Apokalips


Ipinapakita ang mga post na may etiketa na paglalayag. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na paglalayag. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Agosto 20, 2014

Ang Kagila-gilalas Na Paglalakbay sa St. Pio Chapel

Sulatin: Ang kagila-gilalas na paglalakbay sa St. Pio Chapel

Araw ng sabado. Napag-isipan kong sumabay sa aking mga kamag-aral sa KOM I na pumunta ng St.Pio Chapel. Saktong alasdos ng hapon ay umalis na ako ng aming bahay para hindi ako mahuli, magkikita kita kasi kame sa unibersidad ng 2:30 ng hapon sa National Institute of Physics. Taas ng sikat ng araw, ang init! Sabayan pa ito ng maitim na usok na binubuga ng mga sasakyan sa kahabaan ng commonwealth, nakakainis! Sumakay na ako ng jeep paphilcoa. Sa jeep… ako’y nagmasid tumingin sa mga pasahero at nagbayad sa driver “Bayad po! Philcoa lang..” tumapat ang jeep na sinasakyan ko sa St. Peter Parish, bilang isang katoliko ako ay nag sign of the cross… napansin kong ako lang ang nag sign of the cross tanong sa sarili ko “Ako lang ba ang katoliko dito sa jeep?” sabay lingon sa bintana, hindi na lang pinansin. Ako’y nagmuni-muni, pumasok sa aking isipan na ang jeep ay replika ng mundong ibabaw, iba’t-ibang tao, ugali, kasuotan, kultura, relihiyon, may mahirap at may mayaman. Naputol ang aking pagmumuni-muni ng makita ko na ang naglalakihang mga letra ng U.P Ayala Technohub, naghanda na ako sa aking pagbabaPara ho!”
Umakyat ako sa Footbridge. katulad ng pangkaraniwang araw, nandoon pa rin si Kuyang hindi nakakakita na may salamin, may mikropono at kumakanta ng OPM Song na may lata sa tabi at speaker. Hindi na bago sa akin ang mga taong araw-araw na nandoon dahil sa araw-araw din akong umaakyat ng overpass. Tanong sa sarili “Gaano kaya kalakas ang pananalig ng mga taong katulad ni Kuya? May Diyos pa kaya siyang pinaniniwalaan sa kabila ng mga pinagdadaanan niyang unos sa buhay?” Dedma na lang. nagmadali na akong bumaba sa hagdan dahil papuno na ang UP Ikot. Sumakay ng jeep at bumaba ng Vinzons Hall.  Sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan ang National Institute of Physics Building kung saan kame magkikita kita ng mga kasama ko. Sa ilalim ng init ng araw binaybay ko ang likod ng Math at Chem Building na turo sa akin ng mga kasama ko upang marating ang NIP. Ilang sandali lang ay nakita ko na silang dalawa. Sina Lawrence at Danica. Agad-agad kaming dumiretso na sa paglalakad at lumabas ng unibersidad patungo sa kahabaan ng Katipunan. At dahil sa pare-parehas kaming hindi alam kung paano pumunta doon, napagdesisyunan namin na magtaxi na lang.
Sa loob ng sasakyan, pumasok sa aking isipan na hindi pa ako gaanong komportable sa mga kasama ko. hindi ko pa talaga sila gaanong kilala. hindi ko pa alam kung paano sila pakikisamahan pero naisip ko na sa pagtatapos ng araw na ito ay sinisigurado kong magiging magkakasundo kami. Nagtanungan at nagpalitan kame ng mga impormasyon sa isa’t-isa hanggang sa unti-unti ko na silang nakikilala  at sa palagay ko matatapos ang aming paglalakbay na masaya. Binaybay lang ng sasakyan ang kahabaan ng katipunan hanggang sa makarating sa Eastwood at tinuruan na kami ni manong driver kung paano makikita ang simbahan na sinasabi namin. Binaba niya kame sa footbridge at doon namin nakita ang malaking Tarpaulin na may nakasulat “St. Pio Chapel”.
Wow! Ang linis ng paligid. Ang daming puno’t halaman at nagliliparang mga kalapati na para bang kame’y nasa paraiso. Sabayan pa ng hindi makabasag na katahimikan ng lugar. Teka? San nga ba ang papasok ng kapilya. Kaunti lang kasi ang tao kaya hindi namin alam kung saan maaaring pumasok, buti na lang may gwardiya at kami ay nagtanong. Bago buksan ang pinto ay bumungad sa amin ang mga karatulang nagsasaad ng mga bawal at pwede sa loob ng kapilya. Binuksan ko ang pinto. Dumampi sa akin ang lamig, airconditioned pala ang kapilya. Napakaganda sa loob. Nakaorganisa ang lahat. Sa totoo lang, hindi siya tulad ng pangkaraniwang kapilyang napupuntahan ko. Sabay basa “God in your goodness. You have made a home for the poor”. Ito ang nakasaad na sipi sa loob ng kapilya.
Habang nagpapatuloy kaming maglibot, nakatawag pansin sa akin ang kakaibang pintuan na para bang may hiwaga sa loob, para bang pinto sa mga palabas na kapag binuksan mo ay dadalhin ka sa ibang lugar. Binasa ko ang nakasulat “Sacred Place”. Wow! Mukhang nakakapagtaka kung ano ang nasa loob nito. Pagpasok sa loob. Totoo nga! Kakaiba siya… madilim ang kwarto, may ilaw, ngunit nakatutok ang mga ito sa bawat santo na andoon. walang ingay kang maririnig at mararamdaman mo ang kakaibang kabanalan sa loob ng silid na ito. Lumuhod ako sa Replika ni St. Pio na kung saan nakahiga siya sa isang salamin na ataul.
Lumuhod ako sa harapan…
Pinagdikit ko ang aking mga palad…
Pinikit ko ang aking mga mata…
At nagdasal ng taimtim…

Sa pagpikit ng aking mga mata, ramdam ko ang yakap sa akin ng panginoon at pagtanggap sa akin ni St. Pio, dahil ito ang unang beses ko na makarating sa kapilya niya. Habang nakaluhod humiling ako at nagpasalamat. Nilubos ko na ang pagkakataon na manalangin dahil sa kataimtiman ng lugar at para bang dalawa lang kame ng Panginoon na nandoon, magkausap. Ang sarap sa pakiramdam dahil walang nakakaagaw ng atensyon ko at ramdam ko ang kabanalan ng lugar na kung saan may hiwagang pumapasok sa aking damdamin.
Paglabas, nilibot muna namin ang kapilya. Kame nila Lawrence at Danica ay sobrang nagandahan sa lugar, para sa akin kung sakaling bibigyan ako ng pagkakataon mapadpad ulit sa lugar hindi ko palalagpasin puntahan ang kapilya ni St. Pio, dadalhin ko ang aking mga kapamilya at mga kaibigan. Pagkatapos libutin, parang may kakaibang tumutunog sa aking tiyan. Gutom na ako. Dumiretso kameng tatlo sa Eastwood kung saan malapit lang sa kapilya upang kumain at maglibot na din. Isang pagkakataon na rin ito para makasama at makilala pa ng lubusan ang isa’t-isa. Nakakatuwang kasama ang dalawa sapagkat habang kumakain.. nagkaroon ng kaunting talakayan patungkol sa “Wika at Lipunan”. Paglabas ng kainan, hindi namin namalayan na gabi na pala at kailangan na naming umuwi. Sumakay na kaming muli ng taxi papuntang unibersidad at doon tuluyan na kaming nagpaalam sa isa’t-isa.
Naglakad ako patungong central. Pumara ng jeep na pafairview. Tumingin ulit sa bintana.
Kataliko. Ito ang aking kinagisnang relihiyon. Naaalala ko pa na noong bata ako ay pinipilit ako ng aking Ina na uminom ng gamot. Iyong syrup na gamot na maalat at ang baho ng amoy, tulong pa sila ni Papa para lang makainom ako sa tamang oras Noong malaki na ako hindi na nila ako kailangan pang pilitin, kusa na akong umiinom. Parang sa relihiyon, katoliko ang kinagisnan ko at ito na rin ang itinatak ko sa aking isipan. sa kaugalian at papanampalataya.
 Nasa sa tao kung gaano kalakas ang kanyang paniniwalang may Diyos. Walang kahit sinoman ang magsasabi kung ano nga ba ang tama o mali at kung ano nga ba ang masama o mabuti tanging ang Diyos lang. Ang importante  sa buhay ay may Diyos kang pinaniniwalaan, magkakaiba man ang pananaw ng bawat relihiyon ang mahalaga ay kung paano ito isinasabuhay sa reyalidad, kung paano makikisama sa mga tao, kung paano siya magiging isang mabuting mamamayan sa lipunan na kanyang ginagawalan at sa kung paano niya mahalin ang kanyang kapwa. Iba-iba man ang pinaniniwalaanm, iisa pa rin ang naman ang hangarin ng bawat tao. Ang mamuhay ng matiwasay at may magkaroon ng pagkakaisa sa puso, sa diwa at sa gawa.

