong paaralan sa mataas na paaralan ng North Fairview.
Unang taon ko pa lang
sa hayskul, Hindi na kaagad ako nagseryoso sa pag-aaral sa kadahilanang
hindi ko masabayan ang kultura sa pampublikong paaralan kaya mula sa
pinakamataas na seksyon sa aming paaralan, nalagay ako sa halo-halong seksyon
(may matalino at may mga hindi gaanong matalino), noong nasa ikalawang taon na
ako, kung kaya’t ginalingan ko para mapunta ulit ako sa seksyon 1. Nanguna ako
sa aming klase, pangatlo ako sa pinakamatalinong mag-aaral sa klasrum, kaya
napunta ulit ako sa seksyon 1. Nang mag ikatlong taon ako sa hayskul hindi ko
na hinayaang maalis ako sa seksyon 1 kaya mas pinagbutihan ko pa. Naging
miyembro ako ng "Ang Pananaw" ang opisyal na pahayagan ng aming
paaralan, isa akong manunulat ng balita at tagakuha ng larawang peryodismo.
Nagtapos ako sa hayskul ng maraming nauwing parangal na inihandog ko talaga
para sa mga magulang ko, pinarangalan ako bilang Dancer of the year at
Photojournalist of the year (Filipino).
Sa dami ng mga
parangal, papuri at medalya na natamo ko, kasabay nito ang dami ng mga taong
bumabatikos sa kakayahan ko. Kung kaya’t hanggang ngayon ako’y nagsusumikap
upang ipakita sa mga taong nagsasabi na hindi ko kaya, na kaya ko. Ang sarili ko
ay maihahalintulad ko sa isang kawayan, nanatiling matatag kahit na ano mang
pagsubok sa buhay ko ang dumating. Samantala ang buhay ko ay maihahalintulad ko
sa kalangitan, paiba-iba man ang kondisyon, dumating man ang bagyo.. ang
importante sumisikat pa rin ang araw.
Ngayon, kasalukuyan
kong hinaharap ang buhay kolehiyo. Una akong pumasok sa Politeknikong
Unibersidad ng Pilipinas, Sta.Mesa Manila, 2012-2013. Kumuha ako ng kursong
B.S. Tourism Management - Dean's Lister, hanggang isang taon lang ako dito at
nagdesisyon na lumipat sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ngayon, kumuha ako
ng B.A. Araling Pilipino (Philippine Studies).
Base sa depinisyon ko,
tatanungin ko ulit ang sarili ko. Ano nga ba ang mga mahahalagang pangyayari na
naganap sa buhay ko na dapat kong pahalagahan at maipapamahagi sa babasa ng
nakaraan ko? Sa kabila ng aking mga natamo na medalya at parangal, mas
importante pa rin ang maging mabuting tao, maging masaya para sa iba, maging
masaya sa ginagawa at isapuso ang pagiging makabayan, sabi nga nila nag-aaral
ang mga kabataan para sa sarili sa pamilya at sa bayan. Nararapat na sa bawat
pagtahak ng buhay may mga aral tayong nakukuha. At sino sino nga ba ang mga
taong nagbigay saysay sa buhay ko? Una ay ang Diyos na nag-gagabay sa akin
patungo sa pangarap ko at Siya din ang dahilan kung bakit ako nasa posisyon ko
ngayon. Pangalawa ang mga magulang ko na naghihirap para sa akin/ sa amin. At patuloy
na sumusuporta at gumagabay sa’kin. Pangatlo, Pamilya ko, na sumusuporta sa
kakayahan ko at ang mga kaibigan ko na nagmistulang tagahanga at tagapayo ko sa
oras na gipit ako.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento