Lunes - April 21 / 6:48 p.m.
Pagkababa
ng jeep galing sa eskwela, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng
masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang
papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip. Sinusubukang alalahanin ang
mga gawain para bukas.
Pagkarating
sa itaas ng tulay, makikita ang dami ng tindang nakalatag sa Litex; may mga CD
na apatnapung piso ang halaga, may mga nagtitinda ng case at sticker ng cellphone,
may nagtitinda ng librong pambata, may mga ukay-ukay na sapatos, at may
nag-aalok ng mga murang cellphone (mura dahil galing nakaw o ‘di kaya’y gawa sa
Tsina). Inaaliw ang mga mata na baka sakaling may magustuhan o may mabili. Sa
bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan ay natanaw ko ang isang matandang
nanlilimos. Tinawag nito ang aking atensyon dahil inaawit niya ang theme song
namin ni Joey, “Sana’y di
magmaliw ang pagtingin, kaydaling sabihin kayhirap gawin…Sa mundong walang
katiyakan, sabay natin gawing kahapon ang bukas.” dahil
dito, sa kanya lang nakatuon ang aking pansin hanggang sa ako ay lumiko sa
kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki
na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at
itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa
unahan na “Who Really Controls the
World?”at tuluyan ko nang naalala si Joey. Naalala ko ang relasyon naming
kinontrol ng magulang niya. Kinailangan naming maghiwalay kasi hindi ako
tanggap ng pamilya niya. Wala raw katiyakan ang relasyon na namamagitan sa’ming
dalawa. Kaya hangga’t maaari, mas mabuti pang maghiwalay na lang daw kami. Hindi
tulad ng lugar na ito, ang pagmamahalan namin ni Joey ay walang tulay na
namagitan para makatawid sa pagsubok. Tulay na makapagbibigay konekta sana sa
aming dalawa para matawid sa posibilidad na kamatayan ng aming mga puso. Naisip
kong sana’y gumawa ako ng tulay noon pa, isang tulay na patuloy na magdudugtong
sa relasyon naming dalawa. Kaso wala na. Huli na.
Sa
kanto, kinalabit ako ng aking kaibigan noong hayskul, si Elsa. Halos isang taon
ko na ring hindi siya nakikita; nagbesohan kami at nagkuwentuhan habang
naglalakad. “Huy! Alam mo ba na buntis na ‘yung girlfriend ng ex-boyfriend mong
si Joey, kaya balak na nilang magpapakasal sa July. Kaso hindi pa alam kung
anong eksaktong petsa.” Ito ang bungad na balita sa akin ni Elsa. Naputol na
ang usapan namin dahil ako ay papaliko na sa kanan at siya naman ay padiretso.
Hindi
ko alam ang mararamdaman ko dahil sa balita ni Elsa. Isang taon na rin ang
nakalipas simula nang maghiwalay kami ni Joey. Mahal ko pa rin si Joey. Kaya
hanggang sa ngayon, inaasahan ko pa rin na magkabalikan kami. Ngunit alam kong malabo
nang mangyari ‘yun dahil ikakasal na siya.
Pagpasok
ng kwarto ay agad-agad akong nagpalit ng damit at binuksan ang kompyuter para tignan
ang Facebook ni Joey. Hindi ko makita ang timeline niya dahil hindi na kami
friend. Naalala kong inalis ko na pala siya sa friend list ko simula nang
maghiwalay kami, ginawa ko ito noon dahil nagbakasakali akong sa ganitong
paraan malimutan ko siya. Nagbakasakaling mas mabilis akong makakapagmove-on.
Martes
– May 6 / 6:15 p.m.
Pagkababa
ng jeep galing sa eskwela, makikita na naman ang iba’t-ibang tao; may
naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang
papaakyat sa footbridge nakasabay ko si Joey. Hindi ko alam ang magiging
reaksyon ko pero inihanda ko na ang sarili. Nagkumustahan at nagkakuwentuhan
kami habang naglalakad. Medyo nakahihiya man pero bahala na, bigla niyang iniabot
sa akin ang invitation card para sa kasal niya. Habang iniaabot ni Joey ang invitation
card, sabay kaming napalingon sa matandang nanlilimos habang siya’y kumakanta
ng “Nanghihinayang, Nanghihinayang ang puso ko. Sa piling ko'y lumuha ka
lang, nasaktan lamang kita. Hindi na sana, hindi na sana iniwan pa. Iniwan kang
nag-iisa at nagdurusa…ako sana'y patawarin na” dahil dito, sa
kanya lang nakatuon ang pansin naming dalawa, hanggang sa kami ay lumiko na sa
kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa amin ang isang lalaki
na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at
itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa
unahan na “How Do You View the Future?”
bigla akong napangiti sa nabasa subalit hindi ipinahalata kay Joey. Dahil baka
kung ano pang isipin niya. Sinabi sa akin ni Joey na hindi niya ako maka-usap
sa Facebook dahil hindi kami friends at sabay pabirong sinabi, “accept mo na
kasi ‘yung friend request ko!” pagdating sa kanto, naputol na ang usapan namin
dahil ako ay papaliko na sa kanan at siya naman ay padiretso.
Hindi
ko alam ang mararamdaman ko dahil nagkita kami ni Joey. Naisip kong kailangan makapunta
ako sa kasal niya. Magkaibigan kami pero para sa akin, may nararamdaman pa rin
ako sa kanya. Gusto kong pumunta para lang maipakita sa mga kabigan namin, sa
kanya, at sa pamilya niya, na ayos na ako matapos ang isang taon. Isang taon
matapos kaming maghiwalay. Gusto kong ipakita na ayos lang ako, na tanggap kong
magkaibigan na lang kami. Kahit ang totoo sa likod ng damdamin ko’y hindi.
Pagpasok
ng kwarto, agad-agad na nagpalit ng
damit at binuksan ang kompyuter
para i-accept si Joey sa Facebook. Tinignan ko ang mga litrato niya kasama ang
babaeng pakakasalan niya. Masakit man makita, masakit man tanggapin, pero
kailangan ko na ring maunawaang hindi na kami magkakabalikan pang muli
Nag-isip
ako ng ideya kung paano magkakaroon ng boyfriend, bago sumapit ang kasal ni
Joey. Sa tingin ko, ito lang ang paraan para maipakita ko na okay na ako. Na
nakapag-move on na ako. Na tanggap ko na.
Miyerkules – June 4 / 4:43 p.m.
Pagkababa
ng jeep galing sa Quezon City, Circle, makikita pa rin ang iba’t-ibang tao; may
naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang
papaakyat sa footbridge ako ay masaya. Inaalala ang mga masasayang kaganapan kanina kasama si Angelo.
Pagkarating
sa itaas ng tulay ng Litex, ganu’n pa rin ang dami nang makikitang tinda na
nakalatag; may mga nagtitinda ng case at sticker ng cellphone, may nagtitinda
ng librong pambata, may mga ukay-ukay na sapatos, may nag-aalok ng mga
cellphone at may mga CD na tulad nang “Friends with Benefits” na apatnapung
piso ang halaga. Bigla akong napaisip sa ginagawa ko kay Angelo. Nililigawan
niya ako at sumasama akong lumabas kami para lang matuloy ko ang binabalak na
isama siya sa darating na kasal ni Joey. Hindi niya alam na wala siyang pag-asa
sa’kin. Hindi niya alam na ginagamit ko lang siya. Hindi niya alam na wala
talaga akong nararamdaman para sa kanya. Hindi niya alam na pinapakinabangan ko
lang siya. Basta ang importante, kahit papaano masaya na ako kasi siguradong
may maihaharap na ako sa mga kaibigan ko. Inaliw ang mga mata na baka sakaling
may magustuhan o may mabili. Sa bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan,
napansin kong wala ang matandang laging kumukuha ng atensyon ko. Habang
bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki na nakapolong puti na
mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos.
Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan na “What Is the Key to a Happy Life?”
basta para sa aking masaya akong may maihaharap na ako sa kasal ni Joey. Hindi
na ako mapapahiya. Iisipin nilang ayos na ako.
Sa
kanto, kinalabit ako ng kaibigan kong si Mona. Siya ang nagpakilala sa akin kay
Angelo, kaibigan niya ito. Nagbesohan kaming dalawa, nagkuwentuhan at kinamusta
ang tungkol sa amin ng kaibigan niya. Noong una’y akala lang niya ay naghahanap
ako ng kapartner kaya naipakilala niya sa akin si Angelo. Gayupaman bandang
huli ay sinabi ko na rin sa kanya ang
tunay na pakay ko. Sinabi kong makikipag-date lang ako kay Angelo hanggang sa
dumaan ang kasal ni Joey at sa huli’y babastedin ko na rin siya. Kinuwento ko
ang buong dahilan kung bakit ako napunta sa ganu’ng sitwasyon. Subalit mas
nanaig ang awa ni Mona para sa kaibigan niyang si Angelo kaya kinausap niya
ako. Aniya sana ay h’wag kong paasahin si Angelo o kaya nama’y kausapin ko na
lang sa gusto kong mangyari. Naputol na ang usapan namin dahil ako ay papaliko
na sa kanan at siya naman ay papakaliwa.
Hindi
ko alam ang mararamdaman ko dahil sa sinabi ni Mona. Kung kanina ay masaya ako
dahil may maihaharap na ako na boyfriend para sa darating na kasal ni Joey.
Ngayon ay may halong lito at lungkot na; nalilito dahil hindi ko alam ang
gagawin kay Angelo lalo pa’t patuloy na siyang umaasa at lungkot naman dahil
naguluhan na naman ako. Alam kong mali subalit ayokong mag-isip sila ng iba
tungkol sa’kin. Gusto kong ipakita na may mahal na akong iba at hindi na si
Joey. Gusto kong maramdaman nila na masaya na ako sa piling ng iba.
Huwebes – July 10 / 7:28 p.m.
Pagkababa
ng jeep galing sa kasal ni Joey, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay
ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang
papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip at patuloy ang pagluha ng mga
mata. Sinusubukang kalimutan ang mga nangyari kanina.
Pagkarating sa itaas ng
tulay, makikita ang dami ng tindang nakalatag na kasing dami ng tao kanina, na
kasing dami ng kaibigan kong pumunta. Inaliw ang mga matang katatapos lang umiyak,
baka sakaling makalimutan o hindi na muling tumulo pa ang luha. Sa bandang dulo
ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan, natanaw ko ang isang batang babaeng
nanlilimos na marahil anak ng matanda. Tinawag nito ang aking atensyon dahil
inaawit niya ang, “Kung may pagkakataon na mayakap siya at masabi ko na mahal
kita ama, awiting to ay alay ko sa’yo mahal na mahal, mahal kita o aking ama…” dahil
dito muling lumuha ang aking mga mata na bago pa tumulo’y ihahanda na ang panyo
para pamunas ng luha. Nakita ko ang karatula na patay na pala ang matanda na
lolo pala ng bata. Doon lang nakatuon ang aking pansin hanggang sa ako ay
lumiko sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang
isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim
na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may
nakalagay sa unahan na “Where Can We Find
Answers to Life’s Big Questions?” saan ko nga ba malalaman ang tamang sagot
sa bawat tanong, sagot sa bawat gagawin kong
desisyon upang sa gano’n ay hindi na ako muling magkamali pa. Upang
hindi na ako magsisi pa bandang huli.
Habang
naglalakad sa kanto, naisip ko kung paano ako napahiya sa mga kaibigan ko. Una,
dahil hindi sumulpot si Angelo sa usapan namin. Hindi maaaring hindi ako
pumunta dahil nakabihis na ako, wala na akong nagawa. Pumunta na lang ako kahit na sinabi ko kay
Joey at sa mga kaibigan kong dadalhin ko ang boyfriend ko. Pangalawa, nagmukha
akong tanga nang magwalk-out ako sa harapan ng mga kaibigan ko habang
nagki-kiss si Joey at si Emily. Ang problema pa’y umiiyak ako sapagkat hindi ko
na alam ang nadarama ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko napagilan ang
dadamin ko. Marahil siguro’y hindi ko pa talaga maitatagong mahal ko pa rin
Joey hanggang sa ngayon.
