Apokalips


Miyerkules, Agosto 20, 2014

Kwentong OFW


REFLECTION PAPER: Globalizing National Domesticity: Female Work and Representation in Contemporary Women’s Films


Noong bata pa lang ako kapag ang kalaro ko sinasabi niya, nang payabang, na ang Tatay niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa, naiinggit ako! Naiinggit ako kasi ang pagkakaintindi ko doon ay mayaman sila dahil nasa ibang bansa yung magulang niya. Sabayan pa kasi ito ng pagmamayabang niya sa mga laruan niya na galing pang ibang bansa at mga nagtatamisang tsokolate (binibigyan naman niya ako). Subalit habang ako’y lumalaki naging iba ang pananaw ko dito at nalaman ko na ang tawag pala sa mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, na tulad ng sa kalaro ko ay “Overseas Filipino Workers” o mas kilala sa tawag na OFW.

Sa aking paglaki, maraming katanungan ang pumapasok sa aking isipan kapag naririnig kong sinasabi ng iilan na ang OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.

Madalas nating napapakinggan sa mga radyo, napapanood sa telebisyon maging sa mga commercials pa nga o nababasa sa mga pahayagan na ang mga OFW daw ay mga bayani. Sa paanong paraan natin masasabi na sila ay mga bayani? Bakit nga ba tinuturing ng nakararami sa atin ang mga “Overseas Filipino Workers” na mga bayani? Para sa aking pananaw, pumupunta sila sa ibang bansa para sa sarili nilang interes o kapakanan. Nagsasakripisyo sila para iangat nila ang kanilang buhay. Kumita man sila ng malaki ay para rin sa sarili nilang kapakanan at sa pamilya nila. Kung magpadala man sila ng pera dito sa Pilipinas ay hindi dahil sa gusto nila kundi kailangan ng pamilya nila. Bayani bang maituturing ang mga ito pagkatapos nilang piliing mangibang bansa para doon magtrabaho? Paano naman yung mga Pilipino dito sa ating bansa, mas pipiliin pa ba nilang pagsilbihan ang mga tao sa ibang bansa kaysa sa mga kalahi nila? Bayani ba ang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanyang pamilya at hindi naman talaga para sa bayan? Marahil para sa iba nakakainis ang ganito kong pananaw, pero hindi rin nila maiaalis sa ibang tao ang mag-isip ng mga ganitong klaseng kaisipan.

Sa totoo lang ay walang OFW sa pamilya ko. Siguro isa rin ito sa dahilan kung bakit labis akong naguguluhan sa kung ano nga ba ang gampaning kinahaharap ng isang OFW sa bansa at sa kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon kasabay nito ang pagbabago ng aking pananaw patungkol sa OFW. Ayon sa aking pagkakaalam kaya’t tinuring na bayani ang OFW dito sa ating bansa ay dahil sa mga salaping kanilang ipinadadala o remittances dito sa Pilipinas, tumutulong ito sa pagpapatatag ng ating pambansang ekonomiya. Malaki ang tulong na ibinibigay ng mga OFW sa ekonomiya, kaya’t sila ay binansagan bilang mga "Bagong Bayani" ng bansa. Ito pala kung bakit… kung bakit naging bayani ang mga OFW, pero para sa akin hindi ito sapat na basehan at hindi rin ito ang nagpabago sa aking pananaw. Isang beses nang mapanuod ko sa Facebook ang isang Coca-cola Commercial Sabi doon, “More than 11 Million Filipinos have left their families to find better opportunities abroad” Inilahad doon ang iba’t-ibang karanasan at dahilan ng mga OFW kung bakit sila nangibang bansa… at dito ko mas labis naunawaan ang kanilang dahilan at dito rin masasabi na sila nga ay tunay na bayani.

“Ang pinakamahirap maging OFW ay ‘yung mapalayo ka sa pamilya mo, hindi ako nakauwi ng matagal kasi yung father ko may sakit. Hindi siya nakakakita, ‘yung perang pangbakasyon ko… ipapadala ko na lang sa kanila para panggamot niya..” - Joe Marie Ballon (X-Ray Technologist)

“Pagwinter ay ang hirap, kaya kahit masama ang pakiramdam mo ay pipilitin mong bumangon… Hindi ako basta makauwi kahit gusto ko kasi mayroon akong binabayarang bahay buwan-buwan at ang aking mga anak lahat sila sa aking umaasa” – Leonie Villanueva (Caregiver)

“Malungkot…kasi ako lang mag-isa eh. Hindi ko nakita yung bunso ko na iniwan ko, eh isang taon lang siya – Joey Doble (Baby Sitter)

Ilan lang ito sa mga makabagdamdaming mga paglalahad ng mga OFW na ikinapanayam ng Coca-Cola sa kanilang commercial. Nalungkot at marami rin akong narealize pagkatapos mapanuod ang commercial na iyon. Pinost ko ito sa aking Facebook. Maraming naglikes, nagshare at nagcomment. Marami sa mga nagcomment ay yung mga taong nakaranas at nakakaranas mahiwalay sa mga taong mahal nila. Sabi ng iilan sa mga kaibigan ko, mas malulungkot at mas maiintindihan ko daw ang ibig-sabihin ng Commercial na iyon kung sakaling mangibang bansa at mapalayo ako sa aking pamilya. Napa-isip ako… Sa bagay, mahirap nga naman talaga mapalayo. Noong Tourism Student ako ay ramdam ko ang pagkangulila ko sa aking pamilya habang ako ay nasa malayong lugar. Hindi ko maiwasan noon na isipin sila Mama, Papa at yung mga kapatid ko. Pumasok rin sa isip ko na sana balang araw ay makasama ko rin sila sa paglalakbay ko. Madrama, pero sadyang nakakalungkot kapag andoon kana sa gano’ng klaseng punto.

Marahil para sa mga pamilyang may mga nagtatrabaho sa abroad masasabi nilang bayaning maituturing ang OFW. Bayani dahil sa sakripisyo nila. Bayani dahil siguro mahirap nga naman ang mabuhay ng wala sa piling ng mga taong mahal mo sa buhay. Bayani dahil sila ang nagtataguyod sa pamilya para makapagpadala ng pera. Bayani dahil pinagsisilbihan nila yung mga taong hindi nila kalahi o kamag-anak o kapamilya at Bayani dahil hindi biro ang trabahong ginagawa nila.

Noong nasa ika-apat na baitang ako sa hayskul, gumawa ako ng isang maikling kwento sa aking blog patungkol sa isang OFW ang “Ang Pakikipagsapalaran ni Juana” isang kwento ng isang ina na napilitang mangibang bansa upang matustusan ang pangangailangan nang panggamot ng kanyang anak na may sakit sa puso… (malamang babae ang ginamit kong bida para mas nakakaantig ang kuwento tulad lang ng sa mga pelikula) dahil may problema sa papeles ang kanyang asawa kaya siya ang napilitang umalis at pumunta ng ibang bansa. Pinahirapan siya sa ibang bansa at bukod pa dito ay labis ang kalungkutang kanyang nadama. Doon, napagtanto niya at ng kanyang pamilya na mas masayang magsikap at magtrabaho sa Pilipinas dahil mabilis ngang kumita sa ibang bansa, e doble naman ang pahirap at kalungkutang mawalay sa sariling pamilya.

Marahil para sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, lalo na yung mga nakatapos sa magagandang unibersidad ay madali lang makakuha ng trabaho sa Pilipinas na kung saan hindi na nila kailangan pumunta ng ibang bansa dahil pagdating sa pag-aapply mas angat ang mga nakapagtapos, sa hindi at mas angat ang nakatapos sa magandang unibersidad, kaysa sa mga unibersidad na hindi kilala. Ito ay masasabi kong pangkaraniwan na sa ating mga Pilipino, isang paraan kung saan mali ang pamamahala at hindi pagbigay ng labis na ekwalidad. Nakakalungkot dahil mismong ang mga Pilipino ang dahilan kung bakit nagagawa ng kapwa natin mangibang bansa at magsilbi sa ibang bayan.

Sa usapang ekwalidad. Ekwalidad sa lalaki at babae, marahil isang katakataka rin na halos bumibida sa iilang pelikula ay mga babae. Sadyang pagdating sa mga pelikulang Pilipino, talagang mas ginagamit ng direktor ang mga babae pagdating sa pagtatrabaho o pangingibang bansa, marahil sila ay mahina pagdating sa mga emosyonal na bagay, sa mga pangpisikalang bagay at sa marami pang bagay na talaga naming sila ay mahina. Kung kaya’t ito ang ginagamit sa mga palabas.

Gaya ng aking Ina na nagtatrabaho para sa akin, upang ako’y makapagtapos ng pag-aaral. Para sa akin ay gusto ko na siyang patigilin sa kanyang pagtatrabaho ngunit hindi ko rin kayang masabi dahil alam kong para din sa akin ang ginagawa niya. Kita kong hirap siya sa pagtatrabaho sapagkat alam kong hindi niya pipiliin na magtrabaho, na alam kong mas gusto niyang pagsilbihan kaming mga anak niya na tulad lang ng pangkaraniwang Ina na nag-aasikaso sa kanyang mga anak o sa kanyang pamilya. Ngunit gayun pa man alam kong darating din ang panahon na masasabi kong “Ma, h’wag ka nang magtrabaho… ako na lang ang magtatrabaho” Hindi man ngayon pero pipilitin kong mangyari iyon.

Wala man sa pamilya namin ang nagtatrabaho sa ibang bansa o wala man akong kamag-anak na OFW, pero dama ko kung ano ang nararamdaman ng mga taong may kamag-anak o kapamilya na OFW. Natutuwa ako sa kadahilanang dahil lang sa pagtataka kong “OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.” Natuklasan ko, hindi lang ang sagot kung bakit, ngunit pati ang istorya sa likod ng mga paghihirap ng mga ito. Masasabi kong bayani silang maituturing kung sa pamilya pagbabasehan. Nasagot man ang tanong ko pero hindi pa rin ako kumbinsido kung sa buong bansa maituturing silang isang bayani. Ikaw ba, para sa’yo? Ikaw na ang humusga kung maituturi nga ba ang OFW na isang bayani ng isang bansa o ng isang pamilya lang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento