Apokalips


Ipinapakita ang mga post na may etiketa na poverty. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na poverty. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Agosto 20, 2014

Kwentong OFW


REFLECTION PAPER: Globalizing National Domesticity: Female Work and Representation in Contemporary Women’s Films


Noong bata pa lang ako kapag ang kalaro ko sinasabi niya, nang payabang, na ang Tatay niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa, naiinggit ako! Naiinggit ako kasi ang pagkakaintindi ko doon ay mayaman sila dahil nasa ibang bansa yung magulang niya. Sabayan pa kasi ito ng pagmamayabang niya sa mga laruan niya na galing pang ibang bansa at mga nagtatamisang tsokolate (binibigyan naman niya ako). Subalit habang ako’y lumalaki naging iba ang pananaw ko dito at nalaman ko na ang tawag pala sa mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, na tulad ng sa kalaro ko ay “Overseas Filipino Workers” o mas kilala sa tawag na OFW.

Sa aking paglaki, maraming katanungan ang pumapasok sa aking isipan kapag naririnig kong sinasabi ng iilan na ang OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.

Madalas nating napapakinggan sa mga radyo, napapanood sa telebisyon maging sa mga commercials pa nga o nababasa sa mga pahayagan na ang mga OFW daw ay mga bayani. Sa paanong paraan natin masasabi na sila ay mga bayani? Bakit nga ba tinuturing ng nakararami sa atin ang mga “Overseas Filipino Workers” na mga bayani? Para sa aking pananaw, pumupunta sila sa ibang bansa para sa sarili nilang interes o kapakanan. Nagsasakripisyo sila para iangat nila ang kanilang buhay. Kumita man sila ng malaki ay para rin sa sarili nilang kapakanan at sa pamilya nila. Kung magpadala man sila ng pera dito sa Pilipinas ay hindi dahil sa gusto nila kundi kailangan ng pamilya nila. Bayani bang maituturing ang mga ito pagkatapos nilang piliing mangibang bansa para doon magtrabaho? Paano naman yung mga Pilipino dito sa ating bansa, mas pipiliin pa ba nilang pagsilbihan ang mga tao sa ibang bansa kaysa sa mga kalahi nila? Bayani ba ang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanyang pamilya at hindi naman talaga para sa bayan? Marahil para sa iba nakakainis ang ganito kong pananaw, pero hindi rin nila maiaalis sa ibang tao ang mag-isip ng mga ganitong klaseng kaisipan.

Sa totoo lang ay walang OFW sa pamilya ko. Siguro isa rin ito sa dahilan kung bakit labis akong naguguluhan sa kung ano nga ba ang gampaning kinahaharap ng isang OFW sa bansa at sa kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon kasabay nito ang pagbabago ng aking pananaw patungkol sa OFW. Ayon sa aking pagkakaalam kaya’t tinuring na bayani ang OFW dito sa ating bansa ay dahil sa mga salaping kanilang ipinadadala o remittances dito sa Pilipinas, tumutulong ito sa pagpapatatag ng ating pambansang ekonomiya. Malaki ang tulong na ibinibigay ng mga OFW sa ekonomiya, kaya’t sila ay binansagan bilang mga "Bagong Bayani" ng bansa. Ito pala kung bakit… kung bakit naging bayani ang mga OFW, pero para sa akin hindi ito sapat na basehan at hindi rin ito ang nagpabago sa aking pananaw. Isang beses nang mapanuod ko sa Facebook ang isang Coca-cola Commercial Sabi doon, “More than 11 Million Filipinos have left their families to find better opportunities abroad” Inilahad doon ang iba’t-ibang karanasan at dahilan ng mga OFW kung bakit sila nangibang bansa… at dito ko mas labis naunawaan ang kanilang dahilan at dito rin masasabi na sila nga ay tunay na bayani.

“Ang pinakamahirap maging OFW ay ‘yung mapalayo ka sa pamilya mo, hindi ako nakauwi ng matagal kasi yung father ko may sakit. Hindi siya nakakakita, ‘yung perang pangbakasyon ko… ipapadala ko na lang sa kanila para panggamot niya..” - Joe Marie Ballon (X-Ray Technologist)

“Pagwinter ay ang hirap, kaya kahit masama ang pakiramdam mo ay pipilitin mong bumangon… Hindi ako basta makauwi kahit gusto ko kasi mayroon akong binabayarang bahay buwan-buwan at ang aking mga anak lahat sila sa aking umaasa” – Leonie Villanueva (Caregiver)

“Malungkot…kasi ako lang mag-isa eh. Hindi ko nakita yung bunso ko na iniwan ko, eh isang taon lang siya – Joey Doble (Baby Sitter)

Ilan lang ito sa mga makabagdamdaming mga paglalahad ng mga OFW na ikinapanayam ng Coca-Cola sa kanilang commercial. Nalungkot at marami rin akong narealize pagkatapos mapanuod ang commercial na iyon. Pinost ko ito sa aking Facebook. Maraming naglikes, nagshare at nagcomment. Marami sa mga nagcomment ay yung mga taong nakaranas at nakakaranas mahiwalay sa mga taong mahal nila. Sabi ng iilan sa mga kaibigan ko, mas malulungkot at mas maiintindihan ko daw ang ibig-sabihin ng Commercial na iyon kung sakaling mangibang bansa at mapalayo ako sa aking pamilya. Napa-isip ako… Sa bagay, mahirap nga naman talaga mapalayo. Noong Tourism Student ako ay ramdam ko ang pagkangulila ko sa aking pamilya habang ako ay nasa malayong lugar. Hindi ko maiwasan noon na isipin sila Mama, Papa at yung mga kapatid ko. Pumasok rin sa isip ko na sana balang araw ay makasama ko rin sila sa paglalakbay ko. Madrama, pero sadyang nakakalungkot kapag andoon kana sa gano’ng klaseng punto.

Marahil para sa mga pamilyang may mga nagtatrabaho sa abroad masasabi nilang bayaning maituturing ang OFW. Bayani dahil sa sakripisyo nila. Bayani dahil siguro mahirap nga naman ang mabuhay ng wala sa piling ng mga taong mahal mo sa buhay. Bayani dahil sila ang nagtataguyod sa pamilya para makapagpadala ng pera. Bayani dahil pinagsisilbihan nila yung mga taong hindi nila kalahi o kamag-anak o kapamilya at Bayani dahil hindi biro ang trabahong ginagawa nila.

Noong nasa ika-apat na baitang ako sa hayskul, gumawa ako ng isang maikling kwento sa aking blog patungkol sa isang OFW ang “Ang Pakikipagsapalaran ni Juana” isang kwento ng isang ina na napilitang mangibang bansa upang matustusan ang pangangailangan nang panggamot ng kanyang anak na may sakit sa puso… (malamang babae ang ginamit kong bida para mas nakakaantig ang kuwento tulad lang ng sa mga pelikula) dahil may problema sa papeles ang kanyang asawa kaya siya ang napilitang umalis at pumunta ng ibang bansa. Pinahirapan siya sa ibang bansa at bukod pa dito ay labis ang kalungkutang kanyang nadama. Doon, napagtanto niya at ng kanyang pamilya na mas masayang magsikap at magtrabaho sa Pilipinas dahil mabilis ngang kumita sa ibang bansa, e doble naman ang pahirap at kalungkutang mawalay sa sariling pamilya.

Marahil para sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, lalo na yung mga nakatapos sa magagandang unibersidad ay madali lang makakuha ng trabaho sa Pilipinas na kung saan hindi na nila kailangan pumunta ng ibang bansa dahil pagdating sa pag-aapply mas angat ang mga nakapagtapos, sa hindi at mas angat ang nakatapos sa magandang unibersidad, kaysa sa mga unibersidad na hindi kilala. Ito ay masasabi kong pangkaraniwan na sa ating mga Pilipino, isang paraan kung saan mali ang pamamahala at hindi pagbigay ng labis na ekwalidad. Nakakalungkot dahil mismong ang mga Pilipino ang dahilan kung bakit nagagawa ng kapwa natin mangibang bansa at magsilbi sa ibang bayan.

Sa usapang ekwalidad. Ekwalidad sa lalaki at babae, marahil isang katakataka rin na halos bumibida sa iilang pelikula ay mga babae. Sadyang pagdating sa mga pelikulang Pilipino, talagang mas ginagamit ng direktor ang mga babae pagdating sa pagtatrabaho o pangingibang bansa, marahil sila ay mahina pagdating sa mga emosyonal na bagay, sa mga pangpisikalang bagay at sa marami pang bagay na talaga naming sila ay mahina. Kung kaya’t ito ang ginagamit sa mga palabas.

Gaya ng aking Ina na nagtatrabaho para sa akin, upang ako’y makapagtapos ng pag-aaral. Para sa akin ay gusto ko na siyang patigilin sa kanyang pagtatrabaho ngunit hindi ko rin kayang masabi dahil alam kong para din sa akin ang ginagawa niya. Kita kong hirap siya sa pagtatrabaho sapagkat alam kong hindi niya pipiliin na magtrabaho, na alam kong mas gusto niyang pagsilbihan kaming mga anak niya na tulad lang ng pangkaraniwang Ina na nag-aasikaso sa kanyang mga anak o sa kanyang pamilya. Ngunit gayun pa man alam kong darating din ang panahon na masasabi kong “Ma, h’wag ka nang magtrabaho… ako na lang ang magtatrabaho” Hindi man ngayon pero pipilitin kong mangyari iyon.

Wala man sa pamilya namin ang nagtatrabaho sa ibang bansa o wala man akong kamag-anak na OFW, pero dama ko kung ano ang nararamdaman ng mga taong may kamag-anak o kapamilya na OFW. Natutuwa ako sa kadahilanang dahil lang sa pagtataka kong “OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.” Natuklasan ko, hindi lang ang sagot kung bakit, ngunit pati ang istorya sa likod ng mga paghihirap ng mga ito. Masasabi kong bayani silang maituturing kung sa pamilya pagbabasehan. Nasagot man ang tanong ko pero hindi pa rin ako kumbinsido kung sa buong bansa maituturing silang isang bayani. Ikaw ba, para sa’yo? Ikaw na ang humusga kung maituturi nga ba ang OFW na isang bayani ng isang bansa o ng isang pamilya lang.

Lunes, Hulyo 29, 2013

Vendor: Si nanay Lucia, ate Jopay at Ako.


Namumula ba ang mata mo dahil sa sikat ng araw? O puno ba ng kulangot ang ilong mo dahil sa polusyong binubuga ng mga sasakyan? E kamusta naman yung bibig mo na pagod na sa kakasalita ng “Bili na po kayo!”? Sa tingin mo ba kung vendor lang ang trabaho ng magulang mo, mapagtatapos ka nila? Gaano ba kahirap maging mahirap? Sino ba ang dapat sisihin sa maraming naghihirap? Gobyerno? Ang Diyos? Sino nga ba?

Mga katanungang lumilipad sa isipan ko habang ako’y naghahanap ng  taong makakapanayam. Isang matandang babae ang pumukaw at tumuwag ng aking  pansin. Siya ay may katabaan ang pangangatawan, hindi mahaba ang kanyang buhok na halos parang panglalaki ang gupit, ito ay itim, na para bang pinakulayan sapagkat tumutubo na ang puti sa ilalim, mga matang namumula ang gilid pero sumasabay pa rin ang kislap ng mga ito sa pagsinag ng araw, hindi gaanong kapanguan ang ilong, bilugan ang mukha na may matatabang pisngi at labi na may matatamis na ngiti.

Ganito ko mailalarawan si Aling Lucia Bulan, 65 na taong gulang, dalawampung taon na siyang vendor, nagtitinda ng dyaryo, tinapay, candy at nagpapaload din, basta mga sari-saring paninda. Natagpuan ko siya sa kahabaan ng overpass ng Edsa sa tapat ng SM North, sa araw-araw niyang pagbebenta doon mahigit 500 lang ang kinikita niya sa isang araw, depende pa ito. Kapalit nang pagtititis ni nanay Lucia ang paglanghap ng makakapal na usok na binubuga ng mga sasakyan, pawis sa maghapong pagbabantay sa ilalim ng araw at pagod na mga matang gusto nang magpahinga.

Tubong Leyte si nanay Lucia, laking gulat ko ng sabihan niyang tapos siya ng Tailoring pero mahirap na daw maghanap ng trabaho sa probinsya noong mga panahon niya, kaya’t  nakipagsapalaran siya dito sa Maynila at dito na lumaki, dito na rin nakapag-asawa. Mahirap ang lagay ko habang nakikipagpanayam ako kay nanay Lucia sapagkat may problema na ang kanyang tainga, hindi na siya gaanong nakakadinig ng maayos kung kaya’t tinutulungan ako ng kasama niyang babae upang lubos kameng magkaunawaan.

Balingkinitan ang katawan, hindi katangusan ang ilong ‘di rin kapanguan tama lang para sa kanyang mukha, nakapusod ang buhok, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at maborloloy ang katawan. Siya si ate Jopay, hindi niya totoong pangalan, pamangkin ni nanay Lucia, ayaw niyang magpakilala at ayaw niya ring siya ang interbyuhin ko. Sinabi ko baka mahirapan akong makipagpanayam kay nanay kaya siya na lang, pero ayaw niya talaga, si nanay Lucia na lang daw at tutulungan na lang niya ako para lubos kameng magkaunawaan ni nanay Lucia. Nirespeto ko ang desisyon ni ate Jopay, marahil may rason siya kung bakit ayaw niya.  

Wala ng asawa si nanay Lucia, vendor din ang hanap-buhay ni tatay bago pa ito noon pumanaw, sabay silang nagtitinda upang makaraos sa pang araw-araw at makapagtapos ang kanilang anim na anak. Para kay nanay, ito ang pinakamatinding problemang ikinaharap niya sa buhay, ang mamatay ang asawa dahil nangailangan sila noon ng malaking pera para sa dayalisis at gamot ni tatay. Lalo akong bumilib ng malaman kong lahat ng anak ni nanay Lucia ay nakapagtapos na nang pag-aaral, lahat pa ito ay lalaki. Ang panganay ni nanay ay isa ng ganap na Pharmacist, dalawa ang nakapagtapos ng Information Technology o I.T., ang isa ay programmer, ang isa ay titser at ang bunso ay nakatapos ng management course.

Hindi ko sukat akalain na sa pagtitinda-tinda ni nanay Lucia ay nakapagpatapos na siya  ng anim na anak, kasabay nito ang pagtanong ko sa kanya, “Bakit pa po kayo nagtitinda sa bangketa? Bakit hindi na lang kayo magpahinga sa bahay tutal lahat ng anak po ninyo, e mga propesyunal na?”, Ang sagot ni nanay Lucia sa akin, itong pagbebenta sa bangketa ang pinagkaabalahan nila noon pa man kaya hindi na niya ito maiwan iwanan at pinagbibigyan na lang siya ng mga anak niya na gawin ito dahil ayaw na ring niyang magpapigil, walang magawa ang mga anak niya kung kaya’t sinasamahan na lang siya ng kanyang pamangkin at kung minsan ng kanyang anak. Sabi ni Ate Jopay, dahil nabibingi na rin daw si nanay Lucia kung kaya’t medyo hirap na siyang magbenta kaya’t sinasamahan na lang nila ito.

Ayon kay ate Jopay, sobrang bait talaga ni nanay Lucia, palangiti pa ito. Nakita ko kung gaano kasayahin si nanay Lucia, tinanong ko siya kung ano ang motto niya sa buhay… Nagtawanan ang dalawa sabay sabing, “To see, is to believe”. Habang nag-uusap napunta na ang pakikipagpanayam ko kay ate Jopay, marahil dahil pagod na rin si nanay Lucia kaya halos kame na lang ni ate Jopay ang nagkausap.

Kasalukuyang Propesor si ate Jopay sa isang pampribadong unibersidad sa maynila, English ang subject na tinuturo niya, Oo, tapos siya ng Teacher.  Magaling at matalinong mag-isip si ate Jopay, malalaman mo talaga sa isang tao kung paano siya sumagot sa mga tanong. Gaya ni nanay Lucia, masayahin at mabait si ate Jopay.

Tinanong ko si ate Jopay kung mayroon pa siyang gustong makamit sa buhay tutal natupad na niya ang kanyang pangarap na maging isang ganap na guro. Sagot sa akin ni ate Jopay “Kung sa Propesyon lang ang pag-uusapan, tapos ko na ang pangarap na gusto kong marating, pero kung sa estado ng buhay hindi ko pa o namin ng mga kapamilya ko  naabot yun. ‘Yun ay ang umangat ang buhay mula sa kahirapan..”. Natuwa ako sa sagot ni ate Jopay, hindi ko lubos maisip na ang mga taong dinadaanan ko sa araw-araw na mga nagtitinda sa bangketa o sa overpass o sa kung saan-saan, e akala ko mga tindera lang talaga, ‘yon pala may mga kanya kanyang istorya o kwento ang buhay nila.

Dito napaisip din ako at naalala yung sinabe ng guro ko noong nasa ikatlong baitang sa hayskul, “Don’t underestimate people, because they have their own story and they can soar high” Dapat maging pantay pantay ang pagtingin natin sa mga taong nasa paligid natin, hindi porket gano’n lang ang trabaho nila, e wala na silang alam.

Tuloy pa rin ang pag-uusap namin, hanggang sa humantong ako sa tanong na, minsan na kayang sinisi ni ate Jopay ang Diyos sa pagiging mahirap niya. Natuwa naman ako sa matapat na sagot ni ate Jopay dahil sabi niya sa akin “Oo naman! Madalas kong nasisisi ang Diyos lalo na kapag walang wala na ako at yung pamilya ko, tinatanong ko sa kanya kung bakit mahirap lang kame? Kung bakit buti pa yung iba mayaman at kame mahirap? Kung bakit kame pa yung mahirap? Gano’n..”  Maganda ang pananaw ni ate Jopay sa buhay, sadyang kahanga-hanga ang mga sagot niya sa tanong ko. Nakakatuwa dahil siya at si nanay Lucia ang nainterbyu ko.

Sunod na natanong ko kay ate Jopay, E sino ba ang dapat sisihin sa pagiging mahirap? Gobyerno ba? O yung Diyos ba? Sino para sa iyo? Mas lalo akong humanga ng sinabe niyang “Ang tao talaga ang dapat sisihin, sarili niya dapat ang sisihin niya kung bakit siya mahirap, dahil ang tao ang may hawak sa kapalaran niya. Nandiyan ang trabaho, maraming opportunidad jan, nasa tao kung paano siya magsisikap at kung paano niya gustong makamit yung estado ng buhay na pinapangarap niya” Parang hindi isang tindera ang nakakausap ko nung mga oras na iyon kaya sobrang dame naming napag-usapan dahil natuwa akong kausap ang magtiyahin..

Pagkatapos ng ilang katanungan bumili ako ng mga tinda ni nanay Lucia at ate Jopay para ito na rin ang kapalit sa pagiinterbyu ko sa kanila. Si ate Jopay na rin ang nagkuha ng litrato sa amin ni nanay Lucia, nakipaghiwalay ako sa dalawa ng may ngiti, gayun din naman sila at sabay sabi ko “Nay at ate Jopay, babalik na lang po ako sa inyo kapag napadaan ulet ako dito o kaya pag napadpad ako sa SM North… Marami pong salamat!” Natuwa ako sa ginawa ko at natuwa ako sa mga nalaman ko. Marami akong natutunan sa kanila at malaki rin ang natulong nila sa akin, hindi lang para sa asignatura ko pero sa pananaw ko na rin sa buhay.


Ikaw? Paano mo pagkakasyahin ang 500 na kinikita mo sa araw-araw para anim na anak? Alam mo na ba kung paano maglaro sa kahirapan ng buhay? Alam mo na ba kung sino ang dapat sisihin sa naghihirap na mga Pilipino? E kamusta naman yung prayoridad mo bilang tao? Marunong kana ba rumespeto ng kapwa? O isang tanong na, Gaano ba kahirap ang maging isang mahirap…..

Miyerkules, Mayo 30, 2012

Minsan may Isang Puta

[ REPOSTED ] -- Mike Portez-Borromeo
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.

Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo, virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi ko maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas palad ko naman silang pinakitunguhan, ni hindi ko nga itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi di sila taga rito kaya siguro talagang ganoon.

Tatlong malilibog na foreigners ang nagpyesta sa katawan ko. Sabi nila na-rape daw ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan.

Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. May mga pagkakaton na nasusuka na ko sa mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason ako.. Gusto ko mang umayaw, hindi ko makuhang humindi. Hindi ko din alam kung bakit. Ibang klase din kasi siya mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga naging anak ko.

Alam mo, parating ang dami naming regalo – may chocolates, yosi at ano ka! May datung pa! Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit niya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!

Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami! Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay.

Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Palayasin ko na daw. Taon ang binilang bago ako natauhang makining sa payo. Iniisip ko kasi na parang di ko kakayanin na mawala siya sa akin… Sa amin! .

Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang demonyo pero ang hirap magsimula. Hindi nga ako sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa. Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya, kaya eto nabaon kami sa utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang yata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.

Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, kapit sa patalim sabi nga nila. Para akong isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag nangangailangan.

Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at humahalina ay nabibili sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita ng mga anak ko, na masasandalan nila ako maski ano pang mangyari.

Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali ako.

Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos di na kami makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka di na nila ako balikan o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat para sa kanila.

Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag-usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw pa.

Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay di kami naging isang pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isa’t isa. IIlan ang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?

Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong may mga pinag-aralan pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno nanggaling ang kasikiman ng ilan sa mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin. Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos mamatay sa hirap ng buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at walang pagmamalasakit.

Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko. Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang nakakalula ang materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko maintindihan.

Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang linggo pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin. Gagamitin pa nila ang kahinaan ng mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may magtanggol naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: “Ina ninyo ako! Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!”

Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating nag-usap, di man lang ako nagpapakilala.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.

_____________________

Gusto ko lang pong linawin na hindi po ako ang nagsulat nito,this is by Mike Portez-Borromeo.Shinare ko lang po para maraming makabasa sa sinulat niya:)

Huwebes, Mayo 05, 2011

"PERLAS NG SILANGANAN"

" PERLAS NG SILANGANAN " 
      photo by : Alvin Santos


Isang umaalab na pag bati ng kalyaan sa bansang Pilipinas sa darating na ika labindalawa ng Hunyo dalawang libo labing isa.  Isang pag alala sa mga nag buwis ng buhay para sa kalayaan ng bansang Pilipinas sa kamay ng mga imperyalismong dayuhan, at marapat nating ituloy ang pakikipag laban sa kalayaan sa makabagong panahon ng pananakop sa ilalim ng mapang aping sistema at pamumuno ng mga ilang tao ganid sa kapangyarihang politikal. mapang api at opurtunista sa maliliit na mamayang Pilipino. ipagbunyi at taas noo na ipagmalaki ang dugong nananalaytay sa ugat ng tunay na Pilipino na may pagmamahal sa inang bayan. Ang dugo na may agimat na kailan may di padadaig kanino man at handang magbuwis ng buhay para sa inang bayan at ipagmamalaki ang kulay ng pula dilaw at bughaw na may tatlong bituin at araw saan mang sulok ng mundo. Mula sa mga tao na may tikom na kamao at tunay na nakikibaka sa maliwanag na usapin ng kaunlaran sa bawat isang Pilipino, isang bansang nagkakaisa at kailan may di mahahati ng walang pag iimbot at pagdududa na kaya ng Pinoy kahit kailan kahit saan…


Asul,pula,dilaw at puti ... 


Kulay nq bandila , watawat na sumisimbolo sa isang bansa, bansang tinatawag na Pilipinas, Pilipinas na mas kilala sa tawaq na " Perlas nq silanqanan ". Hindi natin matatawaq anq Pilipinas na Perlas ng silinqanan at wala rin tayonq tatawaqinq "ARAW NG KALAYAAN/INDEPENDENCE DAY" kunq hindi ito nakaligtas sa kamay nq mqa mananakop/dayuhan.

Sabado, Abril 30, 2011

Gamutin mo Pilipino si Pilipinas.

          Gamutin ang ang naghihihkahos na Pilipinas, Kaya ba?

           Mabahong kanal na puno ng nagbabarahang basura, nagbubuhulang kuryente na animoy supot ng gagamba, lubog sa utang, magkakalahing nagpapatayan, maraming drug pushers, adik, holdaper, namamalimos na bata na dapat sa skwelahan tumutungo, nawawalan na ng magagaling at batikan, mga lalaki at babaing walang maayos na trabaho, kurakot na pamahalaan, lumulobong populasyon at lumalalang polusyon ..

             Ilan lamang ito sa mga katangian ng ating mahal na Pilipinas kung aking ilalarawan, Ngunit sa tingin ba natin Mahal na maituturing ang Pilipinas kung sa kalagayan nitong naghihirap at nangangailangan ng kaunlaran, hindi lingid sa ating kaalaman na tayong mga Pilipino rin ang may gawa sa nangyayaring ito. May pag-asa pa kaya ang Pilipinas sa lumalaking krisis ng bansa, sa tingin ba natin malulutas pa ang mga suliraning ito ?

             Mabahong kanal na puno ng nagbabarahang basura. Kung may disiplina lang ang mga tao walang magtatapon ng basura sa mga ilog at kanal na dahilan para bumaho ito at bumara ang mga butas dito. kung may mga disiplina lang din ang mga naglalakihang mga pabrika na dumadaloy ang kanilang kemikal sa tubig na nagdudulot upang mamatay ang mga isda at dahilan na rin upang mamaho ito.

            Lubog sa utang. Alam naman nating lahat na napakalaki ng utang ng Pilipinas sa ibat-ibang bansa, Ngunit pano tayong mga indibidwal makatutulong kung ang sarili nga nating utang ay hindi mabayad bayaran o mabawasbawasan man lang.

             Magkakalahing nagpapatayan. Isipin na lang natin na laganap na sa panahon ngayon ang nagpapatayan, dahil na rin sigurong wala tayong pagkakaisa, gaya na lamang din sa mindanao laganap dito ang patayan, kung naiisip lang nila na magkakalahi tayong Pilipino at hindi dapat magpatayan. Siguro'y meron ngayon tayong pagkakaisang tinatawag ngunit hindi natin ito pinahahalagahan.

             Maraming drug pushers at holdaper. Hindi  rin naman natin masisisi kung ganito ang gawain ng karamihang pilipino, marahil kaya lang ginagawa ng tao ang mangholdap dahil sa kawalan ng trabaho, at siguro kaya naman marami na ring mga tao ang nalululong sa masasamang bisyo ay dala na rin na gusto nilang makaiwas sa problema na kinahaharap nila sa buhay, ngunit kung patuloy ang paglaganap ng mga ito, hindi uusad at mawawalan ng pag-asang makaahon ang minamahal nating Pilipinas.

            Maraming namamalimos na bata na dapat sa skwelahan tumutungo. Kawawang mga bata na imbis lapis at papel ang hawak, ay lata at sampaguita, ngunit dahil sa kanilang mga magulang na hindi naman pala sila kayang buhayin, hindi na sila nakakapag-aral kung kaya't nagtitinda na lang ng sampaguita o kaya naman ay namamalimos na lamang ang kanilang ginagawa pantawid gutom sa pang araw-araw.

            Nawawalan na ng magagaling at batikan. Magagaling? nasaan sila?. Ano pa bang bago? edi nasa ibang bansa, karamihan sa mga Pilipino ay pinipili na lamang na magtrabaho sa ibang bansa dahil daw malaki ang sweldo, ngunit kung ating iisipin ay parehas lamang at kung ating mamarapatin mas maganda ang maglingkod sa sariling bayan kaysa sa ibang bansa.

            Mga walang maayos na trabaho. Gaya nga ng sabi ko, marami na ring gumagawa ng mga illegal na gawain para lang may maipakain sa pamilya at mabuhay sa isang araw, hindi rin natin sila masisisi dahil habang umuusad ang panahon hindi rin sila nakapagtapos ng pag-aaral kung kaya't hindi rin sila makapaghanap ng magandang trabaho.

            Kurakot na pamahalaan. Alam kong mahirap manghusga sa ating Gobyerno, dahil hindi naman natin alam at wala tayong sapat na ebidensya para sabihing sila ay nagnanakaw sa kaban ng pamahalaan, ngunit ang ipinagtataka lang natin, ay kung saan napupunta ang pera na ikinakaltas bawat sweldo at ang perang nalilikom sa taong bayan.

            Lumulobong populasyon. Family Planning, yan ang sagot sa lumalaking populasyon ngunit siguro nga ay maraming Pilipino ang hindi nakakaunawa dito, hindi man lamang nila iniisip kung may maipapangkain ba sila sa kanilang pamilya kung sakaling dumami ang kanilang mga anak, sino ang kawawa? sinong dapat sisihin? ang mga anak o ang mga magulang.

            Lumalalang polusyon. Polusyon, Hindi na ito bago sa atin, dahil alam nating lahat na tayong mga tao ang may gawa para lumala ito, dahil hindi tayo disiplinado, hindi natin kayang kontrolin ang ating mga sarili sa pagtapon kung saan-saan at hindi natin kayang linisin man lang ang mga kasalanan na ating kinakalat.

            Kung ang lahat ng tao ay may disiplina maaaring mabawasan ang mga suliraning kinahaharap ngayong ng ating bansa, siguro lahat ng tao ay may sapat na trabaho malaki ang posibilidad na makaahon tayo, siguro kung maayos na ang buhol-buhol na kuryente maganda na tignan ang lansangan at mababawasan na rin ang sunog, siguro kung nauunawaan na ng iba ang salitang Family planning ay mababawasan na ang maghihirap at mababawasan na rin ang bilang ng populasyon, siguro kung pagmamahal na lamang ang ating papairalin sa puso ng bawat isa, wala ng nag-aaway away, siguro kung naiisip ng mga taong nag-iibang bansa na mas makikita ang pagiging nasyonalismo kung dito sila sa pilipinas maglilingkod ay marami na rin silang natutulungan, siguro kung ang pamahalaan ay iniisip ang tama at tapat na paglilingkod para sa bayan ay uunlad na ang ekonomiya at mababawasan na ang utang ng pilipinas.

             Paghihirap ng Pilipinas ay malulutasan kung ang lahat ng tao ay may pagkakaisa at pagkakaintindihan, pagmamahalan at pagbibigayan, lahat ng tao ay magiging masaya at lahat tayo ay makikinabang. Sa pagtatapos nito, sana'y aking nabuksan ang inyong munting isipan, kasabay nito ang pagbubukas ng inyong mga puso sa pagiging TUNAY NA PILIPINO.

Linggo, Oktubre 24, 2010

Buhay ng isang puta


Ang Prostitusyon, ayon sa Canadian Encyclopedia at
sa West’s Encyclopedia of American Law,
ay ang pagbenta o paggamit ng sekswal na serbisyo
(halimbawa: oral sex, sexual intercourse) para kumita ng pera.
Ayon naman sa Brainy Quotes, ang prostitusyon ay isang gawain
kung saan inaalay ng babae ang kanyang katawan
para sa pakikipagpagtalik sa lalaki.


POKPOK, BUGAW, BAYARAN, PROSTITYUT
yan ang tawag sa amin ng mapanghusgang lipunan na ating kinagagalawan..
Oo, yan ang trabaho ko! Bakit? Kayo lang ba ang may karapatang mabuhay?
Nanay ko ? nasan siya ? ayun ganun din ang trabaho, masakit man isipin
naghiwalay sila ng tatay, sa kadahilanan na sumama sa kabit niya ..
Tatay ko ? nasan siya ? ayun nasa impyerno na, lumaklak ng alak
dahil kay nanay, isang araw hindi na nagising .. ayun patay!!


Sa gitna ng krisis ngayon,
sino ang may lakas loob na hindi kakapit sa patalim?
walang dahilan para kami ay inyong pandirihan
Para mabuhay ang aking apat na kapatid at ang aking sarili,
ito lang ang tanging paraan para mabuhay sa mundong ito.

Alam kong ito ay masakit para sa akin at sa aking mga kapatid !
dahil isa itong kahihiyan sa amin !! pero, wala na akong magagawa ...
hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, grade 3 lang ang narating ko
dahil na rin sa kahirapan ng buhay namin ng namatay
ang tatay noong ako'y sampung taong gulang ..
pagkatapos nun, nagsimula na akong humanap ng hanap-buhay
para sa aming magkakapatid ..

Maliit lang ang kita sa pagiging POKPOK,
kapalit ng paghawak sa maseselang bahagi ng katawan ko,
sabay ng pagbayad ng kakarampot na pera,
na pinambibili namin ng kanin at sardinas
gabi-gabi 'tong nangyayari sa pangaraw-araw naming pamumuhay,
anung magagawa ko ? ito na lang ang tanging paraan, para mabuhay eh !

Ngunit sa hindi ko inaasahan, nalasing ako ng kostumer ko,
hindi ko na namalayan na may nangyari sa aming dalawa ..
NABUNTIS AKO!! pagkatapos nun ..
hindi na nagpakita ang walanghiyang lalaki na yun ..

Pero isang araw, nagkita kami ng mayamang lalaki na nakabuntis sa akin,
hinabol ko siya ng hinabol dahil ayaw niyang maniwala na anak
niya ang nasa sinapupunan ko na dinadala ko ngayon,
Sa hindi inaasahang pangyayari ako'y nasagasaan
isang napakalaking TRUCK! Ang bumangga sa akin.

NAPAKATANGA KO! Sa kasawiang palad ... akoy dinala sa hospital,
tumigil ang pag-ikot ng mundo ko sabay ng pagpikit ng aking mga mata ..

Marahil ngayon ay palaisipan kung ano na ang nangyari sa aking mga kapatid,
malamang biktima ako at ang aking mga kapatid sa maraming naghihirap
dito sa mundong kinagagalawan natin ngayon ..


Kayo na lang ang humusga sa kapalaran ng mapait kong BUHAY!! :'(