Hindi
ko alam ang mararamdaman ko dahil sa mga pangyayari. Hindi ko alam kung
magpapakita pa ako sa mga kaibigan ko o kaya’y kay Joey. Hindi ko talaga
nagustuhan ang mga kaganapan kanina sa kasalan. Ramdam ko pa rin na napahiya
talaga ako. Ramdam ko ang bilis ng karma sa ginawa ko kay Angelo.
Pagpasok
ng kwarto ay agad-agad akong nagpalit ng damit at humiga sa kama. Dito ko na binuhos ang kapighatiang
nadarama ng puso. Mula sa sakit na dulot nang pagpapakasal ni Joey, hanggang sa
pagkapahiya ko sa mga kaibigan, hanggang sa pagkawala ng taong nagmahal sa akin
ng tapat ngunit niloko ko at sinaktan.Sabay may tumunog at may nagtext sa akin,
si Angelo:
Jack, naiintindihan ko ang sitwasyon
mong nasaktan ka dahil kinasal na ‘yung taong mahal mo o si Joey, pero sana
hindi mo ako ginamit. Kasi masakit. Oo masakit. Masakit kasi umasa ako. Pasalamat
na lang at sinabi sa akin ni Mona ang mga plano mong gawin. Pinaasa mo ako…
akala ko’y magtutuloy-tuloy na ‘yung nasimulan natin, akala ko magiging tayo na
at huli, akala ko’y hindi ka katulad ng iba, pero hindi pala. Tulad ka rin pala
ng mga manloloko. Manloloko ka din pala Jack! Paasa ka… salamat ah! Salamat…
Biyernes – July 18 / 5:45 p.m.
Pagkababa
ng jeep galing sa eskwela, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng
masasakyan at may naghihintay para magsundo. Tulad nila, siguro nga’y dapat
maghintay na lang ako sa taong magmamahal at magsusundo sa akin.
Habang
papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip. Sinusubukang intindihin at
tanggapin ang mga nangyari nitong mga nakaraan araw.
Pagkarating
sa itaas ng tulay, makikita pa rin ang dami ng tindang nakalatag. Tulad ng mga
nagtitinda dito sa footbridge, mahirap magtinda at makabenta kaya hangga’t
maaari ang bawat kinikita ay gastusin sa tamang paraan. Parang pagmamahal ko
kay Angelo, hindi man lang pinahalagahan ang pinagsamahan namin sa loob ng
dalawang buwan. Ngayon ko lang naramdaman ang lungkot ngayong wala na siya.
Hindi ko man lamang binigyang pansin ang bawat pagpapasaya sa akin. Inaliw muli
ang mga mata, baka sakaling may magustuhan o may mabili. Sa bandang dulo ng tulay,
sa pagitan ng mga hagdan. Wala na ang matandang nanlilimos at kumakanta, wala
na tuloy nagbibigay aliw sa bawat dumadaan at nagtitinda sa tulay. Siguro nga’y
mabilis alang ang panahon para paglaruan pa ang mga bagay sa paligid. Hangga’t
maaga ay dapat matuto tayong magmove on, matuto tayong tumanggap at matuto
tayong magpahalaga lalo na sa mga taong nagmamahal sa atin. Sa dulo ng tula,
ako’y lumiko na sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin
ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie,
nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto
na may nakalagay sa unahan “How Do You
View the Yourself?” siguro nga’y ito muna ang dapat kong gawin. Tanungin
ang sarili kung ano ba ang pagtanaw at kung ano ba ang pagtingin ko sa sarili ko.
Habang naglalakad sa kanto ay tumutugtog nang malakas ang
Halaga ng Parokya ni Edgar, “May kwento
kang pandrama na naman, parang pang TV na walang katapusan. Hanggang kailan ka
bang ganyan, hindi mo ba alam na walang pupuntahan…minsan hindi ko
maintindihan, parang ang buhay natin ay napagti-tripan. Medyo malabo yata ang
mundo, binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko…” sa isang sari-sari
store.
Pagpasok
sa kwarto, agad-agad akong nagpalit ng damit. Binuksan ang kompyuter para mag-Facebook
at nagpost ng isang quotes, “Bigyan mo ng HALAGA ang taong
nagmamahal sayo ng totoo, bago pa siya magising sa katotohanang marami pang iba
bukod sa’yo.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento