Apokalips


Miyerkules, Agosto 20, 2014

Reflection Paper: THE MISEDUCATION OF THE FILIPINO – Renato Constantino

Edukasyon. Ito ang isa sa sandata ng isang tao upang magtagumpay sa buhay. Ito ay importante sa bawat isa sa atin. Ito ang sagot para hindi tayo lumaking mangmang. Upang yumaman ang isang tao nararapat na mayroon nito. Ito ang sentro ng buhay natin. Ito ang isa sa pinakamagandang maipagmamalaki sa iba. Ito ang pinakamatibay na pundasyon ng isang indibidwal. At ito rin ang sagot sa kaunlaran ng isang bansa.
Sa Pilipinas, misedukasyon ang nangyari at hindi edukasyon. Sa kawalan ng ating bansa ng matatag na sibilisasyon, marami sa sumakop sa atin ay nagtatag ng Direct Colonialism kung saan, naging ganap ang pagsakop sa larangan ng buhay ng mga Pilipino – Sa relihiyon, lipunan, ekonomiya, kultura at wika – na tumatak sa ating kaisipan. Lalo na ang mga Amerikano na umukit ng husto sa ating institusyon, bansa, kaisipan at pananaw sa daigdig.
Ang pagkakaroon ng pusong makabayan ay importante sa edukasyon upang matamo ang ninanais. Subalit tayong mga Pilipino ay mas nauudyok pag-aralan ang kaisipan ng kanluranin, nawawalan tayo ng interes sa pag-aaral ng sariling kasaysayan natin. Laging nagbabase ang mga Pilipino sa akda ng mga dayuhan at hindi sa sariling pantas. Sa katotohanan, marami ng mahahalagang kontribusyon sa daigdig ng kaisipan ang ating mga kababayan ngunit hindi lang ito labis na nabibigyang pansin at importansya. Ayon nga sa isang artikulo na ginawa ni Renato Constantino, wala kasi tayong Intellectual tradition.
Isa sa mga tumatak talaga sa mga Pilipino noong Panahon ng Amerikano ay ang pagturo ng mga ito ng Ingles, na kung saan alam naman natin na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin natin, marahil hindi natin maitatangging malaki ang naitulong nito sa atin at alam nating wala tayo sa kung nasaan ang mga Pilipino ngayon kung hindi tayo naturuan ng wikang Ingles. Isa rin sa dahilan kung bakit mabilis na nasakop ng Amerika ang Pilipinas dahil noong matamo ng mga Pilipino ang kalayaan mula sa Kastila, tinulungan kaagad tayo ng mga Amerikano kung paano maging isang demokrasyang bansa. Gaya nga nang pinahayag nila na ang gusto lang nilang mangyari sa mga Pilipino kaya’t tinuruan nila ng wikang panturo o ang Ingles ay matanggal ang pagiging mang mang at ignorante ng mga Pilipino. Upang dito ay matuto tayong magkaroon ng sariling atin at mailigtas tayo sa kamay ng mga kastila at hapon.
Marahil noong Panahong ng mga Amerikano tuluyang umusbong ang edukasyon ng Pilipino, sa kasamaang palad ito na rin ang simula ng ating misedukasyon. Dahil dito na rin nagsimulang kalimutan ng mga Pilipino ang pansariling wika at naging dayuhan na rin ang mga Pilipino sa sariling bansa. Binibigyan din ng mga Pilipino ng halaga ang tradisyon at kaugalian ng mga dayuhan, kaya’t hindi nakapagtataka na ang ating pag-iisip ay hinuhubog ng itinuturong maka-dayuhan at ng mismong reyalidad. Dito rin pumasok ang kasaysayan at katangian ng mga kanluranin na imbis maunawaan ng mga Pilipino na ito ang kailangan natin mas naging malala pa sapagkat mas minahal na ito ng mga Pilipino at mas binigyan ng pansin.
Samantala sa larangan ng ekonomiya, pinakilala ng bansang Amerika na ang Pilipinas ay maaring maging industriyalisado. Noon ang alam lang kasi natin ay magaling lang tayo sa agrikultura, subalit dahil sa mga Amerikano natuklasan ng mga Pilipino na maari din pala ang bansa natin makisabay sa ibang bansa pagdating sa industriya.
Sinabi ni Constantino na isa sa mga pangit na kaugalian nating mga Pilipino ay tuwang-tuwa tayo na kapag binabanggit ng mga dayuhan na ang ating bansa ay isang paraiso, na hindi natin nakikita ang reyalidad kung saan ang ibang mga kababayan natin ay hindi paraiso ang tingin dahil sa kahirapang kanilang nadarama.
Sa kabilang banda, ang pinaka nakaapekto ay ang wika. Wika ang isa sa pinakaproblema ng ating bansa. Naniniwala tayo na ang Ingles ay ang wikang panturo, sa paraang ito hindi natin naiisip na tayo ay Pilipino, na mas kailangan nating palawakin at mas aralin ang sariling wika natin. Nakakalungkot ring isipin na maraming pamilya ang pananaw ay ang edukasyon ay isang instrumento lamang ng pagtatamo ng personal na ambisyon sa buhay at dagdag pa dito, Ingles ang binibigyang prayoridad sa edukasyon at negosyo. Paggamit ng Ingles ay hindi nagbunga ng kaunlaran. Nauntol ang pag-unlad ng wikang pambansa bilang wikang panturo, wikang opisyal at wika ng negosyo.

Marahil nakatulong ang dayuhan upang umusbong ang ating bansa ngunit hindi naman malinaw ang hangarin na bigyan ng tamang edukasyon ang bawat Pilipino subalit ito’y naging misedukasyon. Marami man tayong natutunan, subalit hindi maganda ang kinalabasan nito sapagkat nagpadala ang nakararami sa atin sa pagmamahal dito at nakalimutan na, na sila ay Pilipino.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento