“Ang
ganda at ang laki ng bahay niya,” ito ang wika ni Kaloy sa kaibigang si Andrew
habang patuloy nilang pinipindot ang doorbell at naghihintay ng taong magbubukas
ng gate. Binuksan ito ng isang kasambahay at tinanong kung ano ang kanilang
pakay.
Kinumpirma
nila kung doon nga ba nakatira si Ms. Concepcion. At kaagad naman silang pinagbuksan
at pinapasok nito, na para bang kilala na sila. Pagpasok sa loob makikinitang
mamahalin ang mga kagamitan, halatang mayaman ang may ari. Natahimik ang dalawa
habang papaupo dahil naisip nilang aalingawngaw ang kanilang mga boses kung
sakaling sila ay mag-uusap. Sila lamang ang natira sa sala. Marahil siguro’y
tinawag na ng kasambahay si Ms. Concepcion. Nagmasid at tumingin-tingin muna ang
dalawa sa paligid.
Habang
naghihintay, biglang napatayo si Kaloy mula sa kinauupuan. Nahagip ng kanyang mga
mata ang nakasabit sa ding-ding ng pasilyo ng bahay. Agad niya itong nilapitan
at tumayo sa harapan ng larawan. Bakas sa mukha nito ang ligaya nang makitang
muli ang obra na kanyang matagal nang hindi nakikita. Tinitigan niya itong muli, ang likhang-sining
na may larawan ng isang babae. Bumalik ang mga alaala sa kanyang gunita. Hinimas
niya ang bawat detalye at yari ng kuwadro, sabay na ibinulong sa sarili, “Elsa…”
Si
Kaloy ay isang magaling at sikat na pintor hindi lamang sa Pilipinas kundi
maging sa ibang bansa. Naibibili ang kanyang mga mahuhusay na gawa kapag ito ay
sinusubasta, dahilan kung bakit siya nakilala sa buong mundo. Namana ni Kaloy
ang husay at galing sa larangan ng pagpipinta sa kanyang tatay. Bata pa lamang,
pinapanuod na niya itong gumawa ng iba’t ibang likhang sining. Kumpleto sa kagamitan
at materyales ang pamilya nila pagdating sa larangan ng pagpipinta, kung kaya’t
walang duda na nahilig rin siya dito. Subalit noong panahon ng tatay ni Kaloy,
hindi ito nakatapos ng kolehiyo, isa lamang siyang hayskul gradweyt dahilan
para hindi makilala ang mga nililikha niya. Busog man sa imahinasyon at kaalaman
pagdating sa pagpipinta ang kanyang tatay, ngunit kulang ito sa mga parangal,
sertipiko at lalong lalo na sa pinansiyal para makilala ang mga obrang kanyang
nililikha. Dahil sa kuwento ng tatay ni Kaloy bago pa ito pumanaw, sinikap niya
na paunlarin ang kanyang galing sa pagpipinta. Siya ay nagpursiging makatapos
sa pag-aaral at tinupad ang pangarap ng kanyang tatay, na kinalauna’y minahal
niya rin. Hindi naabutan ng tatay ni Kaloy ang mga tagumpay na kanyang narating.
Kaya, para maging bahagi ng tagumpay niya ang ama, hinalo na lamang nito ang ibang
mga gawang obra maestra ng tatay niya sa kanyang mga gawa.
Sinitsitan
ni Andrew si Kaloy dahil naririnig na nito ang yabag ng mga paa na nagmumula sa
itaas. Agad-agad naman si Kaloy bumalik mula sa kanina nitong kinauupuan. Nang
biglang makarinig sila nang yapak na bumababa sa unang hakbang ng hagdanan; sabay
silang lumingon at tumayo para salubungin nang bati si Ms. Concepcion. Paglingon
ni Kaloy sa itaas, napatitig siya at nagulat nang makita si Ms. Concepcion.
Nanumbalik
ang alaala ni Kaloy sa tinakasan niyang nakaraan. Gumunita sa kanyang isipan ang bawat sandali
na kasama ang kaisa isang babaing minahal niya ng lubos. Kaisa-isang babaeng
nagpatibok sa puso niyang pihikan. Sa dami ng kanyang ginagawa, hindi na
nagawang humanap ni Kaloy ng babaeng mamahalin. Siguro’y wala rin lang talaga
siyang mapusuan o kaya naman ay dahil sa trabaho niya at pagpupursiging
magkaroon ng magandang buhay. Katuwiran niya sa tuwing tinutukso siya ng
kanyang mga barkada, ay darating din sa tamang panahon ang tamang babae na para
sa sa kanya, sabay tawa.
Isang
gabi habang nagpapahinga si Kaloy sa kanyang estudyo, kung saan nakalagay ang
mga likhang-sining niya, dahil tapos na siya sa kanyang mga ipinipinta.
Napaisip siya na subukan ang sinabing biro ni Andrew sa kanya. Gamit ang
imahinasyon at galing sa pagdodrowing, subukan raw niyang lumikha ng isang
babaing nagugustohan o natitipuhan niya.
Sinimulan
niyang iginuhit ang maliit pero medyo pahabang hugis na mukha. Pagkatapos, sinundan
ito ng bilugang mga mata at manipis na kilay, medyo may kalaparan ang noo.
Kinortehan niya ang mahabang pilik-mata at dinagdagan ng kaunting tangos ang
kanina’y pangong ilong; hindi ito maiintindihan kung ito ba’y pango o matangos.
Sinundan niya ito ng labing manipis, kulay rosas. Hindi labas ang ngipin ng
babae ngunit nakangiti ang mga labi na parang kinikilig. Nakatumbok ang
malamang pisngi, pulang-pula ito kahit walang kolorete sa mukha. Sabayan pa ito
nang nanunuyo at nang-aakit na biloy. Malalaki ang tainga pero bumagay naman sa
mahabang buhok na abot hanggang siko nito. Nakahubad. Tanging ang buhok lang
ang nagsisilbing takip sa suso nito.
Nang
matapos, napatitig siya sa kanyang naipinta; natulala at walang nasabi. Buong
gabi niya itong tinitigan, hinihiling na sana’y makatagpo ng isang babaeng
tulad nang naipinta niya. Hanggang siya’y makatulog nang hindi namamalayan.
Sa
isang kainan, sa sobrang dami ng tao, may babaeng lumapit kay Kaloy at
nagtanong kung maaring “maki-share” sa upuan niya dahil ang bakanteng upuan na lamang ay sa tapat nang inuupuan niya. Nagulat siya
pagkatingin sa babae. Napatulala si Kaloy nang mapagtantong kamukhang-kamukha
ng babaeng nagtatanong ang ipininta niyang larawan. Nagtaka siya kung bakit
nabuhay ang babaeng binuo ng imahinasyon niya. Agad siyang pumayag at tinitigan
ang babae, hindi siya makapaniwala. Tinanong niya kung ano’ng pangalan nito.
“Elsa.”
Inulit
ni Kaloy ang pangalan at tumango. Nagpasulyap-sulyap siya sa babaeng
nagngangalang Elsa. Habang nagnanakaw ng tingin, bigla siyang nagising mula sa
mahimbing na pagkakatulog. Panaginip, panaginip lang pala iyon. Akala niya ay
naging totoo na ang babae sa larawan. Akala ni Kaloy nakita na niya ang babaeng
susuyuin at mamahalin. Hindi pa pala, hindi pa pala nabubuhay ang babaeng pakakasalan
niya. Natawa si Kaloy habang umiiling at bumangon mula sa hinihigaan. Nagulat
siya nang malaman na nakatulog pala siya sa estudyo. Tumingin siya sa paligid… sa
painting. Napag-isipan ni Kaloy na “Elsa” ang ititulo sa larawan, dahil sa pangalang
ibinigay ng babae sa panaginip niya. Kaya ito na rin ang ipapangalan niya.
Dumaan
ang mga araw na palaging napapanaginipan ni Kaloy si Elsa. Hindi niya
maintindihan pero parang unti-unti na itong napapamahal sa kanya ng lubusan.
Halos hinahanap-hanap na niya na ito. Ang mukhang nagtatago sa ilusyon, sa
imahinasyon niya. Dumalas ang pagiging masayahin ni Kaloy dahil kay Elsa. Ang problema
lang, ito na lamang ang lagi niyang kinakausap.
Lumipas
ang isang buwan, sinubukang lumikha ulit ni Kaloy ng ibang obra upang mabaling
na sa ibang bagay ang kanyang atensyon bago pa ito lumala. Ngunit hindi, hindi
nangyari iyon. Inihagis ni Kaloy ang mga paint brush… ang kuwadro… mga lapis…
mga pintura… ang lahat ng mga materyales na nasa paligid niya habang umiiyak.
Umupo muna siya na para bang pagod. Pagod sa paghahanap nang paraan para
makalimot. Hindi na siya muling makalikha ng mga painting, ang huli na niya ay
si Elsa. Pakiramdam niya ay hindi na maganda ang nililikha niya. Wala nang
tumutumbas sa gandang nakikita niya sa larawan ni Elsa. Grabedad ang pagmamahal
niya dito, na handa siyang ipagpalit ang kasikatan para makasama ang kaisa-isang
si Elsa.
Lumipas
na naman ang isang buwan at mas naging malala pa si Kaloy. Dumalas ang pag-inom niya ng alak na dati’y
hindi naman siya ganoon. Ang malala pa rito ay gumamit na rin siya ng droga. Marahil
ito lamang ang paraan na naiisip niyang gawin upang makalimot. Makalimot sa
ilusyon, sa imahinasyon, sa sarili niyang nilikha na siya mismo ang gumawa at
sa imaheng nabuo ngunit puno ng kasinungalingan.
Halos
kalahating taon napariwara at nahinto ang kasikatan ni Kaloy; ang paggawa niya
ng mga paintings. Dahilan ito para mag-alala ang pamilya at mga kaibigan niya.
Kung kaya’t isang araw ay nagtipon-tipon ang mga ito upang pag-usapan ang
nanagyayari kay Kaloy at kung ano ang maaaring dapat gawin sa kanya. Nais na
nilang wakasan ang labis na pagkahumaling at kabaliwan ni Kaloy sa kanyang obra
maestra. Napagdesisyunan nilang ipadala ito sa ibang bansa upang sa gayon ay
ma-auction at mabili na at nang hindi na niya ito makita.
Ginawa
nila ito nang walang pahintulot ni Kaloy. Marahil mali man na nakawin at ibenta
ang pagmamay-ari ng iba, ngunit ito lamang ang tanging paraan para umayos muli
ang buhay ng itinuring nilang batikan at kilalang pintor. Isa lamang ito sa mga
naiisip nilang paraan upang matulungan nila si Kaloy at makapagsimulang muli.
Minahal
ni Kaloy ang kanyang sarili, ang kanyang nilikha, ang kanyang imahinasyon, ang
sarili niyang ilusyon. Masakit mang tanggapin na dahil sa malikot at malawak
niyang pag-iisip, ang nagpasimulang magpasikat at magparangya sa buhay niya, ay
siya ring tatapos at wawakas sa karera niya bilang magiting na pintor.
“Ah,
e, Ms. Concepcion, ito po si Kaloy, si Mark Carlos “Kaloy” Santiago Luna, ang
lumikha ng obra maestrang, “Elsa”.” ito ang pagpapakilala ni Andrew sa
kaibigang si Kaloy.
“Ano
ka ba, Elisa na lang ang itawag niyo sa’kin. Masyado namang pormal kung
Ms.Concepcion ‘di ba?” pakiusap ni Ms. Concepcion.
Lalong
nagulantang si Kaloy nang mapag-alamang Elisa ang pangalan ni Ms. Concepcion,
halos katunog din ng Elsa. Nagkamayan ang dalawa at umupo, habang si Kaloy ay
nakatulala pa rin sa mukha ni Elisa. Kamukhang-kamukha ni Elisa si Elsa, hindi maitatangging
para silang kambal, para silang magkapatid. Hindi makapaniwala si Kaloy sa
kanyang nakita at lalo na nang makilala si Elisa.
“Totoo
si Elsa,” bulong ni Kaloy. “este Elisa pala…” sabay bawi nito.
Nagtawanan
ang tatlo at sinundan naman kaagad ito ng biro ni Elisa, “Totoo naman talaga
ako e…”
Tinawag
ni Elisa ang kasambahay upang magpakuha ng meryenda para kina Kaloy at Andrew.
At dito na rin isinalaysay ng dalawa kay Elisa kung ano ang kasaysayan ng obra
maestra, kung bakit ibinenta ang kaisa-isang painting na ayaw ipasubasta ni
Kaloy.
Samantala,
isinaad naman ni Elisa Concepcion kung bakit niya ibinili sa halagang $36.5
million ang obra maestrang gawa ni Kaloy. Sinabi niyang dahil sa pagkagulat
nang mapagtantong kamukha niya ang nasa painting, na marami rin daw ang
nakapagsabi na kamukhang-kamukha niya nga ang nasa larawan, dahilan para hindi
niya na palagpasing bilhin iyon. Matagal na rin siya sa ganoong gawain, ang
pagbili ng mga mga likhang-sining, dahil mahilig siya sa mga paintings. Dagdag
pa rito ang pagkatuwa niya nang malaman na kapwa niya Pinoy ang may likha ng
obra.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento