Konsepto sa salitang ‘Timawa’
Malaki
ang ginagampanan ng kultura at lipunan sa wika, sa katunayan hindi mo
maipaghihiwalay ang tatlo sa kahit na anong aspeto.
Ang
wika ay kabuhol na ng kultura, kung saan mas madaling makikilala ang isang tao
sa pamamagitan ng pagtukoy kung ano ang wikang kanyang ginagamit. Sumasalamin
sa salitang ginagamit ang kultura ng tao sapagkat malaki ang ugnayan ng
dalawang ito. Yumayabong at nagbabago ang wika dahil sa taong gumagamit nito na
kabilang sa isang lipunang may umiiral na kultura. Gayundin, ang kultura ay
nabubuo at napepreserba dahil sa wikang gamit ng tao. (Carpio et al., Komunikasyon Sa Akademikong Filipino.
2012)
Sa
kabilang dako, pangunahing gamit ng wika sa lipunan ay ang pakikipag-ugnayan sa
isa’t-isa o ang tinatawag na komunikasyon. Ayon nga sa kasabihan, No man is an island at samantalang sa
awitin, “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang”. Nais lang
ipahiwatig ng bawat salita na hindi maaring mabuhay ang tao nang nag-iisa
lamang sa mundo kung hindi siya magkakaroon ng interaksyon sa ibang tao. Nabuo
ang lipunan dahil sa grupo o lipon ng tao na patuloy na nag-uugnayan at nakikipagtalastasan.
Kasangkapan natin ang wika upang magpatuloy ang sirkulasyon ng lipunan at
magpatuloy ang ating pag-iral bilang tao. Kung mangyaring ang wika ay hindi
natin gamitin, maari itong manganib at tuluyang mamatay. Samakatuwid nabubuhay
ang wika dahil sa patuloy na paggamit dito ng tao sa komunikasyon. (Carpio
et al., Komunikasyon Sa Akademikong
Filipino. 2012)
Sa
ng paglipas ng panahon, sabay din na nagbabago ang wika at kahulugan nito. Isa
sa kantangian ng wika ay ang pagbabago. Ang pabago-bago ng mga salita at
pamamaraan ng pagbigkas ng wika ay isang uri ng katangian nito. Dinamiko ang
wika. Pangunahing nagpapabago dito ay ang mga taong gumagamit ng wika at ang
kulturang nabubuo sa lipunan.
Tatalakayin
sa papel na ito ang Konsepto sa Salitang
‘Timawa’. Napili ko ang salitang timawa nang sabihan ng aking kapatid ang
kanyang anak ng “Napakatimawa mo!” sapagkat nais pang kainin ng aking pamangkin
ang pagkain ng kanyang ina gayong nakain na nito ang kanyang pagkain. Dito
napaisip ako kung ano nga ba at saan nga ba nagmula ang salitang ‘Timawa’. Lagi
kong naririnig ang salitang ito ngunit iba-iba ang pamamaraan ng paggamit ng
mga tao dito. Ano nga ba ang orihinal na kahulugan ng salitang ‘timawa’ at saan
nga ba nagmula ang salitang ito.
“Timawa
ka ba?” Ano nga ba ang pangunahing pumapasok sa isipan ng isang indibidwal
sakaling marinig niya ang katagang ito. Para sa nakararami ano nga ba ang
kahulugan nito?
Sa
aking pananaliksik sa salitang ‘timawa’, nagulat ako nang malaman na mayroon
nang gumawa ng pag-aaral para sa salitang ito. Nabatid ko na parehas kame ng
dahilan kung bakit niya napili ang salita nang mabasa ko ang kanyang tesis na
ginawa para dito, ito’y dahil nais niya ring malaman ang ibig-sabihin at
malalim na kahulugan ng salitang ‘timawa’. Si Nancy Kimuell ay nagtapos sa
Unibersidad ng Pilipinas at nang kumuha siya ng kanyang masteral ito ang ginawa
niyang tesis na marami ring lubusan na natuwa sa ideyang ito.
Sa
pag-aaral ko sa konsepto ng salitang ‘timawa’, nagkaroon ako ng isang
pananaliksik kung saan tinanong ko ang aking mga kakilala at ibang tao
patungkol sa kung ano ang pangunahin kaisipan o ideya ang nabubuo sa kanila
kapag narinig nila ang salitang timawa: Timawa
– katumbas nito ang pagiging patay gutom,
mahirap, walang makain, masiba sa pagkain, sabik kumain, dukha. Marahil
base sa aking pananaliksik ang salitang timawa ay negatibo ang kahulugan para
sa nakararami o sabihin na nating ito ang tingin ng kasalukuyang Pilipino. Ayon
naman kay kimuell, kung tatanungin rin ang mga nag-aaral ng kasaysayan kung ano
nga ba ang timawa, mahihirapan silang sagutin ito.
Ano
nga ba ang nakapaloob sa sinaunang kahulugan ng salitang ‘timawa’?
May
malalim na kahulugan ang salitang timawa sa kasaysayan dahil ito ay isang
matandang salita na mula pa dantaon 16 at posibleng mas maaga pa. Ngunit halos
magkaiba ang kahulugan ng salitang timawa noon sa kasalukuyan. Isang patunay na
ang kahulugan ng wika ay maari ding mabago sa paglipas ng panahon.
Noong
unang panahon, sa sinaunang pamayanang Pilipino, ang salitang ‘Timawa’ ay
nangangahulugan ng “Malaya”. Nagpapatungkol ito sa panggitnang katayuan ng mga
tao sa pagitan ng mga maginoo at mga alipin. Sa pangkat na ito nagmumula ang
mga espesyalista sa lipunan katulad ng mga mandirigma, mangangalakal, panday,
katalonan/ babaylan, manghahabi, mamamalayok, guro/paratabgaw. Maginhawa ang kanilang pamumuhay at kagalang-galang
ang katayuan na sadyang maituturing na malaya sa lipunan dahil hindi sila tulad
ng mga aliping naipagbibili. Maaring kaugnay ng timawa ang salitang Malay na “Dyemawa o Jemawa” ng Bahasa Indonesia
na nangangahulugan ng labis na pagpapahalaga sa sarili.
Dagdag
pa dito, bago dumating ang mga kolonyalistang espanyol, laganap na ang hatiang
maginoo-timawa-alipin. Bukod sa saray ng datu at pamilya’t kamag-anak nito, may
katayuang alipin din na nagbabayad ng tributo sa datu, naglilingkod sa iba’t
ibang kaparaan at may mga kasong naipagbili sila, naipapamana o naipagpapalit
ng ibang kalakal. Sa gitna ng dalawang pangkat na ito ang isa pang grupo ng tao
na inilalarawan bilang ang mga malalaya o
timawa na hindi kabilang sa uri ng datu o sa uring alipin. May sarili
silang lupang binubungkal; may karapatan silang mamili ng datung pakikisamahan,
at maliban sa karaniwang gawaing pagsasaka, malakas na papel din nila sa
komunidad ang pagiging mandirigma at mangangalakal. May panahon silang
paunlarin ang kanilang kasanayan tulad ng paghahabi ng magagarang damit,
pagpapanday ng ginto at pilak para sa alahas at mga dekorasyong pangkatawan at
pantahanan, panday na kahoy para sa mga kabahayan at sasakyang pandagat,
paggawa ng mga palayok na gamit ng komunidad at pangangalakal sa kalakalang
internasyunal, bilang mga babaylan o katalonan na responsable sa buhay
ispiritwal at pangkalusugan ng komunidad at bilang mga guro o
paratabgaw/tagapagturo sa mga kabataan. P. 45
Ang
“Katimawaan” ang taal na dalumat ng sangkapilipinuhan sa KALAYAAN. Kaugnay ito
ng konsepto ng katubusan, kaginhawaan, kaligtasan, kasaganaan at katiwasayan. Dito
mahihinuha na ang ibig-sabihan ng salitang timawa noon sa kasaysayan ay ang mga
taong Malaya.
Ang
ganitong pagpapakahulugan ay magbabago nang sakupin ng mga kastila ang
Pilipinas. Bilang grupong panlipunan, maghihirap sila dulot ng mga imposisyong
pang-ekonomiyang mapagsamantala. Pagbabayarin sila ng buwis , pagsisilbihan sa
polo, aagawan ng lupa at dadayain sa hatian ng bunga ng produksyon agrikultural
na pinakikinabangan ng mga mestisong tsino, uring principalia at mga prayle. Sa
dantaon 20, iba na ang gamit at kahulugan para sa mga tao ng salitang timawa.
Kasunod
ng pagbabago sa material na kalagayan at buhay ng lipunan, magbabago din ang
pusisyon ng timawa sa lipunan. Babagsak ang pusisyon ng timawa dahil sa
sistematikong pagsasamantala at pang-aapi sa kanila ng kolonyalismong Espanyol
katulong ang mga lokal na principalia.
Tatagpuin nila sa pinakamababang antas na ito ay tatawaging plebeyo, maglulupa,
kasama at marami pang iba batay sa kinapapaloobang hanapbuhay pero sa
pangkalahata’y nagpapatungkol sa mga dukha, walang lupa at walang piang-aralan.
Sila ang tumatanngap ng makalahi at makauring pagsasamantala at pang-aapi ng
nakapangyayaring uri ng lipunan. Kung sa mata ng dayuhan ay mga “tamad ng unggoy”
at “asal-hayup” ang mga indio (sangkapilipinuhan), para sa mga elit, hindi ito
totoo para sa lahat ng indio. Hindi kasama ang mga may pinag-aralan; mga timawa
lamang ang asal-hayup, ang mga “mal-edukado”, ang mga “walang modo”. Ang
pagbabago ng pagtingin sa mga timawa ay maipapaliwanag lamang sa pagbabago ng
kabuhayan nila sa epekto nito sa kanilang kalinangan. P.15
Itutulak
ng pagbabago sa kanilang material na kalagayan ang iba’t ibang pananaw at
pagkilos. May mga timawang nakipagtulungan sa principalia, mga naging alalay ng
kolonyal na opisyales, mga pumasok sa kolonyal na hukbo, mga katulong ng pari
sa simabahan. Sa madaling salita, may mga timawang nakipagkasundo at naging mga
katulong sa kolonyal na pangangasiwa at pagmamantini ng lipunan. P.15
Hanggang
sa kasalukuyan, ang salitang timawa ay negatibo ang ibig-sabihin. Kapag ikaw ay
mahirap, timawa ang pangunahin deskripsyon sa iyo. Gustong ipahiwatig nito na
ikaw ay isang dukha, patay-gutom, hampas-lupa, asal-hayup, walang pinag-aralan,
walang modo, pulubi, alila, katulong, swapang, masiba at buraot. Sa madaling
salita ay busabos… ikaw ay ituturing na mababang uri ng tao sa lipunan. Sa madaling salita, maraming
tao na para sa kanila ang salitang timawa ay negatibo ang kahulugan.
Sa
komunidad pangwika ng mga Tagalog at Bisaya, may mga ebidensya na nanatili ang
taal na kahulugan ng salita bilang malaya/ kalayaan hanggang 1910. Subalit
noong 1864, may lilitaw na ring ebidensya
ng pagkakaroon ng pangalawa at negatibong pang kahulugan ng salita na
mananatili na hanggang sa kasulukuyan: dukha, busabos, mahirap pa sa daga,
ganid, swapang, hampas-lupa, kadusta-dusta, hamak at kalait-kait. Nakasalalay
ang pagbabago ng kahulugan ng salita sa naghirap nilang katayuan sa makauring
lipunan. Kasama ng mga dating alipin na “titimawain” o “palalayain,” sila
ngayon ang bumubuo ng pinakamababang uri sa lipunang kolonyal.
Sadyang
masasabi natin na ang wika ay nagbabago dahil ito ay buhay. Patuloy ang
pagbabago nito kasabay ng paglipas ng panahon, ang pagsubaybay sa pagbabago
nito ay pagtuklas na rin sa natatagong kasaysayan nito.
Hinalinhan
naman ng salitang kalayaan ang salitang katimawaan. May mga pahiwatig na nasa
gamit ng ng balana ang salitang LAYA mula pa noong malaong nakalipas (Hal. Raha
Laya noong dantaon 16; ilaya-iraya-idaya ng iba’t ibang grupong etniko; at mga
apelyidong Laya at Malaya sa Catalogo ni Claveria noong 1849). Gayunman, noon
1864 matutunghayan ang salitang calayaan bilang
biyaya ng Diyos, sa aklat-dasalan na isinalin ni Padre Mariano V. Del Pilar ng
El Amor Patrio ni Dr. Jose Rizal. Unti-unti nitong hinalinhan ang salitang
katimawaan (Sa pakahulugan kalayaan) sa gamit ng mga katipunero. Sabay na
ginagamit hanggang 1910 ang katimawaan at Kalayaan (sa positibong kahulugan)
kahit nina Del Pilar, Bonifacio, at Aurelio Tolentino. Subalit mula ikalawang
dekada ng dantaon 20, mas madalas nang ginagamit ang kalayaan samantalang mas
tumingkad naman ang negatibong kahulugan ng timawa. Tanging ang kapampangan
lamang ang makakapagpanatili ng taal na kahulugan nito hanggang sa ngayon.
Sa
kabisayaan, ang timawa sa kasalukuyan ay mga magsasaka, magbubukid, at sa
pangkalahata’y lahat ng maralita. Sa mga tagalog, ang timawa ay nangangahulugan
ng dukha, alilang-kanin, patay-gutom, hamak kapus-palad, at kalait-lait.
Ang
kasaysayan ng timawa ay kasaysayan ng mga taong ginawang busabos sa sariling
bayan ng mga dayuhan sa pakikipagsabwatan ng mga local na mapagsamantalang uri.
Ang SANGKATIMAWAAN ay ang SAMBAYANANG PILIPINO – ang TAUMBAYANG
pinagsasamantalahan na madalas ding tinatawag na ANAKPAWIS, BAYAN, MASA at
minsang tinawag pa ngang HARING BAYAN ni Andres Bonifacio.
Sa
pagbabago ng wika, ito ay maaring magpalit ng anyo (alterations of the old
material of language) o kaya’y pagbabago ng salita pero pareho pa rin ang
kahulugan. Dalawang klase ang nakapaloob dito sa huli. Una, maaring nagbago ang
pagbigkas (Utterd form) at ikalawa, maaaring nagbago ang nilalaman (content) o
pagpapakahulugan (signification). Ang dalawang ito’y maaaring umiiral nang
hiwalay (independently) o sabay (in conjunction). (Nerlich, Whitney. P.112) Sa
salitang timawa makikitang nananatili pa rin ang salita ngunit nagbago ang
kahulugan o mas napatingkad ang bagong kahulugan (dukha). Ito ay nagkaroon ng
dalawang kahulugan ang Malaya, na nakapaloob sa kasaysayan at ang kasalukuyang
namamayani sa nakararami, ang dukha.
Sa
pag-aaral sa konsepto ng salitang timawa sadyang makikita ang pagbabagong
naganap mula sa orihinal na kahulugan
hanggang sa transisyon nito sa kasalukuyan. Unti-unti nang namamatay ang timawa
na ang ibig sabihin ay Malaya/kalyaan, samantala mas kilala na ang timawa sa
kasulukuyan bilang dukha, walang modo at busabos. Mapapatunayan na ang wika ay
dinamiko, ito ay nagbabago depende sa paggamit ng tao. Sa lipunang Pilipino,
maipahihiwatig na ang wika ay maaaring mamatay at tuluyang mawala ang salita o
kaya’y mananatili ang isang salita ngunit mababago ang ibig sabihin nito.
Sa
tanong na, “‘timawa’ ka ba dahil ikaw ay
sabik sa pagkain at nanggaling sa mahirap na pamilya o ‘timawa’ ka dahil nais
mo lang ng katimawaan?” maaari mo ng sagutin ang mga ito dahil alam mo na
kung ano ang ibig sabihin ng ‘timawa’ sa kasaysayan at kung ano ang kahulugan
nito sa kasalukuyan.
Sources:
·
(Carpio et al., Komunikasyon Sa Akademikong Filipino.
2012)
·
Gabriel, Nancy Kimuell. TIMAWA:
Kahulugan, Kasaysayan at Kabuluhan sa Lipunang Pilipino. Abstrak. Abril, 2001
·
April M.S Memahon, Understanding
Language Change (Great Britain: Cambridge University Press, 1995). Unang
limbag: 1994, pah. 8.
·
Nerlich, Whitney. P.112
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento