Apokalips


Huwebes, Nobyembre 06, 2014

‘Yvonne’

Habang nakatingin sa kalangitan,
may isang ibon na sa akin ay lumapit:
Siya ay maporma, makulay, at sadya’ng kaakit-akit.

Kinausap niya ako kahit hindi kilala, sinagot ko siya kahit na may halong pagtataka.
Pumatak ang bawat segundo at minuto: kami ay nagkakilanlan, nagkasundo.
Lumabis ang aming tawanan, kulitan, kuwentuhan at tuksuhan,
hanggang sa maging komportable ang kilos sa isa’t isa: naging magkaibigan.

Iba ang nararamdaman ko sa kanya, sapagkat iba ang bato ng bawat ngiti at mga salita niya.
Nakikinita ko na parehas kaming may pagtingin, na higit sa pagkakaibigan lang ang nais namin.

Dahil sa paglalim nang pag-uusap namin, isiniwalat ko ang intensyon na gusto ko siya.
Tinanong ko kung ayos lang ba na ako ang mag-alaga sa kanya,
sabay pinangakuan na bibigyan ko siya ng maraming pagkain at magarang kulungan.

Siya ay tumahimik, tumingin sa kawalan - sa paligid, marahil siguro’y nag-iisip.
Nagulat ako dahil hindi na siya kumibo at tuluyan nang walang imik.
Ang kaninang matanong at maingay na huni,
ngayon ay pinalitan na ng basag na katahimikan at tikom na tuka.

Walang pasabi bigla siyang bumwelo, ibinuka ang mga pakpak,
sinubaybayan ko ang kanyang paglayo,
Alam kong maling ikaw ay ibigin, O, patawad kaibigan, patawad!
Huwag kana sanang bumalik at dumapo pa sa puso ko, ibong iiwan lang pala ako ng ganoon kadali: may pighati.
Paalam Yvonne, paalam! paalam aking kaibigan hanggang sa muli…

at simula noon hindi na siya nakita pa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento