Apokalips


Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Filipino. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Filipino. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Disyembre 03, 2014

MAKATANG HIBANG


Mga talaga mula sa twitter na kinakailangan ng 140 na mga salita lamang.
mga biglaang banat.
mga biglaang pumasok sa isipan.
mga biglaan.


---

mga salitang binalewala...
mga pagkakataong sinayang...
mga pagsuyong hindi pinakinggan...

bakit ngayon lang kayo lubos na naintindihan?

bakit?.

---

UmaasaAkoNaSana akin ka.
UmaasaAkoNaSana tayong dalawa.
kaso walang "akin ka",
kaya wala ring "tayong dalawa".

---

Sa gabing madilim,
makikita ang makatang maitim.
Babatuhin ka ng kanyang mga hinaing,
na puno ng tapang at giting.

---

Hayaan mo akong ikaw ay yakapin
at sabay nating damhin...
ang dampi ng hangin.

---


Tulad ng isang ibong hindi mapakali
tibok ng puso ko ay tumitili,
hindi malaman kung ako ba'y kinikilig
o umaasa na naman sa pananalig.

---

Salamat kasi nand'yan ka palagi
kapag antok ko ay laging umaatake
dito ka lang palagi sa aking tabi
yakapin mo ako, mainit na kape.

---


KungMawawalaKa paano na ako
KungMawawalaKa paano na ang puso ko,

sabay napailing,
biglang napagtanto,
napaisip,
wala nga palang tayo.

---


magtitinginan.
iiwas.
lalayo.
babalik. 


magtitinginan.
iiwas.
lalayo.
babalik.

hindi ka ba nagsasawa,
na parati na lang tayo ganito?!
walang papupuntahan,
walang pagbabago.

---

SanaKasi hindi ka nagbigay ng motibo.
SanaKasi nilimitahan mo rin 'yung sarili mo.
SanaKasi...


'yan tuloy ako ay lubos na umasa.
SanaKasi ...



---

AngHirapPag ikaw lang 'yung nagmamahal.
AngHirapPag ikaw lang 'yung may paki.
AngHirapPag ikaw 'yung minahal
AngHirapPag kaibigan ....

---

Oo Hanggang Ngayon
mahal pa rin kita
Oo Hanggang Ngayon
nagmumukhang tanga
Oo Hanggang Ngayon
hinahanap-hanap ka
Oo Hanggang Ngayon
Ako ay umaasa.

--

Ayoko nang pakinggan 'di dahil nakabibingi
ngunit dahil ayoko nang marinig.

mga paliwanag.
mga katuwiran. 


ang iyong boses.
ang iyong boses.


---

Nakatingin sa malayo,
pero wala namang tinatanaw.
Iniisip kasi kita.

Ikaw.
Ikaw na malapit sa'kin.
Ikaw na malapit sa akin,
pero parang ang layo.

---

Ganito ba talaga ang makata? Ibinubuhos ang nadarama sa bawat salita ng kanyang akda.
Ngunit hanggang sa pagsulat na lang ba, aaminin ang pagsinta.

---


Dulot ng mga salitang naglalaro sa aking isipan,
hindi ko na namamalayan,puso't damdamin ko pala'y nag-aalitan.

---

Minsan, darating talaga sa punto na gusto mong ibalik 'yung nakaraan, kasi alam mong may maling nangyayari sa kasalukuyan. At ang kaya mo na lang gawin ngayon, ay subukang itama ito sa darating na hinaharap.



----
Inalok kita.
Tinanong ko kung gusto mo ng pagmamahal. Sabi ko, libre ko!
Pero tinanggihan mo.
Hindi ko alam kung ayaw mo dahil nahihiya ka o ayaw mo dahil busog kana.
Hindi ka sumagot e. 
Tapos bigla kana lang tumahimik.
Bigla mo na lang akong iniwan.

Iniwan mo ako sa isang gabi na akala kong magiging sa atin.

Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

Gunita: Senyales ng Paghahanda



‘Ondoy’ sa Luzon, ika-26 ng Setyembre taong 2009…
‘Sendong’ sa Mindanao, ika-16 ng Disyembre taong 2011…
‘Yolanda’ sa Visayas, ika-8 ng Nobyembre taong 2013…

Sino ba naman ang hindi makalilimot sa petsa at pangalan ng mga bagyong ito. Marahil, marami sa atin ay naranasan, nasaksihan at naapektuhan ng mga bagyong ito. Iilan lamang ang mga ito sa naging parte ng kasaysayan dahil sa hindi malilimutang mga karanasan at bangungot ng nakaraan, na iniwang marka nito sa bawat Pilipino. Sa Pilipinas hindi maikakailang dahil sa lokasyon natin, lapitin na talaga tayo sa iba’t ibang uri ng kalamidad. At taun-taon ay patuloy na mararanasan ng bansa ang malalakas na bagyo na magdudulot ng pinsala na tulad na lamang ng mga pagbaha, pagguho ng lupa, paglindol, pagkakaroon ng tsunami at malalakas na ulan.

Ondoy. Sino ba naman ang hindi makalilimot sa bagyong nagpayanig sa buong Metro Manila. Nangyari ito noong ika-26 ng Setyembre taong 2009, kung saan walang kaide-ideya ang mga mamamayan ng Luzon, partikular na sa kamaynilaan, na hahagupit pala sa kanila ang bagyong itinuturing ngayon na isa sa pinakagrabedad na tumama sa bansa. Sinasabing ito ay tatlong araw lamang na walang hinto halos ang ulan, pagbugso-bugso lang, at hindi rin sobrang lakas. Hanggang sa unti-unti nang tumaas ang lebel ng tubig at kinailangan na ng PAG ASA magdeklara ng paglikas sa mga karatig na lugar na babahain. Nagdulot ito nang labis na pinsala sa mga kababayang Pilipino kung saan marami ang nasaktan, namatay, nawalang ng tirahan, nasira ang mga kabuhayan at dumaan sa matinding paghihirap. Base sa datos na aking nakalap mahigit 21,000 ektarya ng lupa sa Metro Manila ang lumubog sa baha noong mga araw na iyon. Kung saan ay umabot hanggang 20 talampakan o mahigit pa ang lalim ng tubig-baha sa maraming lugar sa Kamaynilaan. (Estrada, 2010)

Sendong. Ito naman ang gumising habang mahimbing na natutulog ang mga mamamayan sa Hilagang Mindanao partikular na sa Cagayan de Oro at Iligan City. Naganap ito noong gabi ng ika-16 ng Disyembre taong 2011, tumama sa kanila ang hagupit ng bagyong mala-tsunami. Sinasabing ang bayang ito sa Mindanao ay walang mag-aakalang babaha ito sapagkat bihira lamang ito ulanin at tamaan ng matinding bagyo. Kumitil ng maraming buhay ang bagyong Sendong na humigit 1,000 katao ang nasawi at libo pang bangkay ang naanod ng baha at hindi na muling nakita pa. Nag-iwan ng malaking pinsala sa bayan ng Hilagang Mindanao ang bagyong Sendong na kung saan isinasaad na pinagsamang lakas at bilis ng bagyong Ondoy at Milenyo ito. Dinaig din nito ang bilang ng mga napinsala ng Ondoy na mahigit 747 naitalang namatay samantala ang Sendong naman ay may mahigit 1,000. (Calinao, 2010)

‘Yolanda’. Ito naman ang pinakasariwang alaala na gusto nang kalimutan at burahin sa isipan ng nakararami lalong-lalo na ng mga kabisayaan. Naburang komunidad at mga nakahilerang patay sa daan, ganito mailalarawan ang Visayas partikular na sa Tacloban, Tanauan, Ormoc, Dulag at Palo. Nanalasa ang bagyo noong ika-8 ng Nobyembre taong 2013, na naitalang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa. Disyembre 5 noong mga panahon na iyon, nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 5,670 na bilang ng mga namatay, nasa 1,761 ang nawawala at 26,233 naman ang nasaktan. Umabot sa P 34.3 bilyon ang halaga nang nasira at tumaas pa ito. Sa laki ng napinsalang ari-arian ni Yolanda, maraming ang bansa tumulong sa Pilipinas. (Pasion, 2013)

Kaugnay ng mga pangyayaring ito, patunay ito na nararapat talagang maging handa ang bawat mamamayan sa atin. Hindi lang ang mamamayan kundi pati na rin ang gobyerno at kawani nito. Nang sa gayon ay hindi na muling masundan pa ang mga kalamidad na tatama sa bansa natin. Sa kasalukuyan, may mga paghahanda nang ginagawa ang mga kawani upang hindi na muling maulit pa ang trahedya sa bansa dulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang mga kalamidad sa bansa.

Bagyo.


Public Storm Warning Signal (PSWS). Ang PSWS ay mga babalang ipinalalabas ng PAGASA upang malaman kung gaano kalakas ang paparating na bagyo, saan ang lokasyon nito sa oras na inilabas ang PSWS, saan ang tinatayang dadaanan nito, at ano ang mga paghahandang dapat o maaari pang maisagawa ng mga komunidad na maaapektuhan ng pagdaan ng bagyo.

PSW Signal Number 1 – hanging may lakas mula 30-60 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 36 oras.

PSW Signal Number 2 – hanging may lakas mula 61-100 kph. Inaasahan ang bagyo sa loob ng 24 oras.

PSW Signal Number 3 – hanging may lakas mula 100-185 kph. Maaasahan ang pagdating sa loob ng 18 oras.

PSW Signal Number 4 – napakalakas na hanging hihigit sa 185 kph at maaasahan sa loob ng 12 oras.

Mga dapat gawin BAGO dumating ang bagyo
Ihanda ang radyo, flashlight at ekstrang baterya;
Maghanda ng pang-emergency na pagkaing hindi agad nasisira (katulad ng de-lata at biskwit), lalagyan ng tubig, first-aid kit o gamit at gamot na pang-unang lunas, at mga plastik na supot;
Tiyaking mabuti na makakayanan ng bubong at mga bintana ng bahay ang malakas na ihip ng hangin (para sa mga kabahayan sa maralitang komunidad, tiyakin din na kakayanin ng haligi at dingding ang lakas ng hangin sa pamamagitan ng pagtatali at/o pagpapako ng maayos sa mga ito); at
Putulin ang mga mahahabang sanga ng mga punongkahoy na malapit sa bahay.

Mga dapat gawin HABANG may bagyo
Ugaliing makinig sa radyo o manood ng TV para sa regular na anunsyo o babala tungkol sa kalagayan ng bagyong paparating o kaya naman ay makibalita sa mga kapitbahay;
Siguraduhing may mga gamit pang-emergency na nakalagay sa lalagyang hindi nababasa;
Punuin ang lalagyan ng tubig, ilagay sa plastik na supot ang mga ekstrang damit, mga delata, kandila, posporo, baterya, at iba pang mahahalagang gamit;
Mag-ingat sa mata ng bagyo. Ito ang biglang pagtigil ng hangin at ulan at kalmado ang paligid sa isang lugar. Hudyat ito na pagkaraan ng halos 2 oras ay babalik ang mas malakas na hangin at ulan;
Manatili sa loob ng bahay hanggang matapos ang bagyo; at
Kung kinakailangang lumikas, tiyaking nakapatay ang kuryente ng bahay, nakasara ang tangke ng gas, at nakasusi ang pinto. Huwag kalimutan ang mga gamit pang-emergency.


Baha.

Mga dapat gawin BAGO ang pagbaha
Alamin ang warning system at signal sa inyong barangay o munisipyo.
Obserbahan ang sitwasyon ng lugar at makinig sa ulat ng panahon mula sa PAGASA.
Pakinggan ang opisyal na warning signal na ibibigay ng kagawad na sumasakop sa sona.
Ihanda ang mga pangunahing kakailanganin sa paglikas tulad ng damit, kumot, pagkain, maiinom na tubig, gamot, posporo, kandila, flashlight, radyong de-baterya, banig, at iba pa. Maiging nakabalot ang mga ito sa plastik.
Itago o ilagay sa plastik ang mga mahahalagang dokumento at papeles.
Mag-imbak na ng malinis na inuming tubig.
Siguraduhin na magkakasama ang lahat ng miyembro ng pamilya at ihanda ang bawat isa sa anumang mangyayari.
Alamin ang pinakamalapit na evacuation center at ang pinakamalapit na daan patungo rito.
Maghintay sa warning signal na ibibigay ng kagawad tungkol sa paghahanda sa paglikas at sa mismong paglikas.
Makipag-ugnayan sa nakatalagang kagawad kung nais nang lumikas patungo sa kamag-anak sa ibang barangay upang maitala.
Ang Barangay Disaster Coordinating Council (BDCC) ay dapat maghanda ng kanilang gamit tulad ng malalaking flashlight, radyong de-baterya, warning device (megaphone, pito, kalembang), mga matitibay na lubid, first aid kit, sasakyang may sapat na gasolina para sa mabilis na paglikas at pakikipag-ugnayan, mga gamit pang-komunikasyon tulad ng cellphone, mga kagamitan tulad ng martilyo, liyabe, wrench, pala, at iba pa.
Kung sa pagtantya ay magtutuluy-tuloy pa ang pagtaas ng tubig ay lumikas na bago pa masira ang mga daan at mga tulay.
Ilipat na ang mga alagang hayop sa mataas na lugar.
Bago lumikas, patayin muna ang kuryente at ikandadong mabuti ang bahay.

Mga dapat gawin HABANG may baha
Iwasan ang mga lugar na may tubig-baha lalo na kung hindi nakasisiguro sa lalim nito. Huwag lumusong o tumawid sa mga tubig na hindi alam ang lalim, gaya ng ilog o sapa.
Kung may dalang sasakyan at inabot ng baha, huwag piliting tawirin ang baha laluna kung malakas ang agos nito at hindi matantya ang lalim.
Huwag payagang maglaro ang mga bata sa baha. Huwag languyan o tawirin ng bangka ang mga binahang ilog.
Siguraduhing lutung-luto ang mga pagkain at iwasang marumihan ang mga tirang pagkain.
Pakuluan ang tubig bago ito inumin.



Mga dapat gawin PAGHUPA ng baha
Gumamit ng flashlight kapag muling papasukin ang binahang bahay.
Maging alerto sa mga bagay na maaaring pagsimulan ng sunog.
Tiyaking malinis at hindi narumihan ng tubig-baha ang mga pagkain at inumin. Lutuin muna ng mabuti o pakuluan ito bago kainin o inumin.
Iulat sa mga kinauukulan ang mga nasirang pasilidad gaya ng poste at kawad ng kuryente, tubo ng tubig, at iba pa.
Siguraduhing nasiyasat ng mabuti ng isang marunong sa kuryente ang switch ng kuryenteng nabasa at lahat ng gamit na de-kuryente bago gamiting muli ang mga ito.


(Ang mga impormasyon na nakalap dito ay mula sa pananaliksik na ginawa ng Corporate Network for Disaster Response (CNDR) upang maintindihan ng mamamayan, lalo na ng maralitang sektor, ang pinagmumulan ng sakuna at paano makakapaghanda bago at matapos mangyari ang mga ito.)


Importante!


Alamin ang Emergency Hotline Numbers During Disaster sa Pilipinas.


Source: Adapted from CNDR and CARE "Community-Based Disaster Risk Management". Pagsasanay sa Disaster Preparedness at Contingency Planning: ACCORD Project 2007. http://www.cdp.org.ph/pubs/pdpcp-accord.pdf


ONDOY. SENDONG. YOLANDA.

Tatlong bagyo na minsan nang sumubok sa katatagan ng bawat Pilipino. Marahil sa paggunita ng mga pangyayaring ito, hindi isa o dalawa ang lumalabas na bayani sa mga panahong ito kundi marami. Halos lahat ng Pilipino ay pwedeng maging bayani dahil dito nakikita ang pagtutulungan ng bawat isa. Masakit man maalala ang bawat detalye ng pangyayaring humagupit, pumatay, bumangungot, nagpahirap at lumunod sa maraming Pilipino nararapat pa rin gunitain ang pangyayaring tumatak sa pagiging matatag ng bawat isa sa atin. Sana’y huli na ang Yolanda. Sana’y hindi na muling masundan pa. Sana’y mas lalo pa tayong maging handa nang sa gayon ay wala nang mapinsala at wala nang masawi pa.


References:


Estrada, Loi E. (September 25, 2010). “Unang Taon ng bagyong ‘Ondoy”. Retrieved from: http://www.philstar.com/opinyon/614677/unang-taon-ng-bagyong-ondoy

Sto.Domingo, Noel. (July 24, 2014). “Bagyo, baha, landslide at iba pa: mga dapat gawin bago at matapos mangyari”. Retrieved from: http://www.alagad.com.ph/special-cross-sectoral-concerns/78-prepare-a-plan-for-disaster-preparedness/333-bagyo-baha-landslide-atbp-mga-dapat-gawin-bago-at-matapos-mangyari.html


Pasion, Pher. (December 5, 2013). “Bagyong Yolanda: Ang mga iniwang Bakas”. Retrieved from: http://pinoyweekly.org/new/2013/12/bagyong-yolanda-ang-mga-iniwang-bakas/

Sabado, Nobyembre 22, 2014

Pinta ng Tadhana

“Ang ganda at ang laki ng bahay niya,” ito ang wika ni Kaloy sa kaibigang si Andrew habang patuloy nilang pinipindot ang doorbell at naghihintay ng taong magbubukas ng gate. Binuksan ito ng isang kasambahay at tinanong kung ano ang kanilang pakay.

Kinumpirma nila kung doon nga ba nakatira si Ms. Concepcion. At kaagad naman silang pinagbuksan at pinapasok nito, na para bang kilala na sila. Pagpasok sa loob makikinitang mamahalin ang mga kagamitan, halatang mayaman ang may ari. Natahimik ang dalawa habang papaupo dahil naisip nilang aalingawngaw ang kanilang mga boses kung sakaling sila ay mag-uusap. Sila lamang ang natira sa sala. Marahil siguro’y tinawag na ng kasambahay si Ms. Concepcion. Nagmasid at tumingin-tingin muna ang dalawa sa paligid.

Habang naghihintay, biglang napatayo si Kaloy mula sa kinauupuan. Nahagip ng kanyang mga mata ang nakasabit sa ding-ding ng pasilyo ng bahay. Agad niya itong nilapitan at tumayo sa harapan ng larawan. Bakas sa mukha nito ang ligaya nang makitang muli ang obra na kanyang matagal nang hindi nakikita.  Tinitigan niya itong muli, ang likhang-sining na may larawan ng isang babae. Bumalik ang mga alaala sa kanyang gunita. Hinimas niya ang bawat detalye at yari ng kuwadro, sabay na ibinulong sa sarili, “Elsa…”

Si Kaloy ay isang magaling at sikat na pintor hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Naibibili ang kanyang mga mahuhusay na gawa kapag ito ay sinusubasta, dahilan kung bakit siya nakilala sa buong mundo. Namana ni Kaloy ang husay at galing sa larangan ng pagpipinta sa kanyang tatay. Bata pa lamang, pinapanuod na niya itong gumawa ng iba’t ibang likhang sining. Kumpleto sa kagamitan at materyales ang pamilya nila pagdating sa larangan ng pagpipinta, kung kaya’t walang duda na nahilig rin siya dito. Subalit noong panahon ng tatay ni Kaloy, hindi ito nakatapos ng kolehiyo, isa lamang siyang hayskul gradweyt dahilan para hindi makilala ang mga nililikha niya. Busog man sa imahinasyon at kaalaman pagdating sa pagpipinta ang kanyang tatay, ngunit kulang ito sa mga parangal, sertipiko at lalong lalo na sa pinansiyal para makilala ang mga obrang kanyang nililikha. Dahil sa kuwento ng tatay ni Kaloy bago pa ito pumanaw, sinikap niya na paunlarin ang kanyang galing sa pagpipinta. Siya ay nagpursiging makatapos sa pag-aaral at tinupad ang pangarap ng kanyang tatay, na kinalauna’y minahal niya rin. Hindi naabutan ng tatay ni Kaloy ang mga tagumpay na kanyang narating. Kaya, para maging bahagi ng tagumpay niya ang ama, hinalo na lamang nito ang ibang mga gawang obra maestra ng tatay niya sa kanyang mga gawa.

Sinitsitan ni Andrew si Kaloy dahil naririnig na nito ang yabag ng mga paa na nagmumula sa itaas. Agad-agad naman si Kaloy bumalik mula sa kanina nitong kinauupuan. Nang biglang makarinig sila nang yapak na bumababa sa unang hakbang ng hagdanan; sabay silang lumingon at tumayo para salubungin nang bati si Ms. Concepcion. Paglingon ni Kaloy sa itaas, napatitig siya at nagulat nang makita si Ms. Concepcion.

Nanumbalik ang alaala ni Kaloy sa tinakasan niyang nakaraan.  Gumunita sa kanyang isipan ang bawat sandali na kasama ang kaisa isang babaing minahal niya ng lubos. Kaisa-isang babaeng nagpatibok sa puso niyang pihikan. Sa dami ng kanyang ginagawa, hindi na nagawang humanap ni Kaloy ng babaeng mamahalin. Siguro’y wala rin lang talaga siyang mapusuan o kaya naman ay dahil sa trabaho niya at pagpupursiging magkaroon ng magandang buhay. Katuwiran niya sa tuwing tinutukso siya ng kanyang mga barkada, ay darating din sa tamang panahon ang tamang babae na para sa sa kanya, sabay tawa.

Isang gabi habang nagpapahinga si Kaloy sa kanyang estudyo, kung saan nakalagay ang mga likhang-sining niya, dahil tapos na siya sa kanyang mga ipinipinta. Napaisip siya na subukan ang sinabing biro ni Andrew sa kanya. Gamit ang imahinasyon at galing sa pagdodrowing, subukan raw niyang lumikha ng isang babaing nagugustohan o natitipuhan niya.

Sinimulan niyang iginuhit ang maliit pero medyo pahabang hugis na mukha. Pagkatapos, sinundan ito ng bilugang mga mata at manipis na kilay, medyo may kalaparan ang noo. Kinortehan niya ang mahabang pilik-mata at dinagdagan ng kaunting tangos ang kanina’y pangong ilong; hindi ito maiintindihan kung ito ba’y pango o matangos. Sinundan niya ito ng labing manipis, kulay rosas. Hindi labas ang ngipin ng babae ngunit nakangiti ang mga labi na parang kinikilig. Nakatumbok ang malamang pisngi, pulang-pula ito kahit walang kolorete sa mukha. Sabayan pa ito nang nanunuyo at nang-aakit na biloy. Malalaki ang tainga pero bumagay naman sa mahabang buhok na abot hanggang siko nito. Nakahubad. Tanging ang buhok lang ang nagsisilbing takip sa suso nito.

Nang matapos, napatitig siya sa kanyang naipinta; natulala at walang nasabi. Buong gabi niya itong tinitigan, hinihiling na sana’y makatagpo ng isang babaeng tulad nang naipinta niya. Hanggang siya’y makatulog nang hindi namamalayan.

Sa isang kainan, sa sobrang dami ng tao, may babaeng lumapit kay Kaloy at nagtanong kung maaring “maki-share” sa upuan niya dahil ang bakanteng  upuan na lamang ay sa  tapat nang inuupuan niya. Nagulat siya pagkatingin sa babae. Napatulala si Kaloy nang mapagtantong kamukhang-kamukha ng babaeng nagtatanong ang ipininta niyang larawan. Nagtaka siya kung bakit nabuhay ang babaeng binuo ng imahinasyon niya. Agad siyang pumayag at tinitigan ang babae, hindi siya makapaniwala. Tinanong niya kung ano’ng pangalan nito.

“Elsa.”

Inulit ni Kaloy ang pangalan at tumango. Nagpasulyap-sulyap siya sa babaeng nagngangalang Elsa. Habang nagnanakaw ng tingin, bigla siyang nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Panaginip, panaginip lang pala iyon. Akala niya ay naging totoo na ang babae sa larawan. Akala ni Kaloy nakita na niya ang babaeng susuyuin at mamahalin. Hindi pa pala, hindi pa pala nabubuhay ang babaeng pakakasalan niya. Natawa si Kaloy habang umiiling at bumangon mula sa hinihigaan. Nagulat siya nang malaman na nakatulog pala siya sa estudyo. Tumingin siya sa paligid… sa painting. Napag-isipan ni Kaloy na “Elsa” ang ititulo sa larawan, dahil sa pangalang ibinigay ng babae sa panaginip niya. Kaya ito na rin ang ipapangalan niya.

Dumaan ang mga araw na palaging napapanaginipan ni Kaloy si Elsa. Hindi niya maintindihan pero parang unti-unti na itong napapamahal sa kanya ng lubusan. Halos hinahanap-hanap na niya na ito. Ang mukhang nagtatago sa ilusyon, sa imahinasyon niya. Dumalas ang pagiging masayahin ni Kaloy dahil kay Elsa. Ang problema lang, ito na lamang ang lagi niyang kinakausap.

Lumipas ang isang buwan, sinubukang lumikha ulit ni Kaloy ng ibang obra upang mabaling na sa ibang bagay ang kanyang atensyon bago pa ito lumala. Ngunit hindi, hindi nangyari iyon. Inihagis ni Kaloy ang mga paint brush… ang kuwadro… mga lapis… mga pintura… ang lahat ng mga materyales na nasa paligid niya habang umiiyak. Umupo muna siya na para bang pagod. Pagod sa paghahanap nang paraan para makalimot. Hindi na siya muling makalikha ng mga painting, ang huli na niya ay si Elsa. Pakiramdam niya ay hindi na maganda ang nililikha niya. Wala nang tumutumbas sa gandang nakikita niya sa larawan ni Elsa. Grabedad ang pagmamahal niya dito, na handa siyang ipagpalit ang kasikatan para makasama ang kaisa-isang si Elsa.

Lumipas na naman ang isang buwan at mas naging malala pa si Kaloy.  Dumalas ang pag-inom niya ng alak na dati’y hindi naman siya ganoon. Ang malala pa rito ay gumamit na rin siya ng droga. Marahil ito lamang ang paraan na naiisip niyang gawin upang makalimot. Makalimot sa ilusyon, sa imahinasyon, sa sarili niyang nilikha na siya mismo ang gumawa at sa imaheng nabuo ngunit puno ng kasinungalingan.

Halos kalahating taon napariwara at nahinto ang kasikatan ni Kaloy; ang paggawa niya ng mga paintings. Dahilan ito para mag-alala ang pamilya at mga kaibigan niya. Kung kaya’t isang araw ay nagtipon-tipon ang mga ito upang pag-usapan ang nanagyayari kay Kaloy at kung ano ang maaaring dapat gawin sa kanya. Nais na nilang wakasan ang labis na pagkahumaling at kabaliwan ni Kaloy sa kanyang obra maestra. Napagdesisyunan nilang ipadala ito sa ibang bansa upang sa gayon ay ma-auction at mabili na at nang hindi na niya ito makita.

Ginawa nila ito nang walang pahintulot ni Kaloy. Marahil mali man na nakawin at ibenta ang pagmamay-ari ng iba, ngunit ito lamang ang tanging paraan para umayos muli ang buhay ng itinuring nilang batikan at kilalang pintor. Isa lamang ito sa mga naiisip nilang paraan upang matulungan nila si Kaloy at makapagsimulang muli.

Minahal ni Kaloy ang kanyang sarili, ang kanyang nilikha, ang kanyang imahinasyon, ang sarili niyang ilusyon. Masakit mang tanggapin na dahil sa malikot at malawak niyang pag-iisip, ang nagpasimulang magpasikat at magparangya sa buhay niya, ay siya ring tatapos at wawakas sa karera niya bilang magiting na pintor.

Nang makababa na si Ms. Concepcion mula sa itaas, kinamusta niya ang dalawa lalo na si Kaloy. Mula sa pagkatulala ni Kaloy habang tinititigan si Ms. Concepcion, kinalabit ito ng kanyang kaibigang si Andrew. Pinakilala ni Andrew si Kaloy kay Ms. Concepcion na siya ang lumikha ng obra maestrang, Elsa. Si Andrew ang tumayo sa katauhan ni Kaloy noong ipinapasubasta ang painting sa ibang bansa kung kaya medyo nagkakilala na sila ni Ms. Concepcion.

“Ah, e, Ms. Concepcion, ito po si Kaloy, si Mark Carlos “Kaloy” Santiago Luna, ang lumikha ng obra maestrang, “Elsa”.” ito ang pagpapakilala ni Andrew sa kaibigang si Kaloy.

“Ano ka ba, Elisa na lang ang itawag niyo sa’kin. Masyado namang pormal kung Ms.Concepcion ‘di ba?” pakiusap ni Ms. Concepcion.

Lalong nagulantang si Kaloy nang mapag-alamang Elisa ang pangalan ni Ms. Concepcion, halos katunog din ng Elsa. Nagkamayan ang dalawa at umupo, habang si Kaloy ay nakatulala pa rin sa mukha ni Elisa. Kamukhang-kamukha ni Elisa si Elsa, hindi maitatangging para silang kambal, para silang magkapatid. Hindi makapaniwala si Kaloy sa kanyang nakita at lalo na nang makilala si Elisa.

“Totoo si Elsa,” bulong ni Kaloy. “este Elisa pala…” sabay bawi nito.

Nagtawanan ang tatlo at sinundan naman kaagad ito ng biro ni Elisa, “Totoo naman talaga ako e…”
Tinawag ni Elisa ang kasambahay upang magpakuha ng meryenda para kina Kaloy at Andrew. At dito na rin isinalaysay ng dalawa kay Elisa kung ano ang kasaysayan ng obra maestra, kung bakit ibinenta ang kaisa-isang painting na ayaw ipasubasta ni Kaloy.


Samantala, isinaad naman ni Elisa Concepcion kung bakit niya ibinili sa halagang $36.5 million ang obra maestrang gawa ni Kaloy. Sinabi niyang dahil sa pagkagulat nang mapagtantong kamukha niya ang nasa painting, na marami rin daw ang nakapagsabi na kamukhang-kamukha niya nga ang nasa larawan, dahilan para hindi niya na palagpasing bilhin iyon. Matagal na rin siya sa ganoong gawain, ang pagbili ng mga mga likhang-sining, dahil mahilig siya sa mga paintings. Dagdag pa rito ang pagkatuwa niya nang malaman na kapwa niya Pinoy ang may likha ng obra. 

Huwebes, Nobyembre 06, 2014

Halaga


Lunes - April 21 / 6:48 p.m.

Pagkababa ng jeep galing sa eskwela, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip. Sinusubukang alalahanin ang mga gawain para bukas.
Pagkarating sa itaas ng tulay, makikita ang dami ng tindang nakalatag sa Litex; may mga CD na apatnapung piso ang halaga, may mga nagtitinda ng case at sticker ng cellphone, may nagtitinda ng librong pambata, may mga ukay-ukay na sapatos, at may nag-aalok ng mga murang cellphone (mura dahil galing nakaw o ‘di kaya’y gawa sa Tsina). Inaaliw ang mga mata na baka sakaling may magustuhan o may mabili. Sa bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan ay natanaw ko ang isang matandang nanlilimos. Tinawag nito ang aking atensyon dahil inaawit niya ang theme song namin ni Joey, “Sana’y di magmaliw ang pagtingin, kaydaling sabihin kayhirap gawin…Sa mundong walang katiyakan, sabay natin gawing kahapon ang bukas.” dahil dito, sa kanya lang nakatuon ang aking pansin hanggang sa ako ay lumiko sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan na “Who Really Controls the World?”at tuluyan ko nang naalala si Joey. Naalala ko ang relasyon naming kinontrol ng magulang niya. Kinailangan naming maghiwalay kasi hindi ako tanggap ng pamilya niya. Wala raw katiyakan ang relasyon na namamagitan sa’ming dalawa. Kaya hangga’t maaari, mas mabuti pang maghiwalay na lang daw kami. Hindi tulad ng lugar na ito, ang pagmamahalan namin ni Joey ay walang tulay na namagitan para makatawid sa pagsubok. Tulay na makapagbibigay konekta sana sa aming dalawa para matawid sa posibilidad na kamatayan ng aming mga puso. Naisip kong sana’y gumawa ako ng tulay noon pa, isang tulay na patuloy na magdudugtong sa relasyon naming dalawa. Kaso wala na. Huli na.

Sa kanto, kinalabit ako ng aking kaibigan noong hayskul, si Elsa. Halos isang taon ko na ring hindi siya nakikita; nagbesohan kami at nagkuwentuhan habang naglalakad. “Huy! Alam mo ba na buntis na ‘yung girlfriend ng ex-boyfriend mong si Joey, kaya balak na nilang magpapakasal sa July. Kaso hindi pa alam kung anong eksaktong petsa.” Ito ang bungad na balita sa akin ni Elsa. Naputol na ang usapan namin dahil ako ay papaliko na sa kanan at siya naman ay padiretso.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko dahil sa balita ni Elsa. Isang taon na rin ang nakalipas simula nang maghiwalay kami ni Joey. Mahal ko pa rin si Joey. Kaya hanggang sa ngayon, inaasahan ko pa rin na magkabalikan kami. Ngunit alam kong malabo nang mangyari ‘yun dahil ikakasal na siya.
Pagpasok ng kwarto ay agad-agad akong nagpalit ng damit at binuksan ang kompyuter para tignan ang Facebook ni Joey. Hindi ko makita ang timeline niya dahil hindi na kami friend. Naalala kong inalis ko na pala siya sa friend list ko simula nang maghiwalay kami, ginawa ko ito noon dahil nagbakasakali akong sa ganitong paraan malimutan ko siya. Nagbakasakaling mas mabilis akong makakapagmove-on.

Martes – May 6 / 6:15 p.m.

Pagkababa ng jeep galing sa eskwela, makikita na naman ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang papaakyat sa footbridge nakasabay ko si Joey. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko pero inihanda ko na ang sarili. Nagkumustahan at nagkakuwentuhan kami habang naglalakad. Medyo nakahihiya man pero bahala na, bigla niyang iniabot sa akin ang invitation card para sa kasal niya. Habang iniaabot ni Joey ang invitation card, sabay kaming napalingon sa matandang nanlilimos habang siya’y kumakanta ng Nanghihinayang, Nanghihinayang ang puso ko. Sa piling ko'y lumuha ka lang, nasaktan lamang kita. Hindi na sana, hindi na sana iniwan pa. Iniwan kang nag-iisa at nagdurusa…ako sana'y patawarin na” dahil dito, sa kanya lang nakatuon ang pansin naming dalawa, hanggang sa kami ay lumiko na sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa amin ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan na “How Do You View the Future?” bigla akong napangiti sa nabasa subalit hindi ipinahalata kay Joey. Dahil baka kung ano pang isipin niya. Sinabi sa akin ni Joey na hindi niya ako maka-usap sa Facebook dahil hindi kami friends at sabay pabirong sinabi, “accept mo na kasi ‘yung friend request ko!” pagdating sa kanto, naputol na ang usapan namin dahil ako ay papaliko na sa kanan at siya naman ay padiretso.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko dahil nagkita kami ni Joey. Naisip kong kailangan makapunta ako sa kasal niya. Magkaibigan kami pero para sa akin, may nararamdaman pa rin ako sa kanya. Gusto kong pumunta para lang maipakita sa mga kabigan namin, sa kanya, at sa pamilya niya, na ayos na ako matapos ang isang taon. Isang taon matapos kaming maghiwalay. Gusto kong ipakita na ayos lang ako, na tanggap kong magkaibigan na lang kami. Kahit ang totoo sa likod ng damdamin ko’y hindi.
Pagpasok ng kwarto,  agad-agad na nagpalit ng damit at binuksan ang kompyuter para i-accept si Joey sa Facebook. Tinignan ko ang mga litrato niya kasama ang babaeng pakakasalan niya. Masakit man makita, masakit man tanggapin, pero kailangan ko na ring maunawaang hindi na kami magkakabalikan pang muli
Nag-isip ako ng ideya kung paano magkakaroon ng boyfriend, bago sumapit ang kasal ni Joey. Sa tingin ko, ito lang ang paraan para maipakita ko na okay na ako. Na nakapag-move on na ako. Na tanggap ko na.




Miyerkules – June 4 / 4:43 p.m.

Pagkababa ng jeep galing sa Quezon City, Circle, makikita pa rin ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang papaakyat sa footbridge ako ay masaya. Inaalala ang mga masasayang  kaganapan kanina kasama si Angelo.
Pagkarating sa itaas ng tulay ng Litex, ganu’n pa rin ang dami nang makikitang tinda na nakalatag; may mga nagtitinda ng case at sticker ng cellphone, may nagtitinda ng librong pambata, may mga ukay-ukay na sapatos, may nag-aalok ng mga cellphone at may mga CD na tulad nang “Friends with Benefits” na apatnapung piso ang halaga. Bigla akong napaisip sa ginagawa ko kay Angelo. Nililigawan niya ako at sumasama akong lumabas kami para lang matuloy ko ang binabalak na isama siya sa darating na kasal ni Joey. Hindi niya alam na wala siyang pag-asa sa’kin. Hindi niya alam na ginagamit ko lang siya. Hindi niya alam na wala talaga akong nararamdaman para sa kanya. Hindi niya alam na pinapakinabangan ko lang siya. Basta ang importante, kahit papaano masaya na ako kasi siguradong may maihaharap na ako sa mga kaibigan ko. Inaliw ang mga mata na baka sakaling may magustuhan o may mabili. Sa bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan, napansin kong wala ang matandang laging kumukuha ng atensyon ko. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan na “What Is the Key to a Happy Life?” basta para sa aking masaya akong may maihaharap na ako sa kasal ni Joey. Hindi na ako mapapahiya. Iisipin nilang ayos na ako.

Sa kanto, kinalabit ako ng kaibigan kong si Mona. Siya ang nagpakilala sa akin kay Angelo, kaibigan niya ito. Nagbesohan kaming dalawa, nagkuwentuhan at kinamusta ang tungkol sa amin ng kaibigan niya. Noong una’y akala lang niya ay naghahanap ako ng kapartner kaya naipakilala niya sa akin si Angelo. Gayupaman bandang huli ay sinabi ko na  rin sa kanya ang tunay na pakay ko. Sinabi kong makikipag-date lang ako kay Angelo hanggang sa dumaan ang kasal ni Joey at sa huli’y babastedin ko na rin siya. Kinuwento ko ang buong dahilan kung bakit ako napunta sa ganu’ng sitwasyon. Subalit mas nanaig ang awa ni Mona para sa kaibigan niyang si Angelo kaya kinausap niya ako. Aniya sana ay h’wag kong paasahin si Angelo o kaya nama’y kausapin ko na lang sa gusto kong mangyari. Naputol na ang usapan namin dahil ako ay papaliko na sa kanan at siya naman ay papakaliwa.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko dahil sa sinabi ni Mona. Kung kanina ay masaya ako dahil may maihaharap na ako na boyfriend para sa darating na kasal ni Joey. Ngayon ay may halong lito at lungkot na; nalilito dahil hindi ko alam ang gagawin kay Angelo lalo pa’t patuloy na siyang umaasa at lungkot naman dahil naguluhan na naman ako. Alam kong mali subalit ayokong mag-isip sila ng iba tungkol sa’kin. Gusto kong ipakita na may mahal na akong iba at hindi na si Joey. Gusto kong maramdaman nila na masaya na ako sa piling ng iba.


Huwebes – July 10 / 7:28 p.m.

Pagkababa ng jeep galing sa kasal ni Joey, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo.
Habang papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip at patuloy ang pagluha ng mga mata. Sinusubukang kalimutan ang mga nangyari kanina.
Pagkarating sa itaas ng tulay, makikita ang dami ng tindang nakalatag na kasing dami ng tao kanina, na kasing dami ng kaibigan kong pumunta. Inaliw ang mga matang katatapos lang umiyak, baka sakaling makalimutan o hindi na muling tumulo pa ang luha. Sa bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan, natanaw ko ang isang batang babaeng nanlilimos na marahil anak ng matanda. Tinawag nito ang aking atensyon dahil inaawit niya ang, “Kung may pagkakataon na mayakap siya at masabi ko na mahal kita ama, awiting to ay alay ko sa’yo mahal na mahal, mahal kita o aking ama…” dahil dito muling lumuha ang aking mga mata na bago pa tumulo’y ihahanda na ang panyo para pamunas ng luha. Nakita ko ang karatula na patay na pala ang matanda na lolo pala ng bata. Doon lang nakatuon ang aking pansin hanggang sa ako ay lumiko sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan na “Where Can We Find Answers to Life’s Big Questions?” saan ko nga ba malalaman ang tamang sagot sa bawat tanong, sagot sa bawat gagawin kong  desisyon upang sa gano’n ay hindi na ako muling magkamali pa. Upang hindi na ako magsisi pa bandang huli.

Habang naglalakad sa kanto, naisip ko kung paano ako napahiya sa mga kaibigan ko. Una, dahil hindi sumulpot si Angelo sa usapan namin. Hindi maaaring hindi ako pumunta dahil nakabihis na ako, wala na akong nagawa.  Pumunta na lang ako kahit na sinabi ko kay Joey at sa mga kaibigan kong dadalhin ko ang boyfriend ko. Pangalawa, nagmukha akong tanga nang magwalk-out ako sa harapan ng mga kaibigan ko habang nagki-kiss si Joey at si Emily. Ang problema pa’y umiiyak ako sapagkat hindi ko na alam ang nadarama ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko napagilan ang dadamin ko. Marahil siguro’y hindi ko pa talaga maitatagong mahal ko pa rin Joey hanggang sa ngayon.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko dahil sa mga pangyayari. Hindi ko alam kung magpapakita pa ako sa mga kaibigan ko o kaya’y kay Joey. Hindi ko talaga nagustuhan ang mga kaganapan kanina sa kasalan. Ramdam ko pa rin na napahiya talaga ako. Ramdam ko ang bilis ng karma sa ginawa ko kay Angelo.
Pagpasok ng kwarto ay agad-agad akong nagpalit ng damit at humiga sa kama. Dito ko na binuhos ang kapighatiang nadarama ng puso. Mula sa sakit na dulot nang pagpapakasal ni Joey, hanggang sa pagkapahiya ko sa mga kaibigan, hanggang sa pagkawala ng taong nagmahal sa akin ng tapat ngunit niloko ko at sinaktan.Sabay may tumunog at may nagtext sa akin, si Angelo:
Jack, naiintindihan ko ang sitwasyon mong nasaktan ka dahil kinasal na ‘yung taong mahal mo o si Joey, pero sana hindi mo ako ginamit. Kasi masakit. Oo masakit. Masakit kasi umasa ako. Pasalamat na lang at sinabi sa akin ni Mona ang mga plano mong gawin. Pinaasa mo ako… akala ko’y magtutuloy-tuloy na ‘yung nasimulan natin, akala ko magiging tayo na at huli, akala ko’y hindi ka katulad ng iba, pero hindi pala. Tulad ka rin pala ng mga manloloko. Manloloko ka din pala Jack! Paasa ka… salamat ah! Salamat…

Biyernes – July 18 / 5:45 p.m.

Pagkababa ng jeep galing sa eskwela, makikita ang iba’t-ibang tao; may naghihintay ng masasakyan at may naghihintay para magsundo. Tulad nila, siguro nga’y dapat maghintay na lang ako sa taong magmamahal at magsusundo sa akin.
Habang papaakyat sa footbridge ako ay balisa; nag-iisip. Sinusubukang intindihin at tanggapin ang mga nangyari nitong mga nakaraan araw.
Pagkarating sa itaas ng tulay, makikita pa rin ang dami ng tindang nakalatag. Tulad ng mga nagtitinda dito sa footbridge, mahirap magtinda at makabenta kaya hangga’t maaari ang bawat kinikita ay gastusin sa tamang paraan. Parang pagmamahal ko kay Angelo, hindi man lang pinahalagahan ang pinagsamahan namin sa loob ng dalawang buwan. Ngayon ko lang naramdaman ang lungkot ngayong wala na siya. Hindi ko man lamang binigyang pansin ang bawat pagpapasaya sa akin. Inaliw muli ang mga mata, baka sakaling may magustuhan o may mabili. Sa bandang dulo ng tulay, sa pagitan ng mga hagdan. Wala na ang matandang nanlilimos at kumakanta, wala na tuloy nagbibigay aliw sa bawat dumadaan at nagtitinda sa tulay. Siguro nga’y mabilis alang ang panahon para paglaruan pa ang mga bagay sa paligid. Hangga’t maaga ay dapat matuto tayong magmove on, matuto tayong tumanggap at matuto tayong magpahalaga lalo na sa mga taong nagmamahal sa atin. Sa dulo ng tula, ako’y lumiko na sa kaliwa, pababa. Habang bumababa ng tulay, sumalubong sa akin ang isang lalaki na nakapolong puti na mahaba ang manggas, naka-necktie, nakaitim na pantalon at itim na sapatos. Iniabot niya sa akin ang isang polyeto na may nakalagay sa unahan “How Do You View the Yourself?” siguro nga’y ito muna ang dapat kong gawin. Tanungin ang sarili kung ano ba ang pagtanaw at kung ano ba ang pagtingin ko sa sarili ko.

Habang naglalakad sa kanto ay tumutugtog nang malakas ang Halaga ng Parokya ni Edgar, “May kwento kang pandrama na naman, parang pang TV na walang katapusan. Hanggang kailan ka bang ganyan, hindi mo ba alam na walang pupuntahan…minsan hindi ko maintindihan, parang ang buhay natin ay napagti-tripan. Medyo malabo yata ang mundo, binabasura ng iba ang siyang pinapangarap ko…” sa isang sari-sari store.


Pagpasok sa kwarto, agad-agad akong nagpalit ng damit. Binuksan ang kompyuter para mag-Facebook at nagpost ng isang quotes, “Bigyan mo ng HALAGA ang taong nagmamahal sayo ng totoo, bago pa siya magising sa katotohanang marami pang iba bukod sa’yo.”

‘Yvonne’

Habang nakatingin sa kalangitan,
may isang ibon na sa akin ay lumapit:
Siya ay maporma, makulay, at sadya’ng kaakit-akit.

Kinausap niya ako kahit hindi kilala, sinagot ko siya kahit na may halong pagtataka.
Pumatak ang bawat segundo at minuto: kami ay nagkakilanlan, nagkasundo.
Lumabis ang aming tawanan, kulitan, kuwentuhan at tuksuhan,
hanggang sa maging komportable ang kilos sa isa’t isa: naging magkaibigan.

Iba ang nararamdaman ko sa kanya, sapagkat iba ang bato ng bawat ngiti at mga salita niya.
Nakikinita ko na parehas kaming may pagtingin, na higit sa pagkakaibigan lang ang nais namin.

Dahil sa paglalim nang pag-uusap namin, isiniwalat ko ang intensyon na gusto ko siya.
Tinanong ko kung ayos lang ba na ako ang mag-alaga sa kanya,
sabay pinangakuan na bibigyan ko siya ng maraming pagkain at magarang kulungan.

Siya ay tumahimik, tumingin sa kawalan - sa paligid, marahil siguro’y nag-iisip.
Nagulat ako dahil hindi na siya kumibo at tuluyan nang walang imik.
Ang kaninang matanong at maingay na huni,
ngayon ay pinalitan na ng basag na katahimikan at tikom na tuka.

Walang pasabi bigla siyang bumwelo, ibinuka ang mga pakpak,
sinubaybayan ko ang kanyang paglayo,
Alam kong maling ikaw ay ibigin, O, patawad kaibigan, patawad!
Huwag kana sanang bumalik at dumapo pa sa puso ko, ibong iiwan lang pala ako ng ganoon kadali: may pighati.
Paalam Yvonne, paalam! paalam aking kaibigan hanggang sa muli…

at simula noon hindi na siya nakita pa.

Sabado, Agosto 23, 2014

Gay Lingo

Malaking halaga ang nagagawa ng wika sa tao dahil ito ang nagiging tulay ng bawat isa upang magkaunawaan at isa rin ito sa dahilan upang magkaroon ng matatag na lipunan. Gamit ang wika maaring mapa-unlad ng bawat indibidwal ang kanyang sarili, lipunan at pati na rin ang kultura ng isang bansa. Wika ang bumubuo sa tao at lipunan kung kaya’t mahalaga ang gampanin nito sa isang bansa upang makabuo ng iisang kultura. Ayon nga sa isang linggwista na si Henry Gleason, “Ang wika ay tumutukoy sa masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo na ginagamit sa komunikasyon ng mga tao sa lipunang may iisang kultura.”

Sa Pilipinas, marami nang naglipanang iba’t-ibang uri ng mga salita na lagi nating naririnig sa araw-araw hanggang sa mabilis na natin itong matutunan at kinalaunan ay matatanggap na rin natin. Isa sa karakarakang umusbong ay ang ‘Sward Speak’ o mas kilala natin sa tawag na Gay Lingo. Ang Sward Speak o Gay Lingo ay ang mga terminolohiya o salita na ginagamit ng lipunan ng sangkabaklaan. Sa panahon ngayon hindi kapansin-pansin na hindi na lamang basta beki o bakla ang gumagamit o maririnig nating nagsasalita ng kanilang lenggwahe kundi mapababae man o lalaki rin ay nakakaunawa at ginagamit na ito. Isa ang Gay Lingo sa malaking epektong nagpapabago sa kulturang wika ng mga Pilipino dahil marami na ang tumatangkilik dito lalong-lalo na ang mga kabataan.

Sa pag-aaral nito matutuklasan ang dating sinasabing “Lihim na Wika” na sa kasalukuyan ay mabilis at marami na sa atin sa panahon ngayon ay ang tumatanggap, ika nga nila ay ladlad na. Upang mas lalo pang mapalawig at mas maunawaan ay layunin nitong mapag-aralan ang kasaysayang nakapaloob dito at kung paano ito mabilisang lumaganap sa kalipunang Pilipino. Pangunahing maririnig natin ang mga salita ng Gay Lingo sa midya partikular na sa radio, telebisyon at lalong-lalo na sa Social Media (tulad ng Facebook, Twitter, Instagram) na karaniwan nang nangunguna sa pag-impluwensiya sa maraming kabataan. Isa ang Gay Lingo sa nagpapatunay na buhay at dinamiko ang wika sa Pilipinas na tulad nito ay nagbabago ang kahulugan, nag-iiba ang gamit at iba-ibang terminolohiya na dumdepende sa estado ng buhay ng tao ang paggamit ng wika. Layunin din sa pag-aaral nito ang pagtuklas sa kahulugan ng Gay Lingo, mga terminolohiyang kanilang ginagamit at kung paano ito nakakaapekto sa lipunan at sa Wikang Filipino, negatibo man o positibo.


Sa patuloy ng paglipas ng panahon hindi maiiwasang magbago ng wika dahil sa daming mga iba’t-ibang salita o termino na ang na-uuso, ngunit hindi na bago ito sa mga katangian ng wika. Ang wika ay dinamiko, ito ay nagbabago, ito ay buhay na patuloy-tuloy na magbabago sa paglipas ng panahon. Tulad ng Gay Lingo kahit na maraming tao ang tumatangkilik sa uri ng salitang ito, wala pa ring nabubuong diksyonaryo o kung ano mang permanenteng salita para sa isang bagay dahil buhay ito. Gayundin, walang pa ring katiyakang linaw sa kung ano ang katayuan nito sa makabagong lipunan ng Pilipino. Malaki ang iniiwang impluwensiya ng wika sa ating lipunan dahil maaari nitong mabago ang kultura ng isang bansa kung kaya’t nararapat na huwag basta-bastang hindi pansinin ang lumalaganap na suliranin sa Wikang Filipino.

Miyerkules, Agosto 20, 2014

Maskara

Reaction Paper: The Miseducation of the Filipino

Maskara

Ang mukha ng edukasyon, ito ang sandata ng isang tao upang makamit ang tagumpay na kanyang hinangad sa buhay. Ito ang sagot sa lumalaking kamangmangan at makamit ang tagumpay ng isang bansa.

Sa Pilipinas, ‘miseducation’ ang nangyari at hindi edukasyon noong panahon ng Amerikano, ngunit hanggang sa kasalukuyann nangyayari pa rin ito. Tulad na lamang sa mga paaralan, iba ang itinuturo sa elementarya at sekondarya dahil ang gobyerno na nakasuot ng maskara ang nagdidikta sa kung ano ang nararapat na ituro at ito’y sa pamamagitan ng DepEd. Hindi tulad sa kolehiyo lalo na sa UP, itinatanggal nito ang maskara ng bawat isko at sinasabing mali ang pagsuot nito, na hindi kailanman makakamit ang nasyonalismo at kaunlaran ng bansa kung patuloy na isusuot ito. Subalit sa UP pa lamang din ay makikita na, na nanaig pa rin ang mga mag-aaral at guro na nakasuot nito tulad na lamang ng mga estudyante at propesor na nagnanais ng Academic Calendar Shift, na sinasabing sa tulong ng pagsuot ng maskara makikita ng ibang bansa na kaya nating makipagsabayan sa kanila. Subalit paano makikilala ang Pilipino kung suot-suot pa rin niya ang maskara at hindi ipinapakita ang mukha sa likod nito.

Bukod sa demokrasyang itinuro, magaling rin ang mga Amerikano sa pagsuot ng maskara sa Pilipino dahil napaniwala nila noon na ito’y maganda at magagamit sa hinaharap ngunit ang hindi natin alam ay sa tulong nito nagagawa na nilang sakupin at mapasakamay na tayo. Sa kabilang banda, Isa pang patunay na dahil sa maskarang gamit, natatakpan ang bibig ng bawat Pilipino dahilan upang mahirapan tayong magsalita ng purong Filipino o tagalog. Habang nakasuot tayo ng maskara itinuturo bilang wikang panturo ang ingles sa atin dahil sinasabing mas bagay ang wikang ingles sa maskarang suot natin. Mas magiging mukhang kaaya-aya daw tayong mga Pilipino kung gamit ito at mas magiging mataas ang antas ng bawat Pilipino na magaling dito. Ngunit dahilan rin ito upang tayo’y mahirapan umintindi at magsulat sa wikang ingles maging sa wikang atin, sapagkat nahahati ang kaalaman natin. Hindi pa man tayo bihasa sa wikang atin, pinapasok na sa utak ng bawat Pilipino ang wikang ingles dahilan upang mas mahirapan tayo. Sinasabing ang ingles ang sagot sa kahirapan, kapag magaling ka sa ingles mas marami ang oportunidad ang naghihintay sa’yo. Kaya’t mas maraming Filipino ang nananabik matuto ng ingles kaysa sa wikang atin. Sa panahon ngayon, tulad ng ibang mga estudyante sa UP, mas marami ang tinatawag na “Conyo”. Sa UP din makikita na mababa ang tingin sa’yo ng iba kapag nagpahayag ka gamit ang tagalong/Filipino samantala matalino ka naman kapag magaling kang magsalita ng ingles.

Patunay na magpasahanggang ngayon patuloy pa rin na isinusuot ng bawat Pilipino ang maskara na ating nakuha mula sa mga dayuhang Amerikano na akala ng nakararami ay maganda ito sa paningin ng iba, na akala nila dahil dito ay uunlad ang bansa at pagkatao nila, ngunit ang hindi nila nakikita at nalalaman na may nakatago sa likod ng maskara na natatanging mukha ng Pilipino na wala at naiiba sa mga dayuhan, na siyang talagang magpapaunlad sa bayang pinagmulan. Ngayon, maling akala pa rin ang ating sinusundan, hindi pa rin natin naiisip ang oportunidad sa nasyonalismong matagal na nating dapat ginawa. Kayang makilala ng ating bansa kahit wala ang mapagsamantalang mga Amerikano na nagsuot sa atin ng maskara. Kayang makilala ang bawat Filipino kapag may sariling identidad at mukhang inihaharap. Tanggalin ang maskara at iharap ang tunay na mukha ng Pilipino, dito mahihinuha na hindi na pala natin kinakailangan na takpan ng maskara ang ating mukha dahil makakamit ang tunay na pagbabago sa pagtanggal sa mapaglinlang na maskara.

Ang Kagila-gilalas Na Paglalakbay sa St. Pio Chapel

Sulatin: Ang kagila-gilalas na paglalakbay sa St. Pio Chapel

Araw ng sabado. Napag-isipan kong sumabay sa aking mga kamag-aral sa KOM I na pumunta ng St.Pio Chapel. Saktong alasdos ng hapon ay umalis na ako ng aming bahay para hindi ako mahuli, magkikita kita kasi kame sa unibersidad ng 2:30 ng hapon sa National Institute of Physics. Taas ng sikat ng araw, ang init! Sabayan pa ito ng maitim na usok na binubuga ng mga sasakyan sa kahabaan ng commonwealth, nakakainis! Sumakay na ako ng jeep paphilcoa. Sa jeep… ako’y nagmasid tumingin sa mga pasahero at nagbayad sa driver “Bayad po! Philcoa lang..” tumapat ang jeep na sinasakyan ko sa St. Peter Parish, bilang isang katoliko ako ay nag sign of the cross… napansin kong ako lang ang nag sign of the cross tanong sa sarili ko “Ako lang ba ang katoliko dito sa jeep?” sabay lingon sa bintana, hindi na lang pinansin. Ako’y nagmuni-muni, pumasok sa aking isipan na ang jeep ay replika ng mundong ibabaw, iba’t-ibang tao, ugali, kasuotan, kultura, relihiyon, may mahirap at may mayaman. Naputol ang aking pagmumuni-muni ng makita ko na ang naglalakihang mga letra ng U.P Ayala Technohub, naghanda na ako sa aking pagbabaPara ho!”
Umakyat ako sa Footbridge. katulad ng pangkaraniwang araw, nandoon pa rin si Kuyang hindi nakakakita na may salamin, may mikropono at kumakanta ng OPM Song na may lata sa tabi at speaker. Hindi na bago sa akin ang mga taong araw-araw na nandoon dahil sa araw-araw din akong umaakyat ng overpass. Tanong sa sarili “Gaano kaya kalakas ang pananalig ng mga taong katulad ni Kuya? May Diyos pa kaya siyang pinaniniwalaan sa kabila ng mga pinagdadaanan niyang unos sa buhay?” Dedma na lang. nagmadali na akong bumaba sa hagdan dahil papuno na ang UP Ikot. Sumakay ng jeep at bumaba ng Vinzons Hall.  Sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan ang National Institute of Physics Building kung saan kame magkikita kita ng mga kasama ko. Sa ilalim ng init ng araw binaybay ko ang likod ng Math at Chem Building na turo sa akin ng mga kasama ko upang marating ang NIP. Ilang sandali lang ay nakita ko na silang dalawa. Sina Lawrence at Danica. Agad-agad kaming dumiretso na sa paglalakad at lumabas ng unibersidad patungo sa kahabaan ng Katipunan. At dahil sa pare-parehas kaming hindi alam kung paano pumunta doon, napagdesisyunan namin na magtaxi na lang.
Sa loob ng sasakyan, pumasok sa aking isipan na hindi pa ako gaanong komportable sa mga kasama ko. hindi ko pa talaga sila gaanong kilala. hindi ko pa alam kung paano sila pakikisamahan pero naisip ko na sa pagtatapos ng araw na ito ay sinisigurado kong magiging magkakasundo kami. Nagtanungan at nagpalitan kame ng mga impormasyon sa isa’t-isa hanggang sa unti-unti ko na silang nakikilala  at sa palagay ko matatapos ang aming paglalakbay na masaya. Binaybay lang ng sasakyan ang kahabaan ng katipunan hanggang sa makarating sa Eastwood at tinuruan na kami ni manong driver kung paano makikita ang simbahan na sinasabi namin. Binaba niya kame sa footbridge at doon namin nakita ang malaking Tarpaulin na may nakasulat “St. Pio Chapel”.
Wow! Ang linis ng paligid. Ang daming puno’t halaman at nagliliparang mga kalapati na para bang kame’y nasa paraiso. Sabayan pa ng hindi makabasag na katahimikan ng lugar. Teka? San nga ba ang papasok ng kapilya. Kaunti lang kasi ang tao kaya hindi namin alam kung saan maaaring pumasok, buti na lang may gwardiya at kami ay nagtanong. Bago buksan ang pinto ay bumungad sa amin ang mga karatulang nagsasaad ng mga bawal at pwede sa loob ng kapilya. Binuksan ko ang pinto. Dumampi sa akin ang lamig, airconditioned pala ang kapilya. Napakaganda sa loob. Nakaorganisa ang lahat. Sa totoo lang, hindi siya tulad ng pangkaraniwang kapilyang napupuntahan ko. Sabay basa “God in your goodness. You have made a home for the poor”. Ito ang nakasaad na sipi sa loob ng kapilya.
Habang nagpapatuloy kaming maglibot, nakatawag pansin sa akin ang kakaibang pintuan na para bang may hiwaga sa loob, para bang pinto sa mga palabas na kapag binuksan mo ay dadalhin ka sa ibang lugar. Binasa ko ang nakasulat “Sacred Place”. Wow! Mukhang nakakapagtaka kung ano ang nasa loob nito. Pagpasok sa loob. Totoo nga! Kakaiba siya… madilim ang kwarto, may ilaw, ngunit nakatutok ang mga ito sa bawat santo na andoon. walang ingay kang maririnig at mararamdaman mo ang kakaibang kabanalan sa loob ng silid na ito. Lumuhod ako sa Replika ni St. Pio na kung saan nakahiga siya sa isang salamin na ataul.
Lumuhod ako sa harapan…
Pinagdikit ko ang aking mga palad…
Pinikit ko ang aking mga mata…
At nagdasal ng taimtim…

Sa pagpikit ng aking mga mata, ramdam ko ang yakap sa akin ng panginoon at pagtanggap sa akin ni St. Pio, dahil ito ang unang beses ko na makarating sa kapilya niya. Habang nakaluhod humiling ako at nagpasalamat. Nilubos ko na ang pagkakataon na manalangin dahil sa kataimtiman ng lugar at para bang dalawa lang kame ng Panginoon na nandoon, magkausap. Ang sarap sa pakiramdam dahil walang nakakaagaw ng atensyon ko at ramdam ko ang kabanalan ng lugar na kung saan may hiwagang pumapasok sa aking damdamin.
Paglabas, nilibot muna namin ang kapilya. Kame nila Lawrence at Danica ay sobrang nagandahan sa lugar, para sa akin kung sakaling bibigyan ako ng pagkakataon mapadpad ulit sa lugar hindi ko palalagpasin puntahan ang kapilya ni St. Pio, dadalhin ko ang aking mga kapamilya at mga kaibigan. Pagkatapos libutin, parang may kakaibang tumutunog sa aking tiyan. Gutom na ako. Dumiretso kameng tatlo sa Eastwood kung saan malapit lang sa kapilya upang kumain at maglibot na din. Isang pagkakataon na rin ito para makasama at makilala pa ng lubusan ang isa’t-isa. Nakakatuwang kasama ang dalawa sapagkat habang kumakain.. nagkaroon ng kaunting talakayan patungkol sa “Wika at Lipunan”. Paglabas ng kainan, hindi namin namalayan na gabi na pala at kailangan na naming umuwi. Sumakay na kaming muli ng taxi papuntang unibersidad at doon tuluyan na kaming nagpaalam sa isa’t-isa.
Naglakad ako patungong central. Pumara ng jeep na pafairview. Tumingin ulit sa bintana.
Kataliko. Ito ang aking kinagisnang relihiyon. Naaalala ko pa na noong bata ako ay pinipilit ako ng aking Ina na uminom ng gamot. Iyong syrup na gamot na maalat at ang baho ng amoy, tulong pa sila ni Papa para lang makainom ako sa tamang oras Noong malaki na ako hindi na nila ako kailangan pang pilitin, kusa na akong umiinom. Parang sa relihiyon, katoliko ang kinagisnan ko at ito na rin ang itinatak ko sa aking isipan. sa kaugalian at papanampalataya.
 Nasa sa tao kung gaano kalakas ang kanyang paniniwalang may Diyos. Walang kahit sinoman ang magsasabi kung ano nga ba ang tama o mali at kung ano nga ba ang masama o mabuti tanging ang Diyos lang. Ang importante  sa buhay ay may Diyos kang pinaniniwalaan, magkakaiba man ang pananaw ng bawat relihiyon ang mahalaga ay kung paano ito isinasabuhay sa reyalidad, kung paano makikisama sa mga tao, kung paano siya magiging isang mabuting mamamayan sa lipunan na kanyang ginagawalan at sa kung paano niya mahalin ang kanyang kapwa. Iba-iba man ang pinaniniwalaanm, iisa pa rin ang naman ang hangarin ng bawat tao. Ang mamuhay ng matiwasay at may magkaroon ng pagkakaisa sa puso, sa diwa at sa gawa.

Sandali lang..  bababa na pala ako. “Para ho”
SULATIN: Pakikinig sa sarili at sa iba.

1.      Sino ako? Angkop ba ang kahulugan ng aking pangalan sa aking pagkatao? Ipaliwanag.
Ang aking pangalan ay Alvin De Guzman Santos kilala ako sa bahay namin bilang “Peter”. Pinalayaw sa akin ang Peter dahil mahilig raw akong manuod noon ng palabas na Peter Pan at dahil magkaparehas ang korte ng tainga namin. Samantala, ang etimolohiya naman ng pangalan kong Alvin ay nagmula sa basketbell player na si Alvin Patrimonio dahil noong taong pinanganak ako ay kasikatan iyon ni Patrimonio na idolo ng aking Ama kung kaya’t inihalintulad sa kanya ang aking pangalan.
Nasubukan ko na ring gumawa ng pananaliksik sa aking pangalan. Ayon sa aking pananaliksik nagmula ang aking pangalan sa Germany, ito ay isang German Baby Name na ang ibig sabihin ay matapat na kaibigan, mahal ng lahat, may tiwala sa sarili, kayang maging isang lider at kayang bumangon sa lahat ng pagsubok.
Kung tatanungin ko ang aking sarili, “Sino ba ako?” marahil sa pangalan, kaya kong sagutin ang tanong pero kung sino ako at sa kung ano ang pagkatao ko, masasagot ito ng mga taong nakakakilala sa akin nang lubusan at kung masagot ko naman ito, marahil nakabase ang sagot ko sa aking karanasan . Kung sa pisikal na kaanyuan angkop ang palayaw ko dahil parehas kami ni Peter Pan ng tainga at magkaparehas kameng masiyahin at maraming kaibigan. Kung sa totoong pangalan ko namang Alvin na ang pinaggayahan ay si Alvin Patrimonio na isang basketball player ay hindi angkop sa aking pagkatao na una sa lahat, hindi naman ako marunong magbasketball at hindi kame magkamukha at pangalawa, hindi ko siya idolo.
Masasabi ko lang na ang pangalan ko ay angkop sa aking pagkatao dahil marami akong kaibigan kaya siguro maraming tao ang nagmamahal sa akin. Malaki ang tiwala ko sa sarili dahil naniniwala ako na, kung kaya ng ibang tao kaya ko din. Ang panghuli ay kaya kong paulit-ulit na bumangon sa mga pagsubok na nararanasan ko dahil hindi ako makakarating sa punto na kung nasaan ako ngayon kung naging mahina ako sa mga nakalipas na suliranin na dumating sa buhay akin.
2.      Sino ang pinakagusto mong kaklase sa KOM I? ilarawan mo siya at ilahad ang mga kawili-wiling bagay na alam mo tungkol sa kanya.
Palma Hall 114, ito ang silid na aking tatakbuhin dahil huli na ako para sa una kong klase, ang Komunikasyon I. Nakakahiya! Pagpasok ko sa silid, isang bagong kaibigan ang naglakas loob na kumausap sa akin. Maikli ang kanyang buhok, may salamin sa mata, mapula ang mga labi at simple ang pananamit. Nagpakilala kame sa isa’t isa, nagkaroon ng konting kwentuhan at nagkataon na magkakilala kame, ng dati niyang kamag-aral.
Parehas kaming lumipat sa Unibersidad ng Pilipinas mula sa ibang unibersidad, galing siya sa Univesity of Sto.Thomas at ako naman ay Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Sa ngayon ay kasalukuyan siyang kumukuha ng kursong B.S Tourism Management, ganito din ang kinuha niya noon sa UST. Dalawang taon ang inilagi niya sa UST bago magdesisyon na lumipat sa UP, subalit nagkaroon ng problema. Kailangan niyang huminto pag-aaral. Isang taon bago muli siyang nakabalik.
Siya ay tubong Sta. maria, Bulacan. Dalawa lang silang magkapatid at siya ang panganay. Ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral sa Centro Escolar University, Malolos. Machine Shop ang pinagkakaabalahan ng mga Magulang niya samantala may hiwalay pang pinagkakakitaan ang Mama niya, nagtayo ito ng Aqua Quest. Siya ay naghayskul sa St. Paul, Bulacan, noong pumipili daw siya ng unibersidad na papasukan dalawa lamang ang pinagpipilian niya, ang De La Salle at Ateneo De Manila. Ngunit bigo siyang makapasa kaya napilitang mag-aral sa UST. Mahilig siyang manuod ng Telebisyon at kumanta ngunit hindi siya magaling.

Ang nakakatuwa sa kanya ay nang i-add ko siya sa Facebook, nalaman kong may anak na pala siya na hindi ko akalain dahil sa itsura niya. Walong buwan na ang kanyang anak, ito ang dahilan kung bakit napilitan siyang huminto noon sa pag-aaral. Esmund Luiz T. Cruz, ang pangalan ng kanyang anak samantala Edrick Cruz ang kanyang asawa. Mahirap daw sa una tanggapin lalo na sa kanyang mga magulang ngunit sa huli, wala pa rin naman daw magagawa ang mga ito kundi ang tanggapin. Sa ngayon, siya ay Japanese Tutor at ang Mama niya ang nag-aalaga sa kanyang anak para maipagpatuloy niya ang naudlot na pangarap. Para sa akin siya ay isang magiting at masipag na ina, mag-aaral at isang anak. Oo nga pala, bago ko makalimutan, siya ang paborito kong kaklase sa KOM I, Si Ate Guenieverre C, Talastas.

'Timawa'

Konsepto sa salitang ‘Timawa’

Malaki ang ginagampanan ng kultura at lipunan sa wika, sa katunayan hindi mo maipaghihiwalay ang tatlo sa kahit na anong aspeto.
Ang wika ay kabuhol na ng kultura, kung saan mas madaling makikilala ang isang tao sa pamamagitan ng pagtukoy kung ano ang wikang kanyang ginagamit. Sumasalamin sa salitang ginagamit ang kultura ng tao sapagkat malaki ang ugnayan ng dalawang ito. Yumayabong at nagbabago ang wika dahil sa taong gumagamit nito na kabilang sa isang lipunang may umiiral na kultura. Gayundin, ang kultura ay nabubuo at napepreserba dahil sa wikang gamit ng tao. (Carpio et  al., Komunikasyon Sa Akademikong Filipino. 2012)
Sa kabilang dako, pangunahing gamit ng wika sa lipunan ay ang pakikipag-ugnayan sa isa’t-isa o ang tinatawag na komunikasyon. Ayon nga sa kasabihan, No man is an island at samantalang sa awitin, “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang”. Nais lang ipahiwatig ng bawat salita na hindi maaring mabuhay ang tao nang nag-iisa lamang sa mundo kung hindi siya magkakaroon ng interaksyon sa ibang tao. Nabuo ang lipunan dahil sa grupo o lipon ng tao na patuloy na nag-uugnayan at nakikipagtalastasan. Kasangkapan natin ang wika upang magpatuloy ang sirkulasyon ng lipunan at magpatuloy ang ating pag-iral bilang tao. Kung mangyaring ang wika ay hindi natin gamitin, maari itong manganib at tuluyang mamatay. Samakatuwid nabubuhay ang wika dahil sa patuloy na paggamit dito ng tao sa komunikasyon. (Carpio et  al., Komunikasyon Sa Akademikong Filipino. 2012)
Sa ng paglipas ng panahon, sabay din na nagbabago ang wika at kahulugan nito. Isa sa kantangian ng wika ay ang pagbabago. Ang pabago-bago ng mga salita at pamamaraan ng pagbigkas ng wika ay isang uri ng katangian nito. Dinamiko ang wika. Pangunahing nagpapabago dito ay ang mga taong gumagamit ng wika at ang kulturang nabubuo sa lipunan.
Tatalakayin sa papel na ito ang Konsepto sa Salitang ‘Timawa’. Napili ko ang salitang timawa nang sabihan ng aking kapatid ang kanyang anak ng “Napakatimawa mo!” sapagkat nais pang kainin ng aking pamangkin ang pagkain ng kanyang ina gayong nakain na nito ang kanyang pagkain. Dito napaisip ako kung ano nga ba at saan nga ba nagmula ang salitang ‘Timawa’. Lagi kong naririnig ang salitang ito ngunit iba-iba ang pamamaraan ng paggamit ng mga tao dito. Ano nga ba ang orihinal na kahulugan ng salitang ‘timawa’ at saan nga ba nagmula ang salitang ito.
“Timawa ka ba?” Ano nga ba ang pangunahing pumapasok sa isipan ng isang indibidwal sakaling marinig niya ang katagang ito. Para sa nakararami ano nga ba ang kahulugan nito?
Sa aking pananaliksik sa salitang ‘timawa’, nagulat ako nang malaman na mayroon nang gumawa ng pag-aaral para sa salitang ito. Nabatid ko na parehas kame ng dahilan kung bakit niya napili ang salita nang mabasa ko ang kanyang tesis na ginawa para dito, ito’y dahil nais niya ring malaman ang ibig-sabihin at malalim na kahulugan ng salitang ‘timawa’. Si Nancy Kimuell ay nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas at nang kumuha siya ng kanyang masteral ito ang ginawa niyang tesis na marami ring lubusan na natuwa sa ideyang ito.
Sa pag-aaral ko sa konsepto ng salitang ‘timawa’, nagkaroon ako ng isang pananaliksik kung saan tinanong ko ang aking mga kakilala at ibang tao patungkol sa kung ano ang pangunahin kaisipan o ideya ang nabubuo sa kanila kapag narinig nila ang salitang timawa: Timawakatumbas nito ang pagiging patay gutom, mahirap, walang makain, masiba sa pagkain, sabik kumain, dukha. Marahil base sa aking pananaliksik ang salitang timawa ay negatibo ang kahulugan para sa nakararami o sabihin na nating ito ang tingin ng kasalukuyang Pilipino. Ayon naman kay kimuell, kung tatanungin rin ang mga nag-aaral ng kasaysayan kung ano nga ba ang timawa, mahihirapan silang sagutin ito.
Ano nga ba ang nakapaloob sa sinaunang kahulugan ng salitang ‘timawa’?
May malalim na kahulugan ang salitang timawa sa kasaysayan dahil ito ay isang matandang salita na mula pa dantaon 16 at posibleng mas maaga pa. Ngunit halos magkaiba ang kahulugan ng salitang timawa noon sa kasalukuyan. Isang patunay na ang kahulugan ng wika ay maari ding mabago sa paglipas ng panahon.     
Noong unang panahon, sa sinaunang pamayanang Pilipino, ang salitang ‘Timawa’ ay nangangahulugan ng “Malaya”. Nagpapatungkol ito sa panggitnang katayuan ng mga tao sa pagitan ng mga maginoo at mga alipin. Sa pangkat na ito nagmumula ang mga espesyalista sa lipunan katulad ng mga mandirigma, mangangalakal, panday, katalonan/ babaylan, manghahabi, mamamalayok, guro/paratabgaw.  Maginhawa ang kanilang pamumuhay at kagalang-galang ang katayuan na sadyang maituturing na malaya sa lipunan dahil hindi sila tulad ng mga aliping naipagbibili. Maaring kaugnay ng timawa ang salitang Malay na “Dyemawa o Jemawa” ng Bahasa Indonesia na nangangahulugan ng labis na pagpapahalaga sa sarili.
Dagdag pa dito, bago dumating ang mga kolonyalistang espanyol, laganap na ang hatiang maginoo-timawa-alipin. Bukod sa saray ng datu at pamilya’t kamag-anak nito, may katayuang alipin din na nagbabayad ng tributo sa datu, naglilingkod sa iba’t ibang kaparaan at may mga kasong naipagbili sila, naipapamana o naipagpapalit ng ibang kalakal. Sa gitna ng dalawang pangkat na ito ang isa pang grupo ng tao na inilalarawan bilang ang mga malalaya o timawa na hindi kabilang sa uri ng datu o sa uring alipin. May sarili silang lupang binubungkal; may karapatan silang mamili ng datung pakikisamahan, at maliban sa karaniwang gawaing pagsasaka, malakas na papel din nila sa komunidad ang pagiging mandirigma at mangangalakal. May panahon silang paunlarin ang kanilang kasanayan tulad ng paghahabi ng magagarang damit, pagpapanday ng ginto at pilak para sa alahas at mga dekorasyong pangkatawan at pantahanan, panday na kahoy para sa mga kabahayan at sasakyang pandagat, paggawa ng mga palayok na gamit ng komunidad at pangangalakal sa kalakalang internasyunal, bilang mga babaylan o katalonan na responsable sa buhay ispiritwal at pangkalusugan ng komunidad at bilang mga guro o paratabgaw/tagapagturo sa mga kabataan. P. 45
Ang “Katimawaan” ang taal na dalumat ng sangkapilipinuhan sa KALAYAAN. Kaugnay ito ng konsepto ng katubusan, kaginhawaan, kaligtasan, kasaganaan at katiwasayan. Dito mahihinuha na ang ibig-sabihan ng salitang timawa noon sa kasaysayan ay ang mga taong Malaya.
Ang ganitong pagpapakahulugan ay magbabago nang sakupin ng mga kastila ang Pilipinas. Bilang grupong panlipunan, maghihirap sila dulot ng mga imposisyong pang-ekonomiyang mapagsamantala. Pagbabayarin sila ng buwis , pagsisilbihan sa polo, aagawan ng lupa at dadayain sa hatian ng bunga ng produksyon agrikultural na pinakikinabangan ng mga mestisong tsino, uring principalia at mga prayle. Sa dantaon 20, iba na ang gamit at kahulugan para sa mga tao ng salitang timawa.
Kasunod ng pagbabago sa material na kalagayan at buhay ng lipunan, magbabago din ang pusisyon ng timawa sa lipunan. Babagsak ang pusisyon ng timawa dahil sa sistematikong pagsasamantala at pang-aapi sa kanila ng kolonyalismong Espanyol katulong ang mga lokal na principalia. Tatagpuin nila sa pinakamababang antas na ito ay tatawaging plebeyo, maglulupa, kasama at marami pang iba batay sa kinapapaloobang hanapbuhay pero sa pangkalahata’y nagpapatungkol sa mga dukha, walang lupa at walang piang-aralan. Sila ang tumatanngap ng makalahi at makauring pagsasamantala at pang-aapi ng nakapangyayaring uri ng lipunan. Kung sa mata ng dayuhan ay mga “tamad ng unggoy” at “asal-hayup” ang mga indio (sangkapilipinuhan), para sa mga elit, hindi ito totoo para sa lahat ng indio. Hindi kasama ang mga may pinag-aralan; mga timawa lamang ang asal-hayup, ang mga “mal-edukado”, ang mga “walang modo”. Ang pagbabago ng pagtingin sa mga timawa ay maipapaliwanag lamang sa pagbabago ng kabuhayan nila sa epekto nito sa kanilang kalinangan. P.15
Itutulak ng pagbabago sa kanilang material na kalagayan ang iba’t ibang pananaw at pagkilos. May mga timawang nakipagtulungan sa principalia, mga naging alalay ng kolonyal na opisyales, mga pumasok sa kolonyal na hukbo, mga katulong ng pari sa simabahan. Sa madaling salita, may mga timawang nakipagkasundo at naging mga katulong sa kolonyal na pangangasiwa at pagmamantini ng lipunan. P.15
Hanggang sa kasalukuyan, ang salitang timawa ay negatibo ang ibig-sabihin. Kapag ikaw ay mahirap, timawa ang pangunahin deskripsyon sa iyo. Gustong ipahiwatig nito na ikaw ay isang dukha, patay-gutom, hampas-lupa, asal-hayup, walang pinag-aralan, walang modo, pulubi, alila, katulong, swapang, masiba at buraot. Sa madaling salita ay busabos… ikaw ay ituturing na mababang uri ng  tao sa lipunan. Sa madaling salita, maraming tao na para sa kanila ang salitang timawa ay negatibo ang kahulugan.
Sa komunidad pangwika ng mga Tagalog at Bisaya, may mga ebidensya na nanatili ang taal na kahulugan ng salita bilang malaya/ kalayaan hanggang 1910. Subalit noong 1864, may lilitaw na ring ebidensya  ng pagkakaroon ng pangalawa at negatibong pang kahulugan ng salita na mananatili na hanggang sa kasulukuyan: dukha, busabos, mahirap pa sa daga, ganid, swapang, hampas-lupa, kadusta-dusta, hamak at kalait-kait. Nakasalalay ang pagbabago ng kahulugan ng salita sa naghirap nilang katayuan sa makauring lipunan. Kasama ng mga dating alipin na “titimawain” o “palalayain,” sila ngayon ang bumubuo ng pinakamababang uri sa lipunang kolonyal.
Sadyang masasabi natin na ang wika ay nagbabago dahil ito ay buhay. Patuloy ang pagbabago nito kasabay ng paglipas ng panahon, ang pagsubaybay sa pagbabago nito ay pagtuklas na rin sa natatagong kasaysayan nito.
Hinalinhan naman ng salitang kalayaan ang salitang katimawaan. May mga pahiwatig na nasa gamit ng ng balana ang salitang LAYA mula pa noong malaong nakalipas (Hal. Raha Laya noong dantaon 16; ilaya-iraya-idaya ng iba’t ibang grupong etniko; at mga apelyidong Laya at Malaya sa Catalogo ni Claveria noong 1849). Gayunman, noon 1864 matutunghayan ang salitang calayaan bilang biyaya ng Diyos, sa aklat-dasalan na isinalin ni Padre Mariano V. Del Pilar ng El Amor Patrio ni Dr. Jose Rizal. Unti-unti nitong hinalinhan ang salitang katimawaan (Sa pakahulugan kalayaan) sa gamit ng mga katipunero. Sabay na ginagamit hanggang 1910 ang katimawaan at Kalayaan (sa positibong kahulugan) kahit nina Del Pilar, Bonifacio, at Aurelio Tolentino. Subalit mula ikalawang dekada ng dantaon 20, mas madalas nang ginagamit ang kalayaan samantalang mas tumingkad naman ang negatibong kahulugan ng timawa. Tanging ang kapampangan lamang ang makakapagpanatili ng taal na kahulugan nito hanggang sa ngayon.
Sa kabisayaan, ang timawa sa kasalukuyan ay mga magsasaka, magbubukid, at sa pangkalahata’y lahat ng maralita. Sa mga tagalog, ang timawa ay nangangahulugan ng dukha, alilang-kanin, patay-gutom, hamak kapus-palad, at kalait-lait.
Ang kasaysayan ng timawa ay kasaysayan ng mga taong ginawang busabos sa sariling bayan ng mga dayuhan sa pakikipagsabwatan ng mga local na mapagsamantalang uri. Ang SANGKATIMAWAAN ay ang SAMBAYANANG PILIPINO – ang TAUMBAYANG pinagsasamantalahan na madalas ding tinatawag na ANAKPAWIS, BAYAN, MASA at minsang tinawag pa ngang HARING BAYAN ni Andres Bonifacio.
Sa pagbabago ng wika, ito ay maaring magpalit ng anyo (alterations of the old material of language) o kaya’y pagbabago ng salita pero pareho pa rin ang kahulugan. Dalawang klase ang nakapaloob dito sa huli. Una, maaring nagbago ang pagbigkas (Utterd form) at ikalawa, maaaring nagbago ang nilalaman (content) o pagpapakahulugan (signification). Ang dalawang ito’y maaaring umiiral nang hiwalay (independently) o sabay (in conjunction). (Nerlich, Whitney. P.112) Sa salitang timawa makikitang nananatili pa rin ang salita ngunit nagbago ang kahulugan o mas napatingkad ang bagong kahulugan (dukha). Ito ay nagkaroon ng dalawang kahulugan ang Malaya, na nakapaloob sa kasaysayan at ang kasalukuyang namamayani sa nakararami, ang dukha.
Sa pag-aaral sa konsepto ng salitang timawa sadyang makikita ang pagbabagong naganap mula sa  orihinal na kahulugan hanggang sa transisyon nito sa kasalukuyan. Unti-unti nang namamatay ang timawa na ang ibig sabihin ay Malaya/kalyaan, samantala mas kilala na ang timawa sa kasulukuyan bilang dukha, walang modo at busabos. Mapapatunayan na ang wika ay dinamiko, ito ay nagbabago depende sa paggamit ng tao. Sa lipunang Pilipino, maipahihiwatig na ang wika ay maaaring mamatay at tuluyang mawala ang salita o kaya’y mananatili ang isang salita ngunit mababago ang ibig sabihin nito.
Sa tanong na, “‘timawa’ ka ba dahil ikaw ay sabik sa pagkain at nanggaling sa mahirap na pamilya o ‘timawa’ ka dahil nais mo lang ng katimawaan?” maaari mo ng sagutin ang mga ito dahil alam mo na kung ano ang ibig sabihin ng ‘timawa’ sa kasaysayan at kung ano ang kahulugan nito sa kasalukuyan.



Sources:
·         (Carpio et  al., Komunikasyon Sa Akademikong Filipino. 2012)
·         Gabriel, Nancy Kimuell. TIMAWA: Kahulugan, Kasaysayan at Kabuluhan sa Lipunang Pilipino. Abstrak. Abril, 2001
·         April M.S Memahon, Understanding Language Change (Great Britain: Cambridge University Press, 1995). Unang limbag: 1994, pah. 8.

·         Nerlich, Whitney. P.112