Apokalips


Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

Gunita: Senyales ng Paghahanda



‘Ondoy’ sa Luzon, ika-26 ng Setyembre taong 2009…
‘Sendong’ sa Mindanao, ika-16 ng Disyembre taong 2011…
‘Yolanda’ sa Visayas, ika-8 ng Nobyembre taong 2013…

Sino ba naman ang hindi makalilimot sa petsa at pangalan ng mga bagyong ito. Marahil, marami sa atin ay naranasan, nasaksihan at naapektuhan ng mga bagyong ito. Iilan lamang ang mga ito sa naging parte ng kasaysayan dahil sa hindi malilimutang mga karanasan at bangungot ng nakaraan, na iniwang marka nito sa bawat Pilipino. Sa Pilipinas hindi maikakailang dahil sa lokasyon natin, lapitin na talaga tayo sa iba’t ibang uri ng kalamidad. At taun-taon ay patuloy na mararanasan ng bansa ang malalakas na bagyo na magdudulot ng pinsala na tulad na lamang ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, paglindol, pagkakaroon ng tsunami at malalakas na ulan.

Ondoy. Sino ba naman ang hindi makalilimot sa bagyong nagpayanig sa buong Metro Manila. Nangyari ito noong ika-26 ng Setyembre taong 2009, kung saan walang kaide-ideya ang mga mamamayan ng Luzon, partikular na sa kamaynilaan, na hahagupit pala sa kanila ang bagyong itinuturing ngayon na isa sa pinakagrabedad na tumama sa bansa. Sinasabing ito ay tatlong araw lamang na walang hinto halos ang ulan, pagbugso-bugso lang, at hindi rin sobrang lakas. Hanggang sa unti-unti nang tumaas ang lebel ng tubig at kinailangan na ng PAG ASA magdeklara ng paglikas sa mga karatig na lugar na babahain. Nagdulot ito nang labis na pinsala sa mga kababayang Pilipino kung saan marami ang nasaktan, namatay, nawalang ng tirahan, nasira ang mga kabuhayan at dumaan sa matinding paghihirap. Base sa datos na aking nakalap mahigit 21,000 ektarya ng lupa sa Metro Manila ang lumubog sa baha noong mga araw na iyon. Kung saan ay umabot hanggang 20 talampakan o mahigit pa ang lalim ng tubig-baha sa maraming lugar sa Kamaynilaan. (Estrada, 2010)

Sendong. Ito naman ang gumising habang mahimbing na natutulog ang mga mamamayan sa Hilagang Mindanao partikular na sa Cagayan de Oro at Iligan City. Naganap ito noong gabi ng ika-16 ng Disyembre taong 2011, tumama sa kanila ang hagupit ng bagyong mala-tsunami. Sinasabing ang bayang ito sa Mindanao ay walang mag-aakalang babaha ito sapagkat bihira lamang ito ulanin at tamaan ng matinding bagyo. Kumitil ng maraming buhay ang bagyong Sendong na humigit 1,000 katao ang nasawi at libo pang bangkay ang naanod ng baha at hindi na muling nakita pa. Nag-iwan ng malaking pinsala sa bayan ng Hilagang Mindanao ang bagyong Sendong na kung saan isinasaad na pinagsamang lakas at bilis ng bagyong Ondoy at Milenyo ito. Dinaig din nito ang bilang ng mga napinsala ng Ondoy na mahigit 747 naitalang namatay samantala ang Sendong naman ay may mahigit 1,000. (Calinao, 2010)

‘Yolanda’. Ito naman ang pinakasariwang alaala na gusto nang kalimutan at burahin sa isipan ng nakararami lalong-lalo na ng mga kabisayaan. Naburang komunidad at mga nakahilerang patay sa daan, ganito mailalarawan ang Visayas partikular na sa Tacloban, Tanauan, Ormoc, Dulag at Palo. Nanalasa ang bagyo noong ika-8 ng Nobyembre taong 2013, na naitalang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa. Disyembre 5 noong mga panahon na iyon, nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 5,670 na bilang ng mga namatay, nasa 1,761 ang nawawala at 26,233 naman ang nasaktan. Umabot sa P 34.3 bilyon ang halaga nang nasira at tumaas pa ito. Sa laki ng napinsalang ari-arian ni Yolanda, maraming ang bansa tumulong sa Pilipinas. (Pasion, 2013)

Kaugnay ng mga pangyayaring ito, patunay ito na nararapat talagang maging handa ang bawat mamamayan sa atin. Hindi lang ang mamamayan kundi pati na rin ang gobyerno at kawani nito. Nang sa gayon ay hindi na muling masundan pa ang mga kalamidad na tatama sa bansa natin. Sa kasalukuyan, may mga paghahanda nang ginagawa ang mga kawani upang hindi na muling maulit pa ang trahedya sa bansa dulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang mga kalamidad sa bansa.

Bagyo.


Public Storm Warning Signal (PSWS). Ang PSWS ay mga babalang ipinalalabas ng PAGASA upang malaman kung gaano kalakas ang paparating na bagyo, saan ang lokasyon nito sa oras na inilabas ang PSWS, saan ang tinatayang dadaanan nito, at ano ang mga paghahandang dapat o maaari pang maisagawa ng mga komunidad na maaapektuhan ng pagdaan ng bagyo.

PSW Signal Number 1 – hanging may lakas mula 30-60 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 36 oras.

PSW Signal Number 2 – hanging may lakas mula 61-100 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 24 oras.

PSW Signal Number 3 – hanging may lakas mula 100-185 kph. Maaasahan ang pagdating sa loob ng 18 oras.

PSW Signal Number 4 – napakalakas na hanging hihigit sa 185 kph at maaasahan sa loob ng 12 oras.

Mga dapat gawin BAGO dumating ang bagyo
Ihanda ang radyo, flashlight at ekstrang baterya;
Maghanda ng pang-emergency na pagkaing hindi agad nasisira (katulad ng de-lata at biskwit), lalagyan ng tubig, first-aid kit o gamit at gamot na pang-unang lunas, at mga plastik na supot;
Tiyaking mabuti na makakayanan ng bubong at mga bintana ng bahay ang malakas na ihip ng hangin (para sa mga kabahayan sa maralitang komunidad, tiyakin din na kakayanin ng haligi at dingding ang lakas ng hangin sa pamamagitan ng pagtatali at/o pagpapako ng maayos sa mga ito); at
Putulin ang mga mahahabang sanga ng mga punongkahoy na malapit sa bahay.

Mga dapat gawin HABANG may bagyo
Ugaliing makinig sa radyo o manood ng TV para sa regular na anunsyo o babala tungkol sa kalagayan ng bagyong paparating o kaya naman ay makibalita sa mga kapitbahay;
Siguraduhing may mga gamit pang-emergency na nakalagay sa lalagyang hindi nababasa;
Punuin ang lalagyan ng tubig, ilagay sa plastik na supot ang mga ekstrang damit, mga delata, kandila, posporo, baterya, at iba pang mahahalagang gamit;
Mag-ingat sa mata ng bagyo. Ito ang biglang pagtigil ng hangin at ulan at kalmado ang paligid sa isang lugar. Hudyat ito na pagkaraan ng halos 2 oras ay babalik ang mas malakas na hangin at ulan;
Manatili sa loob ng bahay hanggang matapos ang bagyo; at
Kung kinakailangang lumikas, tiyaking nakapatay ang kuryente ng bahay, nakasara ang tangke ng gas, at nakasusi ang pinto. Huwag kalimutan ang mga gamit pang-emergency.


Baha.

Mga dapat gawin BAGO ang pagbaha
Alamin ang warning system at signal sa inyong barangay o munisipyo.
Obserbahan ang sitwasyon ng lugar at makinig sa ulat ng panahon mula sa PAGASA.
Pakinggan ang opisyal na warning signal na ibibigay ng kagawad na sumasakop sa sona.
Ihanda ang mga pangunahing kakailanganin sa paglikas tulad ng damit, kumot, pagkain, maiinom na tubig, gamot, posporo, kandila, flashlight, radyong de-baterya, banig, at iba pa. Maiging nakabalot ang mga ito sa plastik.
Itago o ilagay sa plastik ang mga mahahalagang dokumento at papeles.
Mag-imbak na ng malinis na inuming tubig.
Siguraduhin na magkakasama ang lahat ng miyembro ng pamilya at ihanda ang bawat isa sa anumang mangyayari.
Alamin ang pinakamalapit na evacuation center at ang pinakamalapit na daan patungo rito.
Maghintay sa warning signal na ibibigay ng kagawad tungkol sa paghahanda sa paglikas at sa mismong paglikas.
Makipag-ugnayan sa nakatalagang kagawad kung nais nang lumikas patungo sa kamag-anak sa ibang barangay upang maitala.
Ang Barangay Disaster Coordinating Council (BDCC) ay dapat maghanda ng kanilang gamit tulad ng malalaking flashlight, radyong de-baterya, warning device (megaphone, pito, kalembang), mga matitibay na lubid, first aid kit, sasakyang may sapat na gasolina para sa mabilis na paglikas at pakikipag-ugnayan, mga gamit pang-komunikasyon tulad ng cellphone, mga kagamitan tulad ng martilyo, liyabe, wrench, pala, at iba pa.
Kung sa pagtantya ay magtutuluy-tuloy pa ang pagtaas ng tubig ay lumikas na bago pa masira ang mga daan at mga tulay.
Ilipat na ang mga alagang hayop sa mataas na lugar.
Bago lumikas, patayin muna ang kuryente at ikandadong mabuti ang bahay.

Mga dapat gawin HABANG may baha
Iwasan ang mga lugar na may tubig-baha lalo na kung hindi nakasisiguro sa lalim nito. Huwag lumusong o tumawid sa mga tubig na hindi alam ang lalim, gaya ng ilog o sapa.
Kung may dalang sasakyan at inabot ng baha, huwag piliting tawirin ang baha laluna kung malakas ang agos nito at hindi matantya ang lalim.
Huwag payagang maglaro ang mga bata sa baha. Huwag languyan o tawirin ng bangka ang mga binahang ilog.
Siguraduhing lutung-luto ang mga pagkain at iwasang marumihan ang mga tirang pagkain.
Pakuluan ang tubig bago ito inumin.



Mga dapat gawin PAGHUPA ng baha
Gumamit ng flashlight kapag muling papasukin ang binahang bahay.
Maging alerto sa mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog.
Tiyaking malinis at hindi narumihan ng tubig-baha ang mga pagkain at inumin. Lutuin muna ng mabuti o pakuluan ito bago kainin o inumin.
Iulat sa mga kinauukulan ang mga nasirang pasilidad gaya ng poste at kawad ng kuryente, tubo ng tubig, at iba pa.
Siguraduhing nasiyasat ng mabuti ng isang marunong sa kuryente ang switch ng kuryenteng nabasa at lahat ng gamit na de-kuryente bago gamiting muli ang mga ito.


(Ang mga impormasyon na nakalap dito ay mula sa pananaliksik na ginawa ng Corporate Network for Disaster Response (CNDR) upang maintindihan ng mamamayan, lalo na ng maralitang sektor, ang pinagmumulan ng sakuna at paano makakapaghanda bago at matapos mangyari ang mga ito.)


Importante!


Alamin ang Emergency Hotline Numbers During Disaster sa Pilipinas.


Source: Adapted from CNDR and CARE "Community-Based Disaster Risk Management". Pagsasanay sa Disaster Preparedness at Contingency Planning: ACCORD Project 2007. http://www.cdp.org.ph/pubs/pdpcp-accord.pdf


ONDOY. SENDONG. YOLANDA.

Tatlong bagyo na minsan nang sumubok sa katatagan ng bawat Pilipino. Marahil sa paggunita ng mga pangyayaring ito, hindi isa o dalawa ang lumalabas na bayani sa mga panahong ito kundi marami. Halos lahat ng Pilipino ay pwedeng maging bayani dahil dito nakikita ang pagtutulungan ng bawat isa. Masakit man maalala ang bawat detalye ng pangyayaring humagupit, pumatay, bumangungot, nagpahirap at lumunod sa maraming Pilipino nararapat pa rin gunitain ang pangyayaring tumatak sa pagiging matatag ng bawat isa sa atin. Sana’y huli na ang Yolanda. Sana’y hindi na muling masundan pa. Sana’y mas lalo pa tayong maging handa nang sa gayon ay wala nang mapinsala at wala nang masawi pa.


References:


Estrada, Loi E. (September 25, 2010). “Unang Taon ng bagyong ‘Ondoy”. Retrieved from: http://www.philstar.com/opinyon/614677/unang-taon-ng-bagyong-ondoy

Sto.Domingo, Noel. (July 24, 2014). “Bagyo, baha, landslide at iba pa: mga dapat gawin bago at matapos mangyari”. Retrieved from: http://www.alagad.com.ph/special-cross-sectoral-concerns/78-prepare-a-plan-for-disaster-preparedness/333-bagyo-baha-landslide-atbp-mga-dapat-gawin-bago-at-matapos-mangyari.html


Pasion, Pher. (December 5, 2013). “Bagyong Yolanda: Ang mga iniwang Bakas”. Retrieved from: http://pinoyweekly.org/new/2013/12/bagyong-yolanda-ang-mga-iniwang-bakas/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento