Reaction Paper: The Miseducation of the Filipino
Maskara
Ang mukha ng edukasyon, ito ang sandata ng isang tao upang makamit ang tagumpay na kanyang hinangad sa buhay. Ito ang sagot sa lumalaking kamangmangan at makamit ang tagumpay ng isang bansa.
Sa Pilipinas, ‘miseducation’ ang nangyari at hindi edukasyon noong panahon ng Amerikano, ngunit hanggang sa kasalukuyann nangyayari pa rin ito. Tulad na lamang sa mga paaralan, iba ang itinuturo sa elementarya at sekondarya dahil ang gobyerno na nakasuot ng maskara ang nagdidikta sa kung ano ang nararapat na ituro at ito’y sa pamamagitan ng DepEd. Hindi tulad sa kolehiyo lalo na sa UP, itinatanggal nito ang maskara ng bawat isko at sinasabing mali ang pagsuot nito, na hindi kailanman makakamit ang nasyonalismo at kaunlaran ng bansa kung patuloy na isusuot ito. Subalit sa UP pa lamang din ay makikita na, na nanaig pa rin ang mga mag-aaral at guro na nakasuot nito tulad na lamang ng mga estudyante at propesor na nagnanais ng Academic Calendar Shift, na sinasabing sa tulong ng pagsuot ng maskara makikita ng ibang bansa na kaya nating makipagsabayan sa kanila. Subalit paano makikilala ang Pilipino kung suot-suot pa rin niya ang maskara at hindi ipinapakita ang mukha sa likod nito.
Bukod sa demokrasyang itinuro, magaling rin ang mga Amerikano sa pagsuot ng maskara sa Pilipino dahil napaniwala nila noon na ito’y maganda at magagamit sa hinaharap ngunit ang hindi natin alam ay sa tulong nito nagagawa na nilang sakupin at mapasakamay na tayo. Sa kabilang banda, Isa pang patunay na dahil sa maskarang gamit, natatakpan ang bibig ng bawat Pilipino dahilan upang mahirapan tayong magsalita ng purong Filipino o tagalog. Habang nakasuot tayo ng maskara itinuturo bilang wikang panturo ang ingles sa atin dahil sinasabing mas bagay ang wikang ingles sa maskarang suot natin. Mas magiging mukhang kaaya-aya daw tayong mga Pilipino kung gamit ito at mas magiging mataas ang antas ng bawat Pilipino na magaling dito. Ngunit dahilan rin ito upang tayo’y mahirapan umintindi at magsulat sa wikang ingles maging sa wikang atin, sapagkat nahahati ang kaalaman natin. Hindi pa man tayo bihasa sa wikang atin, pinapasok na sa utak ng bawat Pilipino ang wikang ingles dahilan upang mas mahirapan tayo. Sinasabing ang ingles ang sagot sa kahirapan, kapag magaling ka sa ingles mas marami ang oportunidad ang naghihintay sa’yo. Kaya’t mas maraming Filipino ang nananabik matuto ng ingles kaysa sa wikang atin. Sa panahon ngayon, tulad ng ibang mga estudyante sa UP, mas marami ang tinatawag na “Conyo”. Sa UP din makikita na mababa ang tingin sa’yo ng iba kapag nagpahayag ka gamit ang tagalong/Filipino samantala matalino ka naman kapag magaling kang magsalita ng ingles.
Patunay na magpasahanggang ngayon patuloy pa rin na isinusuot ng bawat Pilipino ang maskara na ating nakuha mula sa mga dayuhang Amerikano na akala ng nakararami ay maganda ito sa paningin ng iba, na akala nila dahil dito ay uunlad ang bansa at pagkatao nila, ngunit ang hindi nila nakikita at nalalaman na may nakatago sa likod ng maskara na natatanging mukha ng Pilipino na wala at naiiba sa mga dayuhan, na siyang talagang magpapaunlad sa bayang pinagmulan. Ngayon, maling akala pa rin ang ating sinusundan, hindi pa rin natin naiisip ang oportunidad sa nasyonalismong matagal na nating dapat ginawa. Kayang makilala ng ating bansa kahit wala ang mapagsamantalang mga Amerikano na nagsuot sa atin ng maskara. Kayang makilala ang bawat Filipino kapag may sariling identidad at mukhang inihaharap. Tanggalin ang maskara at iharap ang tunay na mukha ng Pilipino, dito mahihinuha na hindi na pala natin kinakailangan na takpan ng maskara ang ating mukha dahil makakamit ang tunay na pagbabago sa pagtanggal sa mapaglinlang na maskara.
Apokalips
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na reflection paper. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na reflection paper. Ipakita ang lahat ng mga post
Miyerkules, Agosto 20, 2014
Posted by
Alvin De Guzman Santos
1. Concept of God. Who is God for you? What is God for you?
2. Prove or disapprove God’s existence.
Ang mga magulang ko ay katoliko at isa rin akong katoliko. Bininyagan ako sa katolikong simbahan. Wala akong magagawa kasi sanggol pa ako noon at walang kamalay-malay sa kung ano nga bang paniniwala ang dapat kong paniwalaan. Ang ibig-sabihin ang mga magulang ko ang naging daan para makilala ko Siya, ang Diyos. Ngunit habang ako’y tumatanda mas lalo kong natutuklasan ang bawat bagay sa mundo kasabay nito ang mga katanungan na pumapasok sa aking isipan. Isa na doon ang katanungan kung mayroon nga ba talagang Diyos.
Sa linggo lingo kong pagsisimba ipinahayag sa akin ng simbahan ang mabuting balita, ang utos ng Diyos, kung paano nagsakripisyo ang Panginoon para sanlibutan, na Siya ang tagapagtanggol, na Siya ang Maykapal na lumikha sa lahat, na si Hesus ang anak ng diyos at marami pang iba, na nakasulat sa bibliya. Ito ang Diyos, ngunit hindi para sa akin pero para sa relihiyon na aking kinabibilangan.
Maaari akong tawaging ateista pero hindi dahil sa wala akong Diyos na pinaniniwalaan. May Diyos ako, ngunit ayoko lang ang pamamahala ng simbahan, kung kaya’t hindi pa rin sapat sa akin ang tawagin na ako’y isang katoliko. Hindi pa malinaw sa akin ang lahat ng nasusulat sa bibliya at kung mayroon nga bang Siya. Marami pa ring katanungan ang nabubuo sa aking isipan lalo na kapag tinanong na sa akin kung “Mayroon bang Diyos?” Gayunpaman isa lang ang masasabi ko, may Diyos ako. May Diyos akong pinaniniwalaan
Ang Pag-ibig, pag-ibig para sa akin, ito ang nagpapatunay na mayroong Diyos hangga’t mayroong pag-ibig sa mundong ibabaw. Nangangahulugan itong nasa puso ng bawat isa ang Diyos na naghahatid sa atin sa kabutihan at maging mabuti. Ang Diyos ay tulad ng hangin, hindi mo man nakikita ngunit nararamdaman mo. Samatala, ang paghahanap sa kasagutan kung mayroon nga bang Diyos ay tulad ng patuloy na paghahanap natin sa katotohanan.
Marahil sa puso, sa isip at sa dadamdamin ko mayroon akong Diyos, sapagkat sa bawat hiling, sa bawat hingi ng senyales, sa bawat pag-iyak, sa bawat kasiyahan, sa bawat pagsubok, sa bawat gabi ko Siyang kausap, at sa aking patuloy pang paglalakbay ramdam ko na kasama at makakasama ko Siya. Naniniwala at maniniwala ako na may Diyos at patuloy kong hahanapin ang katotohanan upang mahanap ko ang sagot sa kung mayroon nga bang Diyos.
Ang Kagila-gilalas Na Paglalakbay sa St. Pio Chapel
Posted by
Alvin De Guzman Santos
Sulatin: Ang
kagila-gilalas na paglalakbay sa St. Pio Chapel
Araw
ng sabado. Napag-isipan kong sumabay sa aking mga kamag-aral sa KOM I na
pumunta ng St.Pio Chapel. Saktong alasdos ng hapon ay umalis na ako ng aming
bahay para hindi ako mahuli, magkikita kita kasi kame sa unibersidad ng 2:30 ng
hapon sa National Institute of Physics. Taas ng sikat ng araw, ang init!
Sabayan pa ito ng maitim na usok na binubuga ng mga sasakyan sa kahabaan ng
commonwealth, nakakainis! Sumakay na ako ng jeep paphilcoa. Sa jeep… ako’y nagmasid
tumingin sa mga pasahero at nagbayad sa driver “Bayad po! Philcoa lang..” tumapat
ang jeep na sinasakyan ko sa St. Peter Parish, bilang isang katoliko ako ay nag
sign of the cross… napansin kong ako
lang ang nag sign of the cross tanong
sa sarili ko “Ako lang ba ang katoliko dito sa jeep?” sabay lingon sa bintana,
hindi na lang pinansin. Ako’y nagmuni-muni, pumasok sa aking isipan na ang jeep
ay replika ng mundong ibabaw, iba’t-ibang tao, ugali, kasuotan, kultura,
relihiyon, may mahirap at may mayaman. Naputol ang aking pagmumuni-muni ng makita
ko na ang naglalakihang mga letra ng U.P
Ayala Technohub, naghanda na ako sa aking pagbaba “Para ho!”
Umakyat
ako sa Footbridge. katulad ng pangkaraniwang araw, nandoon pa rin si Kuyang
hindi nakakakita na may salamin, may mikropono at kumakanta ng OPM Song na may
lata sa tabi at speaker. Hindi na bago sa akin ang mga taong araw-araw na
nandoon dahil sa araw-araw din akong umaakyat ng overpass. Tanong sa sarili “Gaano
kaya kalakas ang pananalig ng mga taong katulad ni Kuya? May Diyos pa kaya
siyang pinaniniwalaan sa kabila ng mga pinagdadaanan niyang unos sa buhay?” Dedma
na lang. nagmadali na akong bumaba sa hagdan dahil papuno na ang UP Ikot. Sumakay
ng jeep at bumaba ng Vinzons Hall. Sa
totoo lang ay hindi ko alam kung saan ang National
Institute of Physics Building kung saan kame magkikita kita ng mga kasama
ko. Sa ilalim ng init ng araw binaybay ko ang
likod ng Math at Chem Building na
turo sa akin ng mga kasama ko upang marating ang NIP. Ilang sandali lang ay
nakita ko na silang dalawa. Sina Lawrence at Danica. Agad-agad kaming dumiretso
na sa paglalakad at lumabas ng unibersidad patungo sa kahabaan ng Katipunan. At
dahil sa pare-parehas kaming hindi alam kung paano pumunta doon,
napagdesisyunan namin na magtaxi na
lang.
Sa loob ng sasakyan, pumasok sa aking isipan na hindi pa ako
gaanong komportable sa mga kasama ko. hindi ko pa talaga sila gaanong kilala.
hindi ko pa alam kung paano sila pakikisamahan pero naisip ko na sa pagtatapos
ng araw na ito ay sinisigurado kong magiging magkakasundo kami. Nagtanungan at
nagpalitan kame ng mga impormasyon sa isa’t-isa hanggang sa unti-unti ko na
silang nakikilala at sa palagay ko
matatapos ang aming paglalakbay na masaya. Binaybay lang ng sasakyan ang
kahabaan ng katipunan hanggang sa makarating sa Eastwood at tinuruan na kami ni
manong driver kung paano makikita ang simbahan na sinasabi namin. Binaba niya
kame sa footbridge at doon namin nakita ang malaking Tarpaulin na may nakasulat
“St. Pio Chapel”.
Wow! Ang linis ng paligid. Ang daming puno’t halaman at
nagliliparang mga kalapati na para bang kame’y nasa paraiso. Sabayan pa ng
hindi makabasag na katahimikan ng lugar. Teka? San nga ba ang papasok ng
kapilya. Kaunti lang kasi ang tao kaya hindi namin alam kung saan maaaring
pumasok, buti na lang may gwardiya at kami ay nagtanong. Bago buksan ang pinto
ay bumungad sa amin ang mga karatulang nagsasaad ng mga bawal at pwede sa loob
ng kapilya. Binuksan ko ang pinto. Dumampi sa akin ang lamig, airconditioned pala ang kapilya. Napakaganda sa loob. Nakaorganisa ang lahat. Sa totoo
lang, hindi siya tulad ng pangkaraniwang kapilyang napupuntahan ko. Sabay basa “God in your goodness. You have made a home
for the poor”. Ito ang nakasaad na sipi sa loob ng kapilya.
Habang nagpapatuloy kaming maglibot, nakatawag pansin sa akin
ang kakaibang pintuan na para bang may hiwaga sa loob, para bang pinto sa mga
palabas na kapag binuksan mo ay dadalhin ka sa ibang lugar. Binasa ko ang
nakasulat “Sacred Place”. Wow!
Mukhang nakakapagtaka kung ano ang nasa loob nito. Pagpasok sa loob. Totoo nga!
Kakaiba siya… madilim ang kwarto, may ilaw, ngunit nakatutok ang mga ito sa
bawat santo na andoon. walang ingay kang maririnig at mararamdaman mo ang kakaibang
kabanalan sa loob ng silid na ito. Lumuhod ako sa Replika ni St. Pio na kung
saan nakahiga siya sa isang salamin na ataul.
Lumuhod ako sa harapan…
Pinagdikit ko ang aking mga palad…
Pinikit ko ang aking mga mata…
At nagdasal ng taimtim…
Sa pagpikit ng aking mga mata, ramdam ko ang yakap sa akin ng
panginoon at pagtanggap sa akin ni St. Pio, dahil ito ang unang beses ko na
makarating sa kapilya niya. Habang nakaluhod humiling ako at nagpasalamat.
Nilubos ko na ang pagkakataon na manalangin dahil sa kataimtiman ng lugar at
para bang dalawa lang kame ng Panginoon na nandoon, magkausap. Ang sarap sa
pakiramdam dahil walang nakakaagaw ng atensyon ko at ramdam ko ang kabanalan ng
lugar na kung saan may hiwagang pumapasok sa aking damdamin.
Paglabas, nilibot muna namin ang kapilya. Kame nila Lawrence
at Danica ay sobrang nagandahan sa lugar, para sa akin kung sakaling bibigyan
ako ng pagkakataon mapadpad ulit sa lugar hindi ko palalagpasin puntahan ang
kapilya ni St. Pio, dadalhin ko ang aking mga kapamilya at mga kaibigan.
Pagkatapos libutin, parang may kakaibang tumutunog sa aking tiyan. Gutom na
ako. Dumiretso kameng tatlo sa Eastwood kung saan malapit lang sa kapilya upang
kumain at maglibot na din. Isang pagkakataon na rin ito para makasama at
makilala pa ng lubusan ang isa’t-isa. Nakakatuwang kasama ang dalawa sapagkat
habang kumakain.. nagkaroon ng kaunting talakayan patungkol sa “Wika at
Lipunan”. Paglabas ng kainan, hindi namin namalayan na gabi na pala at
kailangan na naming umuwi. Sumakay na kaming muli ng taxi papuntang unibersidad
at doon tuluyan na kaming nagpaalam sa isa’t-isa.
Naglakad ako patungong central. Pumara ng jeep na pafairview.
Tumingin ulit sa bintana.
Kataliko. Ito ang aking kinagisnang relihiyon. Naaalala ko pa
na noong bata ako ay pinipilit ako ng aking Ina na uminom ng gamot. Iyong syrup
na gamot na maalat at ang baho ng amoy, tulong pa sila ni Papa para lang
makainom ako sa tamang oras Noong malaki na ako hindi na nila ako kailangan
pang pilitin, kusa na akong umiinom. Parang sa relihiyon, katoliko ang
kinagisnan ko at ito na rin ang itinatak ko sa aking isipan. sa kaugalian at
papanampalataya.
Nasa sa tao kung gaano
kalakas ang kanyang paniniwalang may Diyos. Walang kahit sinoman ang magsasabi
kung ano nga ba ang tama o mali at kung ano nga ba ang masama o mabuti tanging
ang Diyos lang. Ang importante sa buhay
ay may Diyos kang pinaniniwalaan, magkakaiba man ang pananaw ng bawat relihiyon
ang mahalaga ay kung paano ito isinasabuhay sa reyalidad, kung paano makikisama
sa mga tao, kung paano siya magiging isang mabuting mamamayan sa lipunan na
kanyang ginagawalan at sa kung paano niya mahalin ang kanyang kapwa. Iba-iba
man ang pinaniniwalaanm, iisa pa rin ang naman ang hangarin ng bawat tao. Ang
mamuhay ng matiwasay at may magkaroon ng pagkakaisa sa puso, sa diwa at sa
gawa.
Sandali lang.. bababa
na pala ako. “Para ho”
Posted by
Alvin De Guzman Santos
Reflection Paper: THE MISEDUCATION OF THE FILIPINO – Renato
Constantino
Edukasyon. Ito ang isa sa sandata
ng isang tao upang magtagumpay sa buhay. Ito ay importante sa bawat isa sa
atin. Ito ang sagot para hindi tayo lumaking mangmang. Upang yumaman ang isang
tao nararapat na mayroon nito. Ito ang sentro ng buhay natin. Ito ang isa sa
pinakamagandang maipagmamalaki sa iba. Ito ang pinakamatibay na pundasyon ng
isang indibidwal. At ito rin ang sagot sa kaunlaran ng isang bansa.
Sa Pilipinas, misedukasyon ang
nangyari at hindi edukasyon. Sa kawalan ng ating bansa ng matatag na
sibilisasyon, marami sa sumakop sa atin ay nagtatag ng Direct Colonialism kung saan, naging ganap ang pagsakop sa larangan
ng buhay ng mga Pilipino – Sa relihiyon, lipunan, ekonomiya, kultura at wika –
na tumatak sa ating kaisipan. Lalo na ang mga Amerikano na umukit ng husto sa
ating institusyon, bansa, kaisipan at pananaw sa daigdig.
Ang pagkakaroon ng pusong
makabayan ay importante sa edukasyon upang matamo ang ninanais. Subalit tayong
mga Pilipino ay mas nauudyok pag-aralan ang kaisipan ng kanluranin, nawawalan
tayo ng interes sa pag-aaral ng sariling kasaysayan natin. Laging nagbabase ang
mga Pilipino sa akda ng mga dayuhan at hindi sa sariling pantas. Sa katotohanan,
marami ng mahahalagang kontribusyon sa daigdig ng kaisipan ang ating mga
kababayan ngunit hindi lang ito labis na nabibigyang pansin at importansya.
Ayon nga sa isang artikulo na ginawa ni Renato Constantino, wala kasi tayong Intellectual tradition.
Isa sa mga tumatak talaga sa mga Pilipino
noong Panahon ng Amerikano ay ang pagturo ng mga ito ng Ingles, na kung saan
alam naman natin na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin natin, marahil hindi
natin maitatangging malaki ang naitulong nito sa atin at alam nating wala tayo
sa kung nasaan ang mga Pilipino ngayon kung hindi tayo naturuan ng wikang
Ingles. Isa rin sa dahilan kung bakit mabilis na nasakop ng Amerika ang Pilipinas
dahil noong matamo ng mga Pilipino ang kalayaan mula sa Kastila, tinulungan
kaagad tayo ng mga Amerikano kung paano maging isang demokrasyang bansa. Gaya
nga nang pinahayag nila na ang gusto lang nilang mangyari sa mga Pilipino
kaya’t tinuruan nila ng wikang panturo o ang Ingles ay matanggal ang pagiging
mang mang at ignorante ng mga Pilipino. Upang dito ay matuto tayong magkaroon
ng sariling atin at mailigtas tayo sa kamay ng mga kastila at hapon.
Marahil noong Panahong ng mga
Amerikano tuluyang umusbong ang edukasyon ng Pilipino, sa kasamaang palad ito
na rin ang simula ng ating misedukasyon. Dahil dito na rin nagsimulang
kalimutan ng mga Pilipino ang pansariling wika at naging dayuhan na rin ang mga
Pilipino sa sariling bansa. Binibigyan din ng mga Pilipino ng halaga ang
tradisyon at kaugalian ng mga dayuhan, kaya’t hindi nakapagtataka na ang ating
pag-iisip ay hinuhubog ng itinuturong maka-dayuhan at ng mismong reyalidad.
Dito rin pumasok ang kasaysayan at katangian ng mga kanluranin na imbis maunawaan
ng mga Pilipino na ito ang kailangan natin mas naging malala pa sapagkat mas
minahal na ito ng mga Pilipino at mas binigyan ng pansin.
Samantala sa larangan ng
ekonomiya, pinakilala ng bansang Amerika na ang Pilipinas ay maaring maging
industriyalisado. Noon ang alam lang kasi natin ay magaling lang tayo sa
agrikultura, subalit dahil sa mga Amerikano natuklasan ng mga Pilipino na maari
din pala ang bansa natin makisabay sa ibang bansa pagdating sa industriya.
Sinabi ni Constantino na isa sa
mga pangit na kaugalian nating mga Pilipino ay tuwang-tuwa tayo na kapag
binabanggit ng mga dayuhan na ang ating bansa ay isang paraiso, na hindi natin
nakikita ang reyalidad kung saan ang ibang mga kababayan natin ay hindi paraiso
ang tingin dahil sa kahirapang kanilang nadarama.
Sa kabilang banda, ang pinaka
nakaapekto ay ang wika. Wika ang isa sa pinakaproblema ng ating bansa.
Naniniwala tayo na ang Ingles ay ang wikang panturo, sa paraang ito hindi natin
naiisip na tayo ay Pilipino, na mas kailangan nating palawakin at mas aralin
ang sariling wika natin. Nakakalungkot ring isipin na maraming pamilya ang
pananaw ay ang edukasyon ay isang instrumento lamang ng pagtatamo ng personal
na ambisyon sa buhay at dagdag pa dito, Ingles ang binibigyang prayoridad sa edukasyon
at negosyo. Paggamit ng Ingles ay hindi nagbunga ng kaunlaran. Nauntol ang
pag-unlad ng wikang pambansa bilang wikang panturo, wikang opisyal at wika ng
negosyo.
Marahil nakatulong ang dayuhan
upang umusbong ang ating bansa ngunit hindi naman malinaw ang hangarin na
bigyan ng tamang edukasyon ang bawat Pilipino subalit ito’y naging
misedukasyon. Marami man tayong natutunan, subalit hindi maganda ang
kinalabasan nito sapagkat nagpadala ang nakararami sa atin sa pagmamahal dito
at nakalimutan na, na sila ay Pilipino.
Posted by
Alvin De Guzman Santos
REFLECTION 3: Children's Games as Signs of
Globalization
Habang ako’y nglalakad pauwi sa aming bahay, may
nakita akong mga batang naglalaro ng Patintero. Natuwa ako at natanong sa aking
isipan, “May mga bata pa palang naglalaro nito?”. Bigla kong naalala yung
kapanahunang naglalaro ako nito. kapanahunan? Gano’n na ba ako katanda, kasi
naisip ko sa panahon ngayon wala ng batang naglalaro nito o kaya kahit na anong
larong pinoy, ‘yun bang mgagamit mo yung pisikal na pangangatawan mo. Kaya
bigla akong natuwa sa mga batang mas bata sa akin no’ng nakitang kong naglalaro
pa rin sila nito.
Naranasan mo na bang maglaro ng Patintero? Luksong
baka? Turumpo? Taguan? Sipa? Bahay-bahayan? Jack en poy? Siyato? Tumbang Preso?
Chinese Garter? Finish Palo? Agawan Base? O kung ano mang larong pinoy, kasi
ako Oo lahat ito naranasan ko. Para sa’kin, isa ito sa pinagmamalaki ko. Ika
nga nila, masuwerte ka kapag batang 90’s ka kasi mararanasan mo yung mga larong
katulad ng mga ito.
Sa pag-ikot ng mundo, kasabay nito ang pag-unlad
nito na tinatawag nating Globalisayon. Katulad nga ng mensahe sa palabas ng mga
nag-ulat, isa sa magandang halimbawa ng Globalisasyon sa Pilipinas ay ang larong
pinoy. Sa Pilipinas, tatak na sa ating kultura ang kakaibang mga laro na nauuso
sa ating bansa. Pagdating sa larong pinoy, nagagamit ng mga batang pinoy ang
diskarte sa pag-iisip, lakas ng pangangatawan at kakaibang proseso ng laro na
kung saan sa pinas lang mararanasan. Subalit
sa bilis na paglipas ng mga araw, sa panahon ngayon, bihira na lang tayo
makakakita ng mga batang naglalaro ng larong pinoy dahil nag-usbungan na ang
mga modernong teknolohiya kung saan mas pinagtutuunan nila ng pansin at dito
kumukuha ng libangan.
Alas tres ng hapon. Ito ang oras ng laro namin ng
aking mga kalaro no’ng bata pa lamang ako. Hindi ako hinahayaan ni Mama na
lumabas dahil tanghaling tapat ito at mainit, madali daw akong pagpapawisan at
baka atakihin daw ako ng aking hika. Ang ginagawa ko, tumatakas ako kasi
naiinggit talaga ako kapag nakikita ko yung mga kalaro ko. Imbis na matulog sa
hapon mas ginugusto kong maglaro kasi noong bata ako wala pa namang mga gadgets noon. ‘di katulad ngayon hindi mo
na kailangan lumabas o humanap ng kalaro para malibang ang sarili, kunin mo
lang ang Android phone, tablets o kung ano pang mga gadgets na nauuso ngayon, malilibang
kana.
Sadyang napakasarap balikan ng mga ala-ala sa
pagkabata dahil parang sa iyo lang mundo mo. Walang problema, hindi mo na
kailangan ng pera at ang mga kailangang materyales mo ay nasa bahay o paligid
mo lang. Isa sa mga nagpapaalala sa aking pagkabata ay ang mga laro na kung
saan sa bawat larong iyon ay nag-iwan ng marka sa aking nakaraan. Tatlong laro
ang pinaka paborito ko: Ang Patintero, Taguan at Luksong Baka.
Patintero.
Galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat na isinasaalang alang ng
bawat manlalaro. Ang basehan ng pagkapanalo sa larong ito ay ang bilang ng mga
manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang hindi natataya ng kalaban. Ang isang
grupo ay kinabibilangan ng hindi bababa sa 10 miyembro. Maaaring maglaro ng
patintero sa kahit anong lugar basta’t nasusulatan ang sahig ng yeso na
nagsisilbing hangganan o kaya naman ay mga linyang dapat malampasan ng bawat
manlalaro. Bilang pasimula ng laro, maghahagis ang isa ng barya upang malaman
kung aling grupo ang mauunang maglaro at kung sinong grupo ang taya.
(WikiFilipino)
Ito
ang isa sa mga paborito kong laro noong bata pa lang ako. Dito kasi mas
nagkakainitan ang dalawang magkalabang grupo. Nagkakapikunan, nagkakaasaran at
bandang huli, nagkakaayawan… dahil pare-parehas ayaw magpatalo, lahat gusto
manalo. Ang maganda do’n lahat ay masaya. Nakakadagdag pa ng saya ang ngiti ng
mga taong nanunuod sa amin, mapamatanda at bata, kaya nga kung minsan naiingit
na yung iba sa amin at gusto ng sumali.
Taguan. Ito
ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay Hide and Seek. Magandang maglaro nito
sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao
ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”. Ang sinumang
matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at
nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Habang ang taya ay nagbibilang,
ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kanyang mapagtataguan. Pagkatapos
magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga nagtago. Ang bawat nagtago naman
ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya
sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makapunta
dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung ang lahat ng manlalaro
ay nakalabas na sa pinagtataguan. (WikiFilipino).
Karamihan
ng mga matatanda, sinasabing masama daw ang magtaguan tuwing gabi (Hindi ko rin
alam kung bakit) pero ito kasi ang pinakamasaya at mas magandang oras na laruin
kasi nga ika nga nila, may thrill. Dagdag pa rito ang pinakamasaya ay ang
magtago sa kasuluksulukan. Gagamitin mo ang utak mo para makaisip ng magandang
taguan. Noong panahon ko halos isang beses lang nagkakaroon ng taya kasi
sobrang hirap naming hanapin at binuburot namin yung taya (burot ang tawag
kapag laging taya, ang taya).
Luksong Baka.
Sa larong ito, ang isang manlalaro ay tutuwad ng bahagya habang nakasuporta ang
kamay nito sa kanyang tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit
lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binti ng lumukso sa ibang parte ng
katawan ng taya, siya ang papalit dito. (WikiFilipino).
Sa
totoo lang isa rin ito sa ayokong laro. Una, maliit ako kaya nabuburot ako
kapag ako ang taya. Pangalawa, parang hindi ko kayang tumalon ng mataas. At
pangatlo, noong naglaro ako nito ay nauna ang ulo. Oo, masakit. Buti na lang
naglaro ako no’n sa damuhan, sa probinsya kaya hindi pumutok ang ulo ko, pero
hanggang ngayon hinahamon ko pa rin ang sarili ko kung paano ang tamang teknik
para lumukso ako ng maayos nang hindi nababagok.
Sa
mga larong ito, ang kailangan mo lang ay ang iyong kapit-bahay hindi mo na
kailangan gumastos ng materyales o kung ano pang teknolohiya para makapaglaro
dahil nasa paligid lang ang mga bagay na kakailanganin mo. Ito rin ay halimbawa
ng ehersisyo dahil kailangan ng malakas na pangangatawan, isip, liksi at bilis.
Sa
ngayon, hindi na ang mga ito ang nilalaro ko. Marahil dahil matanda na rin ako
para maglaro pa ng mga ganitong laro. Sa panahon ngayon, kailangan mo na rin
makiuso, dahilan na ang mundo ay pinapaikot na ng teknolohiya, ang mga larong
uso na ngayon ay halos malalaro mo lang sa kompyuter, tablet, iPod o kung ano mang
Android, basta Android. Sa ngayon tatlo sa pangunahing gusto ko ay ang Candy
Crush, Temple run at FarmVille.
Candy Crush Saga.
Isang laro na kung saan pagtatabihin mo ang tatlo o
higit pang magkakaparehong bagay para maka iskor,
at mkabawas ng mga candy tiles.Katulad din nito
ang sumikat at lumaos ng Bejewelled. Ang kaibhan
lamang ay ang pagkakaroon ng mga stage mismong puzzle, maaring magbawas ng
Jelly, iparating sa ilalim ng screen ang mga prutas, o dili kaya’y ang pagkamit
ng puntos sa tinakdang limitadong oras. Me mga power ups na tinatawag dto pero madalas
ito’y nakukuha sa pagbili sa Appstore o Google play depende sa gamit na systema.
(Heldervert Co Garma)
Sa
totoo lang, masaya rin at nakakaaliw laruin ito. Sa katunayan level 140 na ako,
kaso nakakatamad din kung minsan kasi nakahiga lang ako at tuwing wala lang
akong ginagawa tsaka ko lang naiisipang laruin at para lang makasabay sa mga
“trending” ngayon kaya naglaro ako ng Candy Crush Saga.
Temple Run. Simpleng
laro lang ito kung saan hahabulin ka lang ng “monster” ang pinakaexciting lang sa laro ay ang pasikot
sikot nitong daan at habang lumalayo ka bumibilis din ang pagtakbo mo. Kapag
nadapa ka, nahulog sa patibong o kaya naman ay nahuli ng “monster” doon ka lang
magegameover .
Tulad
ng Candy Crush, marami lang ang naglalaro nito kaya naisipan kong magdownload
sa cellphone ko at laruin ang Temple Run kinalaunan hindi ko na rin siya nilaro
kasi nakakatamad, nakaupo lang at kamay mo lang ang gumagana.
FarmVille.
Isa itong laro mula sa Facebook na ang kailangan mo lang ay bumuo ng Farm at
payayamanin. Alagaan, magpapapera, tataniman, didiligan at bibilhan ng bahay.
Third
year high school ako nang simulan ko ang paglalaro nito kasi may guro ako na sa
quiz niya ay may bonus question na may kaugnayan sa FarmVille at may plus
points ang maggift sa kanya. Kaya ayun, napilitan akong gumawa at kinalaunan ay
naenjoy ko din naman ang paglalaro.
Dabest nga daw kapag ikaw ay batang 90’s, katulad ko
(kasi ang huling batch namin ang nakaabot ng mga laro pinoy bago pa umusbong
ang teknolohiya) sa totoo lang, pwede pa naman maglaro ang mga bata ng mga
ganitong laro sa ngayon ngunit sadyang kung mas papipiliin sila, e, mas
pipiliin nilang laruin ang computer, tablet, ipod, ipad o kung ano mang gadget
lalo na yung Android, upang hindi na sila lumabas pa ng bahay at maghanap ng
kalaro at kung minsan ay hindi na rin sila pinapayagan ng mga magulang na
maglaro sa labas lalo na sa delikadong panahon ngayon.
Kung mapapansin, mas binigyan ko ng pansin ang
paglalaro ko no’ng bata pa ako dahil mas masaya at mas masayang balikan ang
alaala. Siguro nga isa rin iyon sa mga pinagmamalaki ko at yun ang mga
karanasan na labis akong natuwa na ang sarap magbalik-tanaw. Talaga nga naman
na teknolohiya na ang nagpapatakbo ng mundo, gaya na lamang sa pilipinas. Taong
2000 nagsimula nang magsulputan ang teknolohiya lalo na sa pilipinas. Totoo
talagang ang laro ay isa sa pinakamagandang halimbawa na ang Pilipinas ay
unti-unti ng nasasakop ng globalisayon. Patunay rin lang ito na ang kultura ng
larong Pilipino ay namamatay na at pinapalitan na ng mga nag-uusbungang teknolohiya.
Kwentong OFW
Posted by
Alvin De Guzman Santos
REFLECTION PAPER: Globalizing National Domesticity: Female Work and Representation in Contemporary Women’s Films
Noong bata pa lang ako kapag ang kalaro ko sinasabi niya, nang payabang, na ang Tatay niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa, naiinggit ako! Naiinggit ako kasi ang pagkakaintindi ko doon ay mayaman sila dahil nasa ibang bansa yung magulang niya. Sabayan pa kasi ito ng pagmamayabang niya sa mga laruan niya na galing pang ibang bansa at mga nagtatamisang tsokolate (binibigyan naman niya ako). Subalit habang ako’y lumalaki naging iba ang pananaw ko dito at nalaman ko na ang tawag pala sa mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa, na tulad ng sa kalaro ko ay “Overseas Filipino Workers” o mas kilala sa tawag na OFW.
Sa aking paglaki, maraming katanungan ang pumapasok sa aking isipan kapag naririnig kong sinasabi ng iilan na ang OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.
Madalas nating napapakinggan sa mga radyo, napapanood sa telebisyon maging sa mga commercials pa nga o nababasa sa mga pahayagan na ang mga OFW daw ay mga bayani. Sa paanong paraan natin masasabi na sila ay mga bayani? Bakit nga ba tinuturing ng nakararami sa atin ang mga “Overseas Filipino Workers” na mga bayani? Para sa aking pananaw, pumupunta sila sa ibang bansa para sa sarili nilang interes o kapakanan. Nagsasakripisyo sila para iangat nila ang kanilang buhay. Kumita man sila ng malaki ay para rin sa sarili nilang kapakanan at sa pamilya nila. Kung magpadala man sila ng pera dito sa Pilipinas ay hindi dahil sa gusto nila kundi kailangan ng pamilya nila. Bayani bang maituturing ang mga ito pagkatapos nilang piliing mangibang bansa para doon magtrabaho? Paano naman yung mga Pilipino dito sa ating bansa, mas pipiliin pa ba nilang pagsilbihan ang mga tao sa ibang bansa kaysa sa mga kalahi nila? Bayani ba ang nagtatrabaho sa ibang bansa para sa kanyang pamilya at hindi naman talaga para sa bayan? Marahil para sa iba nakakainis ang ganito kong pananaw, pero hindi rin nila maiaalis sa ibang tao ang mag-isip ng mga ganitong klaseng kaisipan.
Sa totoo lang ay walang OFW sa pamilya ko. Siguro isa rin ito sa dahilan kung bakit labis akong naguguluhan sa kung ano nga ba ang gampaning kinahaharap ng isang OFW sa bansa at sa kanyang pamilya. Sa paglipas ng panahon kasabay nito ang pagbabago ng aking pananaw patungkol sa OFW. Ayon sa aking pagkakaalam kaya’t tinuring na bayani ang OFW dito sa ating bansa ay dahil sa mga salaping kanilang ipinadadala o remittances dito sa Pilipinas, tumutulong ito sa pagpapatatag ng ating pambansang ekonomiya. Malaki ang tulong na ibinibigay ng mga OFW sa ekonomiya, kaya’t sila ay binansagan bilang mga "Bagong Bayani" ng bansa. Ito pala kung bakit… kung bakit naging bayani ang mga OFW, pero para sa akin hindi ito sapat na basehan at hindi rin ito ang nagpabago sa aking pananaw. Isang beses nang mapanuod ko sa Facebook ang isang Coca-cola Commercial Sabi doon, “More than 11 Million Filipinos have left their families to find better opportunities abroad” Inilahad doon ang iba’t-ibang karanasan at dahilan ng mga OFW kung bakit sila nangibang bansa… at dito ko mas labis naunawaan ang kanilang dahilan at dito rin masasabi na sila nga ay tunay na bayani.
“Ang pinakamahirap maging OFW ay ‘yung mapalayo ka sa pamilya mo, hindi ako nakauwi ng matagal kasi yung father ko may sakit. Hindi siya nakakakita, ‘yung perang pangbakasyon ko… ipapadala ko na lang sa kanila para panggamot niya..” - Joe Marie Ballon (X-Ray Technologist)
“Pagwinter ay ang hirap, kaya kahit masama ang pakiramdam mo ay pipilitin mong bumangon… Hindi ako basta makauwi kahit gusto ko kasi mayroon akong binabayarang bahay buwan-buwan at ang aking mga anak lahat sila sa aking umaasa” – Leonie Villanueva (Caregiver)
“Malungkot…kasi ako lang mag-isa eh. Hindi ko nakita yung bunso ko na iniwan ko, eh isang taon lang siya – Joey Doble (Baby Sitter)
Ilan lang ito sa mga makabagdamdaming mga paglalahad ng mga OFW na ikinapanayam ng Coca-Cola sa kanilang commercial. Nalungkot at marami rin akong narealize pagkatapos mapanuod ang commercial na iyon. Pinost ko ito sa aking Facebook. Maraming naglikes, nagshare at nagcomment. Marami sa mga nagcomment ay yung mga taong nakaranas at nakakaranas mahiwalay sa mga taong mahal nila. Sabi ng iilan sa mga kaibigan ko, mas malulungkot at mas maiintindihan ko daw ang ibig-sabihin ng Commercial na iyon kung sakaling mangibang bansa at mapalayo ako sa aking pamilya. Napa-isip ako… Sa bagay, mahirap nga naman talaga mapalayo. Noong Tourism Student ako ay ramdam ko ang pagkangulila ko sa aking pamilya habang ako ay nasa malayong lugar. Hindi ko maiwasan noon na isipin sila Mama, Papa at yung mga kapatid ko. Pumasok rin sa isip ko na sana balang araw ay makasama ko rin sila sa paglalakbay ko. Madrama, pero sadyang nakakalungkot kapag andoon kana sa gano’ng klaseng punto.
Marahil para sa mga pamilyang may mga nagtatrabaho sa abroad masasabi nilang bayaning maituturing ang OFW. Bayani dahil sa sakripisyo nila. Bayani dahil siguro mahirap nga naman ang mabuhay ng wala sa piling ng mga taong mahal mo sa buhay. Bayani dahil sila ang nagtataguyod sa pamilya para makapagpadala ng pera. Bayani dahil pinagsisilbihan nila yung mga taong hindi nila kalahi o kamag-anak o kapamilya at Bayani dahil hindi biro ang trabahong ginagawa nila.
Noong nasa ika-apat na baitang ako sa hayskul, gumawa ako ng isang maikling kwento sa aking blog patungkol sa isang OFW ang “Ang Pakikipagsapalaran ni Juana” isang kwento ng isang ina na napilitang mangibang bansa upang matustusan ang pangangailangan nang panggamot ng kanyang anak na may sakit sa puso… (malamang babae ang ginamit kong bida para mas nakakaantig ang kuwento tulad lang ng sa mga pelikula) dahil may problema sa papeles ang kanyang asawa kaya siya ang napilitang umalis at pumunta ng ibang bansa. Pinahirapan siya sa ibang bansa at bukod pa dito ay labis ang kalungkutang kanyang nadama. Doon, napagtanto niya at ng kanyang pamilya na mas masayang magsikap at magtrabaho sa Pilipinas dahil mabilis ngang kumita sa ibang bansa, e doble naman ang pahirap at kalungkutang mawalay sa sariling pamilya.
Marahil para sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, lalo na yung mga nakatapos sa magagandang unibersidad ay madali lang makakuha ng trabaho sa Pilipinas na kung saan hindi na nila kailangan pumunta ng ibang bansa dahil pagdating sa pag-aapply mas angat ang mga nakapagtapos, sa hindi at mas angat ang nakatapos sa magandang unibersidad, kaysa sa mga unibersidad na hindi kilala. Ito ay masasabi kong pangkaraniwan na sa ating mga Pilipino, isang paraan kung saan mali ang pamamahala at hindi pagbigay ng labis na ekwalidad. Nakakalungkot dahil mismong ang mga Pilipino ang dahilan kung bakit nagagawa ng kapwa natin mangibang bansa at magsilbi sa ibang bayan.
Sa usapang ekwalidad. Ekwalidad sa lalaki at babae, marahil isang katakataka rin na halos bumibida sa iilang pelikula ay mga babae. Sadyang pagdating sa mga pelikulang Pilipino, talagang mas ginagamit ng direktor ang mga babae pagdating sa pagtatrabaho o pangingibang bansa, marahil sila ay mahina pagdating sa mga emosyonal na bagay, sa mga pangpisikalang bagay at sa marami pang bagay na talaga naming sila ay mahina. Kung kaya’t ito ang ginagamit sa mga palabas.
Gaya ng aking Ina na nagtatrabaho para sa akin, upang ako’y makapagtapos ng pag-aaral. Para sa akin ay gusto ko na siyang patigilin sa kanyang pagtatrabaho ngunit hindi ko rin kayang masabi dahil alam kong para din sa akin ang ginagawa niya. Kita kong hirap siya sa pagtatrabaho sapagkat alam kong hindi niya pipiliin na magtrabaho, na alam kong mas gusto niyang pagsilbihan kaming mga anak niya na tulad lang ng pangkaraniwang Ina na nag-aasikaso sa kanyang mga anak o sa kanyang pamilya. Ngunit gayun pa man alam kong darating din ang panahon na masasabi kong “Ma, h’wag ka nang magtrabaho… ako na lang ang magtatrabaho” Hindi man ngayon pero pipilitin kong mangyari iyon.
Wala man sa pamilya namin ang nagtatrabaho sa ibang bansa o wala man akong kamag-anak na OFW, pero dama ko kung ano ang nararamdaman ng mga taong may kamag-anak o kapamilya na OFW. Natutuwa ako sa kadahilanang dahil lang sa pagtataka kong “OFW: Bagong Bayani ng Pilipinas.” Natuklasan ko, hindi lang ang sagot kung bakit, ngunit pati ang istorya sa likod ng mga paghihirap ng mga ito. Masasabi kong bayani silang maituturing kung sa pamilya pagbabasehan. Nasagot man ang tanong ko pero hindi pa rin ako kumbinsido kung sa buong bansa maituturing silang isang bayani. Ikaw ba, para sa’yo? Ikaw na ang humusga kung maituturi nga ba ang OFW na isang bayani ng isang bansa o ng isang pamilya lang.
Kubeta
Posted by
Alvin De Guzman Santos
REFLECTION PAPER: BATHROON AS A MODERN SPACE
Gusto mo bang masilip ang banyo namin?
Bago ka pumasok sa C.R namin, makikita mo ang bukasan ng ilaw, doon ito nakalagay sa labas (Hindi ko rin alam kung bakit sa labas, yan din ang tanong ko sa mga magulang ko), kulay pink ito, kalahati ng dingding ay tiles mula sa baba at pataas simento na. May makikita kang tabo, dalawang timba, Shower, lalagyanan ng sabon, shampoo at ng kung anu-anong abubot na panlagay sa katawan, albatross – ito yung nilalagay sa C.R para bumango ito –, exhaust fan para pagkatapos maglabas ng sama ng loob bubuksan ito para hindi mangamoy, sa likod ng pinto may sampayang maliit at isang basurahan. Ganito ko mailalarawan ang C.R namin, maliit lang ito na parang pangkaraniwang C.R ng pinoy. Mapapansing wala itong hugasan ng kamay o hilamusan, hindi ko rin alam dahil nasa labas ito nakalagay at doon na kame nag hihilamos at nagsisipilyo. Dahilan na rin siguro, maliit lang ang C.R namin kaya hindi pa malagyan nila mama’t papa.
Mapapansing tradisyonal na may pagka halong moderno ang style ng C.R namin. Dagdag pa dito pinapanatili namin itong malinis dahil kung minsan may mga biglaang bisita na dumarating, nakakahiya daw kapag nakitang madumi ito, sabe ni mama. Tama nga naman, nakakahiya kung dadatnan ito ng bisitang mabaho at maalinsangsang ang amoy. Sabe nga sa nabasa kong quotation sa C.R ng kamag-aral ko noong ako’y naki-C.R. sa kanila. “You can catch a glimpse of a person’s personality by looking through his/her bathroom” Tama, nababase rin sa C.R ng tao ang personalidad niya, kung siya ba ay malinis sa bahay o sa sarili. Naalala ko tuloy ang sinabe sa’kin ng aking kaibigan, na may mga tao daw na unang tinitignan ay ang C.R sapagkat dito niya binabasa ang personalidad ng tao.
Sa iba’t- ibang bansa maraming tawag sa Bathroom na ang pangunahing tawag ng Pinoy ay Comfort Room/C.R. kung minsan pa nga ay Palikuran, Rest room, Privy, Kasilyas, Kubeta, Banyo at kung anu-ano pang tawag.
Katulad sa Turkey may dalawang uri sila ng Lavatory. Ang Alafranga Lavatory (Modern Bathroom) at ang Alaturka Lavatory (Traditional Bathroom), para sa akin wirdo ang Alaturka Lavatory nila o yung Tradisyonal na C.R nila kumpara sa ginagamit ng pinoy, samantala ang Alafranga Lavatory, maayos ayos sapagkat moderno ito na tinulad ang istilo sa Western countries.
Banyo sa Pilipinas: Tradisyonal at Moderno.
Sa Pilipinas, iba’t-ibang uri o istilo ng banyo din ang nagdaan bago ito mapunta sa modernong C.R. sinabi sa akin ng kuya ko na noong unang panahon wala talagang C.R ang mga Pilipino, kapag gusto nilang maligo pumupunta sila sa batis o sa ilog para doon maligo, maglaba, at maghugas. Samantala, kapag gusto naman nilang magbawas pumupunta lang sila sa damuhan o kaya naman sa ilog din para doon ipaanod sa tubig. Nakakadiring pakinggan sapagkat kung saan sila naglalaba, naliligo at naghuhugas doon din sila naglalabas ng dumi. Sa bagay, katwiran ng mga pinoy inaanod nga naman ng tubig yung dumi kaya ayos lang.
Sa kasalukuyan, karamihan ng banyo sa Pilipinas ay trandisyonal pa rin. Tradisyonal na may Tabo, Palanggana at Tubig, basta kumpleto na ‘tong tatlong ito, ayos na ito sa pinoy. Kapag natapos sa pagdumi, naghuhugas ang mga Pilipino gamit ang tabo’t palanggana na may tubig at hindi sa flush ng inidoro at tissue, at sanay din tayo na maligo sa pamamagitan ng tabo’t palanggana na may tubig o kaya naman ay ang makikita sa probinsya na poso na naglalabas ng tubig (hindi ko lang alam ang tawag pero ganun ang gamit nila sa probinsiya). Kung ang BathTub naman ang pag-uusapan at gusting maranasan, ang ginagawa ng nakararami ay pumupunta na lang sa mga Resort at doon nagbababad.
Marahil ito na rin ang kinagisnan ng mga Pilipino na tulad ko ay mas sanay ako sa tradisyon na banyo, mas gugustuhin ko pang maligo na may tabo’t palanggana na may tubig ang gamit kaysa shower. Mas gugustuhin ko pang maghugas na tabo’t palanggana lang na may tubig din ang gamit kaysa flush at papahidan ng tissue. Sa tingin ko kasi mas tipid sa tubig at mas komportable sa pakiramdam, hindi ko rin kasi maisip ang pag punas lang ng tissue ay tapos na dahil pakiramdam ko ay madumi ang dating nito at mabaho, sa ngayon hindi ko pa siya nasusubukan.
Nakasanayan na rin ng mga Pilipino ang pagtukoy sa estado ng pamumuhay ng isang tao sa pamamagitan ng kanilang C.R, tingin kasi ng iilan kapag may shower, bathtub, water closet at may flush yung toilet ng C.R niyo o yung tinatawag natin na modernong banyo ay mayaman na ang isang tao. Kapag ang tradisyonal na banyo pa rin naman ang ginagamit ng isang tao ay ibig sabihin hindi maunlad ang pamumunhay niya. ‘Yung kapag nasa tradisyonal na C.R pa din ang gamit niyo sa inyong tahanan, na mayroong Tabo, Palanggana, walang hilamusan at Bathtub. Pero ang pananaw ng karamihang pinoy, sayang lang sa espasyo kung maglalagay pa nito o kaya naman ay mas komportable lang sila sa nakagisnan na, na banyo.
Base na rin sa natalakay, naalala ko yung experience ko bilang isang Tourism Student noon. Pumunta kame sa Ilocos Norte at Ilocos Sur kasama ang mga kamag-aral ko. Isang karanasan doon ang hindi ko makakalimutan na kinuwento ko rin sa kanila. Nanatili kame sa isang magarbong hotel, Ang “Fort Ilocandia Resort and Casino Hotel”, sinasabing – Only Five Star Hotel in North- Siguro nga ay sanay ako sa tradisyonal na banyo kaya ang dami kong karanasan noong pumasok ako sa C.R. doon. Marami na rin akong napasukang iba’t-ibang klase ng banyo kaya sanay na rin naman ako. Noong naglabas ako ng sama ng loob (alam niyo na kung ano ang ibig-sabihin ko) pagkatapos noon ay naghanap ako ng Tabo. Oo, tabo dahil sanay ako sa tabo, kaso walang tabo. Naghanap ako ng tissue, wala ring tissue. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya gumawa ako ng paraan, kinuha ko yung baso na para sa talaga sa pagmumugan at nagtiis na iyon ang gamitin. Natatawa ako sa sarili ko kasi, nararamdaman ko yung pagka inosente ko. Nagtatanong ako sa isip ko kung ignorante ba ako o sanay lang talaga ako sa tradisyonal na banyo, at tinanong ko rin ang sarili ko kung ganun nga ba talaga kapag sosyal?
Pinalagpas ko ang kaignorantihang pinairal ko sa paghanap ng Tabo. Kinuwento ko ito sa mga kamag-aral ko, hindi ko alam kung ako lang ba ang ignorante dahil lahat sila tumawa sa akin o sadyang ako lang ang may lakas ng loob na sabihin yun. Siguro nga ay sa loob ng utak nila ay gano’n din ang naramdaman nila na tulad ng sa akin.
Isa pang karanasan ay noong mga oras na maliligo na ako. Sa totooo lang, hindi ko talaga alam na may mainit at may malamig na tubig pala sa gaanoong mga hotel na kailangan mo pang timplahin at tantyahin ang pagpihit para maghalo yung dalawa at maging katamtaman ang kalabasan. Natatawa ako dahil tinanong ko pa sa kaibigan ko kung paano ba iyon gamitin at doon ko lang nalaman kung paano ito gamitin. Sa bahay kasi namin, lolo ko lang ang nag nagtitiyaga na magpainit ng tubig, kinukuha ko ang termos namin at tinitimpla sa palanggana naming may malamig na tubig para maging maligamgam ito. Siguro nga ay hindi rin talaga ako sanay na maghotel.
Kamusta naman ang Pampublikong Palikuran?
Madalas na maikumpara ang Pampublikong palikuran ng ibang bansa sa Pilipinas. Maraming nagsasabi (partikular na ang mga nakarating sa ibang bansa) na malaki talaga ang kaibahan ng pampublikong palikuran sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas. Tulad ng sa Amerika, malinis talaga ang mga banyo doon, na kahit ito ay pampubliko, hindi ka magdadalawang isip na maglabas ng sama ng loob, hindi tulad sa Pinas. Sa Pilipinas daw kasi, mahirap makahanap ng malinis at maayos na pampublikong banyo sapagkat kapag pumasok ka pa lang dito ay mas nanaisin mo nang pigilan ito kaysa magtiis sa mabahong amoy na hindi man lang nagflush ng toilet ang gumamit noon bago ka, maduming inidoro na puro tapak ng paa, mga nakakalat na napkin na parang kakatapon lang at kawalan ng tissue dahil ninanakaw daw (ayon sa Janitress). Marahil sa kawalang disiplina ito ng mga Pilipino na masasabing ganito nga tayo kadugyot pagdating sa ganitong bagay. Malaki ang epekto nito lalo na sa Pilipinas dahil baka may mga banyagang makaranas nito at maikumpara ang kalinisan ng Pinoy sa mga taga ibang bansa. Gaya nga ng nabanggit na quotation, maaring magreplika ito sa kaugalian ng Pilipino.
Marami man tayong version at istilo ng pagkakaayos ng banyo, nasa sa tao pa rin ito kung ano ang komportable C.R ang kanyang gagamitin. Sa aking pananaw, hindi importante kung Moderno o Tradisyonal ang banyo natin, basta ang importante ay kung saan tayo komportable, ‘yun ang gamitin natin. Huwag tayong magpadala sa mga taong huhusga at gagamitin itong dahilan sa pagtukoy ng estado ng ating buhay. Ang importante lang ay panatilihinh malinis, mabango at maging kaaya-aya ang ating banyo, C.R, kubeta, palikuran o kung ano pa ang tawag natin. Sabi nga nila, “Cleanliness is next to Godliness”
Ikaw? Maari ko bang masilip ang banyo niyo?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)