Sandali lang..  bababa na pala ako. “Para ho”

Kwentong OFW


REFLECTION PAPER: Globalizing National Domesticity: Female Work and Representation in Contemporary Women’s Films


Noong bata pa lang ako kapag ang kalaro ko sinasabi niya, nang payabang, na ang Tatay niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa, naiinggit ako! Naiinggit ako kasi ang pagkakaintindi ko doon ay mayaman sila dahil nasa ibang bansa yung magulang niya. Sabayan pa kasi ito ng pagmamayabang niya sa mga laruan niya na galing pang ibang bansa at mga nagtatamisang tsokolate (binibigyan naman niya ako). Subalit habang ako’y lumalaki naging iba ang pananaw ko dito at nalaman ko na ang tawag pala sa mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, na tulad ng sa kalaro ko ay “Overseas Filipino Workers” o mas kilala sa tawag na OFW.

Sa aking paglaki, maraming katanungan ang pumapasok sa aking isipan kapag naririnig kong sinasabi ng iilan na ang OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.

Madalas nating napapakinggan sa mga radyo, napapanood sa telebisyon maging sa mga commercials pa nga o nababasa sa mga pahayagan na ang mga OFW daw ay mga bayani. Sa paanong paraan natin masasabi na sila ay mga bayani? Bakit nga ba tinuturing ng nakararami sa atin ang mga “Overseas Filipino Workers” na mga bayani? Para sa aking pananaw, pumupunta sila sa ibang bansa para sa sarili nilang interes o kapakanan. Nagsasakripisyo sila para iangat nila ang kanilang buhay. Kumita man sila ng malaki ay para rin sa sarili nilang kapakanan at sa pamilya nila. Kung magpadala man sila ng pera dito sa Pilipinas ay hindi dahil sa gusto nila kundi kailangan ng pamilya nila. Bayani bang maituturing ang mga ito pagkatapos nilang piliing mangibang bansa para doon magtrabaho? Paano naman yung mga Pilipino dito sa ating bansa, mas pipiliin pa ba nilang pagsilbihan ang mga tao sa ibang bansa kaysa sa mga kalahi nila? Bayani ba ang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanyang pamilya at hindi naman talaga para sa bayan? Marahil para sa iba nakakainis ang ganito kong pananaw, pero hindi rin nila maiaalis sa ibang tao ang mag-isip ng mga ganitong klaseng kaisipan.

Sa totoo lang ay walang OFW sa pamilya ko. Siguro isa rin ito sa dahilan kung bakit labis akong naguguluhan sa kung ano nga ba ang gampaning kinahaharap ng isang OFW sa bansa at sa kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon kasabay nito ang pagbabago ng aking pananaw patungkol sa OFW. Ayon sa aking pagkakaalam kaya’t tinuring na bayani ang OFW dito sa ating bansa ay dahil sa mga salaping kanilang ipinadadala o remittances dito sa Pilipinas, tumutulong ito sa pagpapatatag ng ating pambansang ekonomiya. Malaki ang tulong na ibinibigay ng mga OFW sa ekonomiya, kaya’t sila ay binansagan bilang mga "Bagong Bayani" ng bansa. Ito pala kung bakit… kung bakit naging bayani ang mga OFW, pero para sa akin hindi ito sapat na basehan at hindi rin ito ang nagpabago sa aking pananaw. Isang beses nang mapanuod ko sa Facebook ang isang Coca-cola Commercial Sabi doon, “More than 11 Million Filipinos have left their families to find better opportunities abroad” Inilahad doon ang iba’t-ibang karanasan at dahilan ng mga OFW kung bakit sila nangibang bansa… at dito ko mas labis naunawaan ang kanilang dahilan at dito rin masasabi na sila nga ay tunay na bayani.

“Ang pinakamahirap maging OFW ay ‘yung mapalayo ka sa pamilya mo, hindi ako nakauwi ng matagal kasi yung father ko may sakit. Hindi siya nakakakita, ‘yung perang pangbakasyon ko… ipapadala ko na lang sa kanila para panggamot niya..” - Joe Marie Ballon (X-Ray Technologist)

“Pagwinter ay ang hirap, kaya kahit masama ang pakiramdam mo ay pipilitin mong bumangon… Hindi ako basta makauwi kahit gusto ko kasi mayroon akong binabayarang bahay buwan-buwan at ang aking mga anak lahat sila sa aking umaasa” – Leonie Villanueva (Caregiver)

“Malungkot…kasi ako lang mag-isa eh. Hindi ko nakita yung bunso ko na iniwan ko, eh isang taon lang siya – Joey Doble (Baby Sitter)

Ilan lang ito sa mga makabagdamdaming mga paglalahad ng mga OFW na ikinapanayam ng Coca-Cola sa kanilang commercial. Nalungkot at marami rin akong narealize pagkatapos mapanuod ang commercial na iyon. Pinost ko ito sa aking Facebook. Maraming naglikes, nagshare at nagcomment. Marami sa mga nagcomment ay yung mga taong nakaranas at nakakaranas mahiwalay sa mga taong mahal nila. Sabi ng iilan sa mga kaibigan ko, mas malulungkot at mas maiintindihan ko daw ang ibig-sabihin ng Commercial na iyon kung sakaling mangibang bansa at mapalayo ako sa aking pamilya. Napa-isip ako… Sa bagay, mahirap nga naman talaga mapalayo. Noong Tourism Student ako ay ramdam ko ang pagkangulila ko sa aking pamilya habang ako ay nasa malayong lugar. Hindi ko maiwasan noon na isipin sila Mama, Papa at yung mga kapatid ko. Pumasok rin sa isip ko na sana balang araw ay makasama ko rin sila sa paglalakbay ko. Madrama, pero sadyang nakakalungkot kapag andoon kana sa gano’ng klaseng punto.

Marahil para sa mga pamilyang may mga nagtatrabaho sa abroad masasabi nilang bayaning maituturing ang OFW. Bayani dahil sa sakripisyo nila. Bayani dahil siguro mahirap nga naman ang mabuhay ng wala sa piling ng mga taong mahal mo sa buhay. Bayani dahil sila ang nagtataguyod sa pamilya para makapagpadala ng pera. Bayani dahil pinagsisilbihan nila yung mga taong hindi nila kalahi o kamag-anak o kapamilya at Bayani dahil hindi biro ang trabahong ginagawa nila.

Noong nasa ika-apat na baitang ako sa hayskul, gumawa ako ng isang maikling kwento sa aking blog patungkol sa isang OFW ang “Ang Pakikipagsapalaran ni Juana” isang kwento ng isang ina na napilitang mangibang bansa upang matustusan ang pangangailangan nang panggamot ng kanyang anak na may sakit sa puso… (malamang babae ang ginamit kong bida para mas nakakaantig ang kuwento tulad lang ng sa mga pelikula) dahil may problema sa papeles ang kanyang asawa kaya siya ang napilitang umalis at pumunta ng ibang bansa. Pinahirapan siya sa ibang bansa at bukod pa dito ay labis ang kalungkutang kanyang nadama. Doon, napagtanto niya at ng kanyang pamilya na mas masayang magsikap at magtrabaho sa Pilipinas dahil mabilis ngang kumita sa ibang bansa, e doble naman ang pahirap at kalungkutang mawalay sa sariling pamilya.

Marahil para sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, lalo na yung mga nakatapos sa magagandang unibersidad ay madali lang makakuha ng trabaho sa Pilipinas na kung saan hindi na nila kailangan pumunta ng ibang bansa dahil pagdating sa pag-aapply mas angat ang mga nakapagtapos, sa hindi at mas angat ang nakatapos sa magandang unibersidad, kaysa sa mga unibersidad na hindi kilala. Ito ay masasabi kong pangkaraniwan na sa ating mga Pilipino, isang paraan kung saan mali ang pamamahala at hindi pagbigay ng labis na ekwalidad. Nakakalungkot dahil mismong ang mga Pilipino ang dahilan kung bakit nagagawa ng kapwa natin mangibang bansa at magsilbi sa ibang bayan.

Sa usapang ekwalidad. Ekwalidad sa lalaki at babae, marahil isang katakataka rin na halos bumibida sa iilang pelikula ay mga babae. Sadyang pagdating sa mga pelikulang Pilipino, talagang mas ginagamit ng direktor ang mga babae pagdating sa pagtatrabaho o pangingibang bansa, marahil sila ay mahina pagdating sa mga emosyonal na bagay, sa mga pangpisikalang bagay at sa marami pang bagay na talaga naming sila ay mahina. Kung kaya’t ito ang ginagamit sa mga palabas.

Gaya ng aking Ina na nagtatrabaho para sa akin, upang ako’y makapagtapos ng pag-aaral. Para sa akin ay gusto ko na siyang patigilin sa kanyang pagtatrabaho ngunit hindi ko rin kayang masabi dahil alam kong para din sa akin ang ginagawa niya. Kita kong hirap siya sa pagtatrabaho sapagkat alam kong hindi niya pipiliin na magtrabaho, na alam kong mas gusto niyang pagsilbihan kaming mga anak niya na tulad lang ng pangkaraniwang Ina na nag-aasikaso sa kanyang mga anak o sa kanyang pamilya. Ngunit gayun pa man alam kong darating din ang panahon na masasabi kong “Ma, h’wag ka nang magtrabaho… ako na lang ang magtatrabaho” Hindi man ngayon pero pipilitin kong mangyari iyon.

Wala man sa pamilya namin ang nagtatrabaho sa ibang bansa o wala man akong kamag-anak na OFW, pero dama ko kung ano ang nararamdaman ng mga taong may kamag-anak o kapamilya na OFW. Natutuwa ako sa kadahilanang dahil lang sa pagtataka kong “OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.” Natuklasan ko, hindi lang ang sagot kung bakit, ngunit pati ang istorya sa likod ng mga paghihirap ng mga ito. Masasabi kong bayani silang maituturing kung sa pamilya pagbabasehan. Nasagot man ang tanong ko pero hindi pa rin ako kumbinsido kung sa buong bansa maituturing silang isang bayani. Ikaw ba, para sa’yo? Ikaw na ang humusga kung maituturi nga ba ang OFW na isang bayani ng isang bansa o ng isang pamilya lang.

Lunes, Hulyo 29, 2013

Vendor: Si nanay Lucia, ate Jopay at Ako.


Namumula ba ang mata mo dahil sa sikat ng araw? O puno ba ng kulangot ang ilong mo dahil sa polusyong binubuga ng mga sasakyan? E kamusta naman yung bibig mo na pagod na sa kakasalita ng “Bili na po kayo!”? Sa tingin mo ba kung vendor lang ang trabaho ng magulang mo, mapagtatapos ka nila? Gaano ba kahirap maging mahirap? Sino ba ang dapat sisihin sa maraming naghihirap? Gobyerno? Ang Diyos? Sino nga ba?

Mga katanungang lumilipad sa isipan ko habang ako’y naghahanap ng  taong makakapanayam. Isang matandang babae ang pumukaw at tumuwag ng aking  pansin. Siya ay may katabaan ang pangangatawan, hindi mahaba ang kanyang buhok na halos parang panglalaki ang gupit, ito ay itim, na para bang pinakulayan sapagkat tumutubo na ang puti sa ilalim, mga matang namumula ang gilid pero sumasabay pa rin ang kislap ng mga ito sa pagsinag ng araw, hindi gaanong kapanguan ang ilong, bilugan ang mukha na may matatabang pisngi at labi na may matatamis na ngiti.

Ganito ko mailalarawan si Aling Lucia Bulan, 65 na taong gulang, dalawampung taon na siyang vendor, nagtitinda ng dyaryo, tinapay, candy at nagpapaload din, basta mga sari-saring paninda. Natagpuan ko siya sa kahabaan ng overpass ng Edsa sa tapat ng SM North, sa araw-araw niyang pagbebenta doon mahigit 500 lang ang kinikita niya sa isang araw, depende pa ito. Kapalit nang pagtititis ni nanay Lucia ang paglanghap ng makakapal na usok na binubuga ng mga sasakyan, pawis sa maghapong pagbabantay sa ilalim ng araw at pagod na mga matang gusto nang magpahinga.

Tubong Leyte si nanay Lucia, laking gulat ko ng sabihan niyang tapos siya ng Tailoring pero mahirap na daw maghanap ng trabaho sa probinsya noong mga panahon niya, kaya’t  nakipagsapalaran siya dito sa Maynila at dito na lumaki, dito na rin nakapag-asawa. Mahirap ang lagay ko habang nakikipagpanayam ako kay nanay Lucia sapagkat may problema na ang kanyang tainga, hindi na siya gaanong nakakadinig ng maayos kung kaya’t tinutulungan ako ng kasama niyang babae upang lubos kameng magkaunawaan.

Balingkinitan ang katawan, hindi katangusan ang ilong ‘di rin kapanguan tama lang para sa kanyang mukha, nakapusod ang buhok, kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at maborloloy ang katawan. Siya si ate Jopay, hindi niya totoong pangalan, pamangkin ni nanay Lucia, ayaw niyang magpakilala at ayaw niya ring siya ang interbyuhin ko. Sinabi ko baka mahirapan akong makipagpanayam kay nanay kaya siya na lang, pero ayaw niya talaga, si nanay Lucia na lang daw at tutulungan na lang niya ako para lubos kameng magkaunawaan ni nanay Lucia. Nirespeto ko ang desisyon ni ate Jopay, marahil may rason siya kung bakit ayaw niya.  

Wala ng asawa si nanay Lucia, vendor din ang hanap-buhay ni tatay bago pa ito noon pumanaw, sabay silang nagtitinda upang makaraos sa pang araw-araw at makapagtapos ang kanilang anim na anak. Para kay nanay, ito ang pinakamatinding problemang ikinaharap niya sa buhay, ang mamatay ang asawa dahil nangailangan sila noon ng malaking pera para sa dayalisis at gamot ni tatay. Lalo akong bumilib ng malaman kong lahat ng anak ni nanay Lucia ay nakapagtapos na nang pag-aaral, lahat pa ito ay lalaki. Ang panganay ni nanay ay isa ng ganap na Pharmacist, dalawa ang nakapagtapos ng Information Technology o I.T., ang isa ay programmer, ang isa ay titser at ang bunso ay nakatapos ng management course.

Hindi ko sukat akalain na sa pagtitinda-tinda ni nanay Lucia ay nakapagpatapos na siya  ng anim na anak, kasabay nito ang pagtanong ko sa kanya, “Bakit pa po kayo nagtitinda sa bangketa? Bakit hindi na lang kayo magpahinga sa bahay tutal lahat ng anak po ninyo, e mga propesyunal na?”, Ang sagot ni nanay Lucia sa akin, itong pagbebenta sa bangketa ang pinagkaabalahan nila noon pa man kaya hindi na niya ito maiwan iwanan at pinagbibigyan na lang siya ng mga anak niya na gawin ito dahil ayaw na ring niyang magpapigil, walang magawa ang mga anak niya kung kaya’t sinasamahan na lang siya ng kanyang pamangkin at kung minsan ng kanyang anak. Sabi ni Ate Jopay, dahil nabibingi na rin daw si nanay Lucia kung kaya’t medyo hirap na siyang magbenta kaya’t sinasamahan na lang nila ito.

Ayon kay ate Jopay, sobrang bait talaga ni nanay Lucia, palangiti pa ito. Nakita ko kung gaano kasayahin si nanay Lucia, tinanong ko siya kung ano ang motto niya sa buhay… Nagtawanan ang dalawa sabay sabing, “To see, is to believe”. Habang nag-uusap napunta na ang pakikipagpanayam ko kay ate Jopay, marahil dahil pagod na rin si nanay Lucia kaya halos kame na lang ni ate Jopay ang nagkausap.

Kasalukuyang Propesor si ate Jopay sa isang pampribadong unibersidad sa maynila, English ang subject na tinuturo niya, Oo, tapos siya ng Teacher.  Magaling at matalinong mag-isip si ate Jopay, malalaman mo talaga sa isang tao kung paano siya sumagot sa mga tanong. Gaya ni nanay Lucia, masayahin at mabait si ate Jopay.

Tinanong ko si ate Jopay kung mayroon pa siyang gustong makamit sa buhay tutal natupad na niya ang kanyang pangarap na maging isang ganap na guro. Sagot sa akin ni ate Jopay “Kung sa Propesyon lang ang pag-uusapan, tapos ko na ang pangarap na gusto kong marating, pero kung sa estado ng buhay hindi ko pa o namin ng mga kapamilya ko  naabot yun. ‘Yun ay ang umangat ang buhay mula sa kahirapan..”. Natuwa ako sa sagot ni ate Jopay, hindi ko lubos maisip na ang mga taong dinadaanan ko sa araw-araw na mga nagtitinda sa bangketa o sa overpass o sa kung saan-saan, e akala ko mga tindera lang talaga, ‘yon pala may mga kanya kanyang istorya o kwento ang buhay nila.

Dito napaisip din ako at naalala yung sinabe ng guro ko noong nasa ikatlong baitang sa hayskul, “Don’t underestimate people, because they have their own story and they can soar high” Dapat maging pantay pantay ang pagtingin natin sa mga taong nasa paligid natin, hindi porket gano’n lang ang trabaho nila, e wala na silang alam.

Tuloy pa rin ang pag-uusap namin, hanggang sa humantong ako sa tanong na, minsan na kayang sinisi ni ate Jopay ang Diyos sa pagiging mahirap niya. Natuwa naman ako sa matapat na sagot ni ate Jopay dahil sabi niya sa akin “Oo naman! Madalas kong nasisisi ang Diyos lalo na kapag walang wala na ako at yung pamilya ko, tinatanong ko sa kanya kung bakit mahirap lang kame? Kung bakit buti pa yung iba mayaman at kame mahirap? Kung bakit kame pa yung mahirap? Gano’n..”  Maganda ang pananaw ni ate Jopay sa buhay, sadyang kahanga-hanga ang mga sagot niya sa tanong ko. Nakakatuwa dahil siya at si nanay Lucia ang nainterbyu ko.

Sunod na natanong ko kay ate Jopay, E sino ba ang dapat sisihin sa pagiging mahirap? Gobyerno ba? O yung Diyos ba? Sino para sa iyo? Mas lalo akong humanga ng sinabe niyang “Ang tao talaga ang dapat sisihin, sarili niya dapat ang sisihin niya kung bakit siya mahirap, dahil ang tao ang may hawak sa kapalaran niya. Nandiyan ang trabaho, maraming opportunidad jan, nasa tao kung paano siya magsisikap at kung paano niya gustong makamit yung estado ng buhay na pinapangarap niya” Parang hindi isang tindera ang nakakausap ko nung mga oras na iyon kaya sobrang dame naming napag-usapan dahil natuwa akong kausap ang magtiyahin..

Pagkatapos ng ilang katanungan bumili ako ng mga tinda ni nanay Lucia at ate Jopay para ito na rin ang kapalit sa pagiinterbyu ko sa kanila. Si ate Jopay na rin ang nagkuha ng litrato sa amin ni nanay Lucia, nakipaghiwalay ako sa dalawa ng may ngiti, gayun din naman sila at sabay sabi ko “Nay at ate Jopay, babalik na lang po ako sa inyo kapag napadaan ulet ako dito o kaya pag napadpad ako sa SM North… Marami pong salamat!” Natuwa ako sa ginawa ko at natuwa ako sa mga nalaman ko. Marami akong natutunan sa kanila at malaki rin ang natulong nila sa akin, hindi lang para sa asignatura ko pero sa pananaw ko na rin sa buhay.


Ikaw? Paano mo pagkakasyahin ang 500 na kinikita mo sa araw-araw para anim na anak? Alam mo na ba kung paano maglaro sa kahirapan ng buhay? Alam mo na ba kung sino ang dapat sisihin sa naghihirap na mga Pilipino? E kamusta naman yung prayoridad mo bilang tao? Marunong kana ba rumespeto ng kapwa? O isang tanong na, Gaano ba kahirap ang maging isang mahirap…..